Pumunta sa nilalaman

Mga kapatid kasama ang mga abogado ng mga Saksi sa harap ng Administrative Court of the First Instance sa Ulaanbaatar, kabisera ng Mongolia.

AGOSTO 24, 2018
MONGOLIA

Tagumpay sa Kalayaan sa Relihiyon sa Mongolia: Mga Saksi ni Jehova Muling Inirehistro

Tagumpay sa Kalayaan sa Relihiyon sa Mongolia: Mga Saksi ni Jehova Muling Inirehistro

Ang mga Saksi ni Jehova sa Ulaanbaatar, kabisera ng Mongolia, ay tumanggap ng sertipiko mula sa tanggapan ng City Council noong Hunyo 14, 2018, na legal na nagrehistro sa korporasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Mongolia.

Bagong sertipiko na nagpapahintulot sa mga Saksi ni Jehova na legal na kumilos sa Ulaanbaatar.

Ang relihiyosong mga organisasyon sa Mongolia ay hinihilingang magparehistro taon-taon, at nagawa ito ng ating mga kapatid mula nang una itong mairehistro noong 1999. Pero noong 2015, tumanggi ang City Council na muling irehistro ang ating legal na korporasyon sa Ulaanbaatar. Pagkatapos, noong Enero 2017, ang City Council ay naglabas ng desisyon na opisyal na nagpapawalang-bisa sa legal na korporasyon ng mga Saksi ni Jehova na isagawa ang relihiyosong gawain nito. Ayaw sabihin ng mga kinatawan ng Council ang ebidensiyang ginamit nila para suportahan ang kanilang desisyon. Nagpasiya ang mga kapatid na kuwestiyunin ang desisyon ng City Council sa pamamagitan ng pagdinig sa korte.

Sa paglilitis ng Administrative Court, sinikap ng abogado ng City Council na gamitin bilang ebidensiya ang desisyong ginawa ng Supreme Court ng Russia na kumpiskahin ang ating legal na mga korporasyon sa Russia. Nangatuwiran ang ating mga abogado na ang desisyong ito ay binatikos ng maraming bansa at itinuring na ilegal ng internasyonal na mga korte. Isa pa, ipinaalaala ng korte na ang desisyon ng Russia ay dumating pagkatapos ng desisyon ng City Council, kaya hindi nito puwedeng ikatuwiran na ginawa nitong basehan ang desisyon ng Russia.

Binaligtad ng Administrative Court ang desisyon ng City Council, na sinasabing ang council ay kumilos ayon sa sabi-sabi at nabigong magbigay ng ebidensiya ng anumang nakapipinsalang gawain. Nalaman ding nilabag ng City Council ang karapatan ng mga kapatid, pati na ang kalayaang ipahayag ang relihiyon o paniniwala ng isa.

Sinabi ni Jason Wise, isa sa mga abogado para sa mga Saksi ni Jehova: “Bagaman hindi mo kailangang maging legal na nakarehistro sa Estado para magkaroon ng karapatan at kalayaan, kadalasan nang mahirap sumamba nang malaya kung hindi ka rehistrado. Isa pa, kung legal na nakarehistro, mas madali para sa atin na mag-import ng mga Bibliya at literatura sa Bibliya, magmay-ari ng mga dako ng pagsamba, at umupa ng mga pasilidad para sa kombensiyon. Natutuwa kami na binaligtad ng Administrative Court ang desisyon ng City Council sa Ulaanbaatar at kinilala na ang desisyon ng council ay magkakaroon ng negatibong epekto sa ating kalayaan sa relihiyon at pagtitipon sa Mongolia.”