Pumunta sa nilalaman

AGOSTO 9, 2016
ARMENIA

Natapos ng Unang mga Saksi ni Jehova ang Alternatibong Serbisyong Pansibilyan sa Armenia

Natapos ng Unang mga Saksi ni Jehova ang Alternatibong Serbisyong Pansibilyan sa Armenia

Ang unang henerasyon ng mga kabataang lalaking Saksi sa Armenia na sumali sa programa ng alternatibong serbisyong pansibilyan ay masipag na nagtatrabaho para tuparin ang obligasyon nila sa bansa. Bago nito, ang mga Saksi ni Jehova ay napaharap sa pagkabilanggo dahil sa pagtangging maglingkod sa militar udyok ng kanilang budhi. Pero noong 2013, inamyendahan ng Republic of Armenia ang batas nito para maglaan ng alternatibong serbisyong pansibilyan kapalit ng pagsusundalo. Sa ngayon, mahigit na sa 200 Saksi ang nagpatala sa programang ito. Sa pagtatapos ng Hunyo 2016, labing-anim na Saksi ang nakatapos na sa kanilang serbisyo sa bansa.

Programa ng Alternatibong Serbisyong Pansibilyan—Nagtatagumpay

Ang unang mga kabataang lalaking Saksi na nakatapos ng programa ay dating nakabilanggo dahil sa pagtangging maglingkod sa militar. Nang magkabisa ang bagong batas, inilipat ang mga Saksing ito sa programa ng alternatibong serbisyong pansibilyan. Pagsapit ng Enero 1914, nagsimula na silang magtrabaho sa landscaping, paglilinis ng kalsada, pagtulong sa mga pagamutan, o bilang mga manggagawa na naglalaan ng iba pang serbisyo.

Nagpapasalamat ang mga kabataang lalaki na nakatapos sa kanilang alternatibong serbisyong pansibilyan dahil binigyan sila ng gobyerno ng pagkakataong magtrabaho sa makabuluhang mga gawain, kasama na ang pagpapaganda sa komunidad at pag-aalaga sa mga nangangailangan. Sa ilalim ng bagong programang ito, ang mga kabataang lalaki na nakatapos sa atas nila ay maaaring magpatuloy bilang kapaki-pakinabang na miyembro ng lipunan na walang batik ng criminal record.

Natapos ni Davit Arakelyan, 22 anyos, ang kaniyang alternatibong serbisyong pansibilyan bilang attendant sa isang nursing home. Sinabi niya: “Nakatulong sa akin ang alternatibong serbisyo para maging mas seryoso, responsable, at masipag. Natutuwa ako na nagampanan ko ang paglilingkod ko sa bansa at kasabay nito ay talagang nakatulong din ako sa iba. Pinuri ng mga nangangasiwa at tauhan ng nursing home ang gawain natin, pati nga ng ilang residente doon.” Si Mikhayil Manasyan, 22 anyos din, ay pinagtrabaho naman sa Ministry of Emergency Situations. Sinabi niya: “May natutuhan akong bagong skill kasabay ng serbisyo ko, at puwedeng ito na ang maging trabaho ko. Nagampanan ko rin ang serbisyo ko sa bansa nang hindi nilalabag ang dikta ng aking budhi.”

Magustuhan Kaya ng Ibang Bansa na Maglaan ng Alternatibong Serbisyong Pansibilyan Dahil sa Karanasan ng Armenia?

May iba pang hakbang na ginawa ang Armenia. Kamakailan, inamyendahan ng Armenia ang konstitusyon nito para isama ang pagkilala sa karapatang tumanggi sa paglilingkod sa militar udyok ng budhi. Ang Article 41(3) ng inamyendahang konstitusyon, na nagkabisa noong Disyembre 2015, ay nagsasabi: “Ang bawat mamamayan, kung labag sa kaniyang relihiyon o mga paniniwala ang paglilingkod sa militar, ay may karapatang halinhan ito ng alternatibong serbisyo sa paraang itinakda ng batas.” Pinuri ng Venice Commission of the Council of Europe ang Armenia sa ginawa nito, at sinabing iyon ay “isang kahanga-hangang paraan para matiyak na maipatutupad ang kasong Bayatyan v. Armenia * [na] dapat papurihan.”

Ang programa ng alternatibong serbisyong pansibilyan ng Armenia ay kaayon ng internasyonal na mga pamantayan. Mula sa pagiging isang rehimen na nagpaparusa sa mga tumatangging magsundalo udyok ng budhi, ang Armenia ngayon ay may paggalang sa kanilang karapatang sumunod sa udyok ng budhi. Ang mga benepisyo ng ganitong patakaran ay nagpapakita ng halimbawa sa ibang mga bansa na nagpaparusa sa mga tumatangging maglingkod sa militar. Ipinakikita ng nangyari sa Armenia na ang ganitong programa ay nakatutugon sa pangangailangan kapuwa ng gobyerno at ng mga mamamayan nito.

Sinabi ni Tigran Harutyunyan para sa mga Saksi ni Jehova sa Armenia: “Nagpapasalamat kami na gumawa ng positibong mga hakbang ang gobyerno ng Armenia para matiyak na napoprotektahan ang mahahalagang karapatang pantao, kasama na rito ang karapatang tumanggi sa paglilingkod sa militar udyok ng budhi. Magagampanan na ngayon ng mga kabataang lalaking Saksi sa Armenia ang obligasyon nila sa gobyerno sa paraang narerespeto ang kanilang budhi at nagdudulot ng pakinabang sa iba.”

^ par. 8 Ang Bayatyan v. Armenia ([GC], no. 23459/03, ECHR 2011) ay isang makasaysayang desisyon ng Grand Chamber of the European Court of Human Rights. Sa kauna-unahang pagkakataon, ipinasiya ng Korte na ang karapatang tumanggi sa paglilingkod sa militar udyok ng budhi ay kikilalaning lubusang protektado sa ilalim ng Article 9 (kalayaan ng pag-iisip, budhi, at relihiyon) ng European Convention on Human Rights.