HUNYO 14, 2022
PILIPINAS
Gawain ng mga Misyonero sa Pilipinas sa Loob ng Pitumpu’t Limang Taon
Noong Hunyo 14, 1947, sakay ng isang barkong dumaong sa Manila ang tatlong lalaki, sina Brother Lorenzo Alpiche, Earl Stewart, at Victor White. Sila ang unang mga misyonerong Saksi na dumating sa Pilipinas. Makalipas ang isang buwan, dumating ang ikaapat na misyonerong sinanay sa Gilead, si Brother Nick Skelparick.
Sinanay nang mabuti ang mga brother na ito at handa na sa gawain. Naging abala sila sa pagtulong sa 2,400 Saksi na nangangaral na sa buong Pilipinas. Noong 1958, makalipas lang ang 11 taon, dumami nang mga sampung ulit ang mga mangangaral ng Kaharian tungo sa mahigit 23,000. Ngayon, makalipas ang 75 taon mula nang dumating ang unang mga misyonero, ang bilang ng mga sumasamba kay Jehova sa Pilipinas ay naging mahigit 230,000.
Ang pagdating ng mga misyonero ay hindi nagkataon lang. Halos tatlong buwan bago sila dumating, mula Marso 31 hanggang Abril 2, 1947, nagpahayag si Brother Nathan H. Knorr, noo’y presidente ng Watch Tower Society, sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Manila. Tiniyak ni Brother Knorr sa mga tagapakinig na malapit nang dumating sa bansa ang mga misyonerong sinanay sa Gilead para tumulong sa muling pag-oorganisa ng gawaing pangangaral pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig.
Noong huling araw ng kombensiyon, 151 bagong mga kapatid ang nabautismuhan sa Manila Bay, kung saan may lumubog na mga barko dahil sa digmaan. Pagkatapos, ipinahayag ni Brother Knorr ang paksang “Ang Kagalakan ng Lahat ng Bayan” sa 4,200 tagapakinig. Magkasabay na napakinggan ng libo-libong nakikinig sa radyo sa buong bansa ang pahayag. Pinatibay ni Brother Knorr at ni Brother Milton Henschel, mula rin sa pandaigdig na punong-tanggapan, ang mga kapatid na magpatuloy sa pangangaral sa organisadong paraan.
Habang binabalik-balikan ang nangyari mga 75 taon na ang nakalipas, sinabi ni Brother Denton Hopkinson, isang misyonero na naglilingkod sa Pilipinas mula pa noong 1954: “Pinatibay at inorganisa ng mga unang misyonerong iyon na dumating noong 1947 ang mga kongregasyon, at inihanda sila sa malaking pagsulong na darating.”
Nagpapasalamat tayo sa ating Ama sa langit, si Jehova, dahil pinagpapala niya ang kasipagan ng kaniyang mga lingkod sa Pilipinas at sa buong daigdig.—Isaias 60:22.