Nakabilanggo Dahil sa Kanilang Pananampalataya—Eritrea
Sa loob ng maraming taon, inaaresto at ibinibilanggo ng gobyerno ng Eritrea ang mga Saksi ni Jehova—kasama na ang mga babae at may-edad—nang hindi nililitis o sinasampahan ng kaso dahil sa relihiyosong gawain o sa di-malamang dahilan. Sa presidential decree na may petsang Oktubre 25, 1994, inalisan ni President Afwerki ng pagkamamamayan ang mga Saksi dahil hindi sila bumoto noong 1993 sa reperendum tungkol sa kalayaan at tumatanggi silang magsundalo dahil sa konsensiya. Bago nito, nagbibigay ang Eritrea ng alternatibong paglilingkod para sa mga tumatangging magsundalo. Maraming Saksi ang nakibahagi sa ganitong paglilingkod sa ilalim ng iba’t ibang pamamahala. Nagbibigay ang gobyerno ng “Certificate of Completed National Service” at pinupuri nito ang mga nakikibahagi sa ganitong paglilingkod. Pero dahil sa presidential decree na iyon, ibinibilanggo, tino-torture, at hina-harass na ng mga pulis at mga sundalo ng Eritrea ang mga Saksi ni Jehova para mapilitan silang itakwil ang kanilang pananampalataya.
Sa ngayon, 64 na Saksi ang nakakulong (34 na lalaki at 30 babae). Noong Disyembre 4, 2020, may 28 Saksi ni Jehova (26 na lalaki at 2 babae) na pinalaya pagkatapos mabilanggo dahil sa kanilang pananampalataya. Lahat sila ay nakulong nang 5 hanggang 26 na taon. Noong Enero 29, 2021, isang lalaking Saksi ang pinalaya matapos mabilanggo nang mahigit 12 taon. At noong Pebrero 1, 2021, tatlo pang Saksi ang pinalaya (isang lalaki at dalawang babae). Nakulong sila nang apat hanggang siyam na taon.
Mga Saksing Namatay Dahil sa Mahihirap na Kalagayan sa Bilangguan
Apat na Saksi ang namatay habang nakabilanggo sa Eritrea, at tatlong may-edad na Saksi ang namatay pagkatapos nilang mapalaya dahil sa napakahirap na kalagayang dinanas nila habang nakakulong.
Noong 2018, dalawang Saksi ang namatay matapos ilipat sa Mai Serwa Prison. Si Habtemichael Tesfamariam ay namatay sa edad na 76 noong Enero 3, at si Habtemichael Mekonen naman ay namatay sa edad na 77 noong Marso 6. Ikinulong sila ng mga awtoridad sa Eritrea noong 2008 kahit walang isinasampang kaso.
Noong 2011 at 2012, dalawang Saksi ang namatay dahil sa di-makataong pagtrato sa kanila sa Meitir Prison Camp. Si Misghina Gebretinsae, 62 anyos, ay namatay noong Hulyo 2011 dahil sa matinding init habang nasa lugar ng pagpaparusa na tinatawag na “underground.” Si Yohannes Haile naman, 68 anyos, ay namatay noong Agosto 16, 2012, matapos mabilanggo nang halos apat na taon sa gayon ding kalagayan. Tatlong may-edad na Saksi, sina Kahsai Mekonnen, Goitom Gebrekristos, at Tsehaye Tesfariam, ang namatay matapos palayain dahil sa hirap na dinanas nila habang nasa Meitir Camp.
Binale-wala ang mga Rekomendasyon ng mga Ahensiya Para sa Karapatang Pantao
Patuloy na binabale-wala ng Eritrea ang internasyonal na mga pamantayan para sa karapatang pantao. Tinuligsa ng malalaking ahensiyang nagpapatupad ng karapatang pantao ang pagkakait ng Eritrea ng pangunahing mga karapatan at nanawagan silang baguhin nito ang sitwasyon.
Noong 2014, tinanggap ng Human Rights Council (HRC) ang report ng Special Rapporteur tungkol sa sitwasyon ng karapatang pantao sa Eritrea, na humihimok sa mga awtoridad na igalang ang karapatang tumangging magsundalo dahil sa konsensiya “bilang pagsunod sa internasyonal na pamantayan” at “pangalagaan ang kalusugan ng lahat ng bilanggo; tiyaking mabibigyan ng medikal na tulong ang mga nangangailangan . . . at ayusin ang kalagayan ng mga bilangguan ayon sa internasyonal na pamantayan.” Sa isang desisyon noong 2015, nanawagan ang HRC sa pamahalaan ng Eritrea na “pahintulutan ang pagtangging magsundalo dahil sa konsensiya.”
Noong 2016, sinabi ng Commission of Inquiry on Human Rights in Eritrea na nakagawa ang mga awtoridad sa Eritrea ng “krimen laban sa pagkamakatao” dahil sa “pag-uusig batay sa relihiyon at lahi” ng mga Saksi ni Jehova at ng iba pa.
Noong 2017, sinabi ng African Committee of Experts on the Rights and Welfare of the Child (ACERWC) na nababahala ito na sa kabila ng mga batas at probisyon, “ang mga anak ng mga Saksi ni Jehova” ay napagkakaitan ng mga karapatan at dumaranas ng masamang pagtrato. Inirekomenda ng ACERWC sa Eritrea na “kilalanin at lubusang ipatupad ang karapatan ng isang bata sa Kalayaan ng Kaisipan, Konsensiya, at Relihiyon nang walang pagtatangi.”
Noong 2018, inirekomenda ng African Commission on Human and Peoples’ Rights na “kumilos agad [ang Eritrea] para hindi na mapagkaitan ng pangunahing mga karapatan ang lahat ng nakabilanggo, kasama na ang . . . mga miyembro ng relihiyon ng mga Saksi ni Jehova” at sinabi rin nitong dapat imbestigahan ang pagkamatay ng mga Saksi habang nasa bilangguan. Idiniin nito na dapat tiyakin ng Eritrea na “naiingatan ang karapatan bilang mamamayan” ng mga Saksi ni Jehova.
Noong Mayo 2019, hinimok ng UN Human Rights Committee (CCPR) ang Eritrea na tiyaking naiingatan ang kalayaan sa relihiyon at paniniwala at “palayain ang lahat ng inaresto o ibinilanggo nang dahil sa relihiyosong mga gawain, kasama na ang mga Saksi ni Jehova.” Sinabi rin ng CCPR sa Eritrea na “tiyaking kikilalanin ng batas ang pagtangging magsundalo dahil sa konsensiya at [na dapat itong] magbigay ng alternatibong paglilingkod na walang kaugnayan sa militar para sa mga tumatangging magsundalo dahil sa konsensiya.”
Sa isang report na may petsang Mayo 12, 2021, nanawagan ang UN Special Rapporteur sa gobyerno ng Eritrea na “agad na palayain nang walang kondisyon ang lahat ng nananatiling nakabilanggo dahil sa kanilang paniniwala kahit wala namang kaso o hindi nilitis, kasama na ang 20 Saksi ni Jehova,” at “balikan ang kanilang desisyon na alisan ng pagkamamamayan ang mga Saksi ni Jehova dahil sa kanilang relihiyon, kilalanin ang rekomendasyon ng African Commission on Human and Peoples’ Rights na tiyaking mapanatili ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang karapatan bilang mamamayan, at imbestigahan ang naiulat na pagkamatay ng mga Saksi ni Jehova sa bilangguan.”
Walang-Katiyakang Haba ng Pagkabilanggo
Hindi alam ng karamihan sa mga lalaking Saksi na nakakulong kung kailan sila makakalaya; posibleng makulong sila hanggang mamatay o malapit nang mamatay. At dahil walang legal na proseso o solusyon para sa kanila, lumilitaw na ang kanilang pagkabilanggo ay panghabambuhay na.
Time Line
Oktubre 17, 2024
May 64 na Saksing nakabilanggo.
Pebrero 1, 2021
Pinalaya ang tatlong Saksi.
Enero 29, 2021
Pinalaya ang isang Saksi.
Disyembre 4, 2020
Pinalaya ang 28 Saksi.
Marso 6, 2018
Namatay si Habtemichael Mekonen, edad 77, matapos ilipat sa Mai Serwa Prison.
Enero 3, 2018
Namatay si Habtemichael Tesfamariam, edad 76, matapos ilipat sa Mai Serwa Prison.
Hulyo 2017
Lahat ng Saksing nakabilanggo sa Meitir Camp ay inilipat sa Mai Serwa Prison sa labas ng Asmara.
Hulyo 25, 2014
Pinalaya ang karamihan sa inaresto noong Abril 14, pero 20 sa mga inaresto noong Abril 27 ang nakakulong pa rin.
Abril 27, 2014
Inaresto ang 31 Saksi habang nagtitipon para sa pag-aaral sa Bibliya.
Abril 14, 2014
Mahigit 90 Saksi ang inaresto habang nagtitipon para sa taunang Memoryal ng kamatayan ni Kristo.
Agosto 16, 2012
Namatay si Yohannes Haile, 68 anyos, habang nakabilanggo sa ilalim ng mahirap na kalagayan.
Hulyo 2011
Namatay si Misghina Gebretinsae, 62 anyos, habang nakabilanggo sa ilalim ng mahirap na kalagayan.
Hunyo 28, 2009
Ni-raid ng mga awtoridad ang bahay ng isang Saksi habang may pagtitipon doon para sa pagsamba at inaresto ang lahat ng 23 Saksing naroon, edad 2 hanggang 80.
Abril 28, 2009
Maliban sa isa, lahat ng Saksi ni Jehova na nakabilanggo sa mga presinto ay inilipat ng mga awtoridad sa Meitir Prison Camp.
Hulyo 8, 2008
Nagsimula ang pag-raid ng mga awtoridad sa mga bahay at lugar ng trabaho para arestuhin ang 24 na Saksi, na karamihan ay naghahanapbuhay para sa pamilya nila.
Mayo 2002
Ipinagbawal ng gobyerno ang lahat ng relihiyon na wala sa ilalim ng apat na relihiyong aprobado ng gobyerno.
Oktubre 25, 1994
Sa bisa ng isang presidential decree, ang mga Saksi ni Jehova ay inalisan ng pagkamamamayan at saligang karapatang sibil.
Setyembre 17, 1994
Sina Paulos Eyasu, Isaac Mogos, at Negede Teklemariam ay ibinilanggo nang hindi nililitis o sinasampahan ng kaso.
1950’s
Itinatag ang unang mga grupo ng mga Saksi ni Jehova sa Eritrea.