AGOSTO 22, 2017
AUSTRIA
Bayan sa Austria, Pinarangalan ang 31 Saksi ni Jehova na mga Biktima ng Rehimeng Nazi
SELTERS, Germany—Noong umaga ng Mayo 19, 2017, nagkaroon ng isang seremonya sa Techelsberg, Austria, bilang pag-alaala sa mga Saksi ni Jehova na pinatay o ikinulong ng mga Nazi sa mga kampong piitan. Sa seremonyang iyon, inalisan ng takip ang isang alaalang plake na kumikilala sa 31 Saksi na mga “biktima ng Pambansang Sosyalismo sa Techelsberg at sa mga karatig na lugar.”
Ang programa ay nagsimula sa a cappella na pag-awit ng 60 mang-aawit. Inawit nila ang “Sulong, mga Saksi!” Ang awit ay orihinal na kinatha sa kampong piitan ng Sachsenhausen ni Erich Frost, isang Saksi na ikinulong ng mga Nazi noong Digmaang Pandaigdig II. Ang isang bersiyon nito ay inaawit pa rin sa mga pulong sa pagsamba ng mga Saksi sa buong daigdig. Pagkatapos ng panimulang musika, nagpahayag ang mga panauhing tagapagsalita na sina Mr. Johann Koban (alkalde ng Techelsberg), Mr. Peter Stocker (apo ng isa sa mga biktima sa Techelsberg, na si Gregor Wohlfahrt, Sr.), Prof. Peter Gstettner, Prof. Vinzenz Jobst, at Dr. Peter Kaiser (gobernador ng estado) sa tinatayang 350 dumalo. Iniulat ng mga istasyon ng TV sa Austria na ORF 2 at ORF Kärnten at ng ilang diyaryo roon ang pangyayari.
Noong Digmaang Pandaigdig II, 212 sa 550 Saksi sa Austria ang ipinadala sa mga kampong piitan, sa maling paratang na banta sila sa Pambansang Sosyalistang rehimen ng Germany, dahil sa kanilang pagiging neutral sa politika at pagtangging sumuporta sa digmaan. Sa mga kampong piitan, ang mga Saksi ni Jehova ay sapilitang pinagsusuot ng purple triangle sa kanilang uniporme bilang pagkakakilanlan. May kabuoang 154 na Saksing taga-Austria ang namatay sa Holocaust.
Bago ang paggunitang ito, limang Saksi mula sa Techelsberg na biktima ng mga Nazi (sina Johann Stossier, Anton Uran, Gregor Wohlfahrt, Sr., Gregor Wohlfahrt, Jr., at Willibald Wohlfahrt) ay inilista sa alaala ng digmaan bilang “nawawala”—isang pagkakamali sa ulat ng kasaysayan. Ipinaliwanag ni Prof. Gstettner ang kahalagahan ng plake: “Ipinakikita nito ang tunay na kasaysayan, sa tamang dako nito ngayon bilang isang walang-hanggang alaala ng mga taong ito, na sa tulong ng matinding lakas ng loob, at tunay na pananampalataya, ay nagpapatunay na ang hindi pagpapadala sa mga hinihiling ng isang di-makataong sistema ay mabibigyang-katuwiran at, sa bandang huli, ay magtatagumpay.”
Si Johann Zimmermann, tagapagsalita para sa mga Saksi ni Jehova sa Austria, ay nagsabi: “Pinahahalagahan namin ang mga pangyayaring gaya nito na kumikilala sa lakas ng loob at pananampalataya ng mga Saksi ni Jehova sa kabila ng malupit na pag-uusig. Inaasahan namin na ang pangyayaring ito ay nagsilbing paalaala sa kalupitan na maaaring mangyari kapag ang isang grupong minorya ay may-kamaliang itinuturing na nakapipinsalang banta sa Estado.”
Media Contacts:
International: David A. Semonian, Office of Public Information, +1-845-524-3000
Austria: Johann Zimmermann, +43-1-804-53-45
Germany: Wolfram Slupina, +49-6483-41-3110