Pumunta sa nilalaman

MARSO 10, 2023
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Nag-release ng mga Salin ng Bibliya sa South Africa

Nag-release ng mga Salin ng Bibliya sa South Africa

Noong Marso 5, 2023, ini-release ni Brother David Splane, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa South African Sign Language (kilala bilang SASL sa South Africa) at ang aklat ng Mateo sa Ndonga. Ini-release ang mga ito ni Brother Splane sa isang espesyal na programa na ginanap sa sangay ng South Africa. Maraming kongregasyon ang nakakonekta sa programa mula sa ibang lugar, kaya mahigit 130,000 ang nakapanood sa programang iyon. Pagkatapos i-release ang mga Bibliya, naging available na rin ang mga ito sa digital format.

Nag-umpisa ang pagsasalin sa SASL noong 2007 sa tanggapang pansangay malapit sa Johannesburg, South Africa. Noong 2022, lumipat ang translation team sa isang remote translation office sa Durban. Tungkol sa bagong release na SASL na Bibliya, sinabi ni Brother Ayanda Mdabe, isang elder na bingi: “Sa tulong ng salin na ’to, mas malinaw na sa mga bingi na totoo ang Bibliya at kaya nitong baguhin ang buhay ng isang tao. Sa SASL na Bibliya, mas nauunawaan ko na ang personalidad ni Jesus, pati na ang mga prinsipyo sa Bibliya. Binabago naman nito ang paraan ko ng pag-iisip.”

Ndonga ang sinasalita ng maraming tao sa Namibia, at nasa Ondangwa ang Ndonga remote translation office. a Sinabi ng isang translator: “Ipinapaalala sa akin ng release na ’to ng Bibliya na mahal ni Jehova ang mga tao at gusto niyang magkaroon sila ng tumpak na kaalaman tungkol sa kaniya.”

Masaya tayo para sa mga kapatid natin na makikinabang sa mga bagong release na ito. Tutulong ang tumpak na mga saling ito sa kanila na pahalagahan ang mga utos ni Jehova.—Kawikaan 2:1.

a Ang sangay sa South Africa ang nangangasiwa sa gawain sa Namibia.