MARSO 3, 2020
BALITA SA BUONG DAIGDIG
Coronavirus: Update at mga Dapat Gawin
Sinusubaybayan ng pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova ang pagkalat ng sakit na novel coronavirus (tinatawag na COVID-19). Alam natin na inihula na ng Bibliya na magkakaroon ng mga epidemya sa mga huling araw. (Lucas 21:11) Kapag may kumakalat na sakit, katalinuhan na gumawa ng paraan para maprotektahan natin ang ating sarili at ang iba.—Kawikaan 22:3.
Iniisip ng ilan kung kumusta na kaya ang mga kapatid sa mga apektadong lugar. Ang pagkalat ng COVID-19 ay may malaking epekto sa mga tanggapang pansangay at kongregasyon sa Italy, Japan, South Korea, at iba pang bansa. May mga panahong kailangang kanselahin ng tanggapang pansangay ang mga tour at pagpunta ng mga bisita. May mga pagkakataon din na ipinagbawal ng gobyerno ang malalaking pagtitipon, kaya kailangang kanselahin ng sangay ang mga pansirkitong asamblea. Bukod diyan, kinailangang baguhin ng mga kongregasyon sa ilang lugar ang mga kaayusan sa ministeryo at mga pulong. Sa kabila nito, hindi pinapabayaan ng mga kapatid ang kanilang espirituwalidad, at patuloy nilang pinapatibay ang isa’t isa.—Judas 20, 21.
Sa ganitong mga sitwasyon, nakatulong sa mga kapatid natin ang mga prinsipyo na mababasa sa ibaba. Makakatulong din ito sa iyo at sa iyong pamilya kapag may sakit na kumalat sa inyong lugar.
Huwag Mag-panic. Tama naman na maging updated ka sa mga epidemya at gumawa ng makatuwirang pag-iingat, pero dapat na nakabase ito sa katotohanan, at hindi dahil sa takot.—Kawikaan 14:15; Isaias 30:15.
Sumunod sa Gobyerno. Kung minsan, naglalabas ng mga utos at restriksiyon ang mga awtoridad para maingatan ang kalusugan ng mga mamamayan. Dapat na alam natin ang mga ito at sundin ang sinasabi ng gobyerno.—Roma 13:1.
Maging Malinis. Napakahalaga na regular na maghugas ng kamay gamit ang sabon at tubig o gumamit ng alcohol o sanitizer. Dapat din nating panatilihing malinis ang mga bagay na madalas nating hawakan sa ating mga bahay at Kingdom Hall. Bukod diyan, hindi inirerekomenda ng mga doktor ang pakikipagkamay sa ganitong sitwasyon, kasi baka lalong kumalat ang sakit. Nagbigay ang World Health Organization ng karagdagang payo tungkol sa coronavirus.
Magpakita ng Pag-ibig sa Iba. Mahalagang dumalo sa mga pulong at makibahagi sa gawaing pangangaral. Pero kung may sakit ka, mas mabuting manatili ka sa bahay para hindi mahawa ang iba. Pagpapakita iyan ng pag-ibig, at maiingatan natin ang mga kapatid, pati na ang iba na di-Saksi.—Mateo 22:39.
Sundin ang mga Pansamantalang Pagbabago sa Kaayusan ng Kongregasyon. Sa mga lugar kung saan kumalat ang sakit, baka kailangan munang kanselahin ng tanggapang pansangay ang mga pulong, asamblea, at iba pang teokratikong gawain. Ganiyan ang nangyari sa mga lugar kung saan maraming kaso ng COVID-19, gaya ng ilang rehiyon sa Italy, Japan, at South Korea. Depende sa kalagayan, puwedeng gumawa ng kaayusan ang mga elder para mapanood ng mga mamamahayag sa kani-kanilang bahay ang mga nakarekord na pulong. Puwedeng makibahagi sa ministeryo ang mga mamamahayag gamit ang telepono, text, e-mail, o mga sulat.
KARAGDAGANG IMPORMASYON MULA SA ATING MGA PUBLIKASYON
Makikita sa ibaba ang mga karagdagang impormasyon na makakatulong para makaiwas sa sakit.