Pumunta sa nilalaman

Dalawang bautismo sa Ukraine noong Hulyo 23, 2022

AGOSTO 12, 2022
UKRAINE

UPDATE #12 | Kitang-kita ang Pag-ibig ng mga Kapatid sa Nangyayaring Krisis sa Ukraine

“Hindi Kayang Pahintuin ng Digmaan ang Paggawa ng mga Alagad”

UPDATE #12 | Kitang-kita ang Pag-ibig ng mga Kapatid sa Nangyayaring Krisis sa Ukraine

Mula Hulyo 23 hanggang 31, ang mga mamamahayag na nasa Ukraine at sa mga bansang nilipatan nila ay nabautismuhan noong 2022 “Makipagpayapaan”! na Kombensiyon. Nitong Agosto 2, umabot na sa 1,113 na Ukrainian ang nabautismuhan. Sinabi ng isang brother mula sa Ukraine: “Hindi kayang pahintuin ng digmaan ang paggawa ng mga alagad. Ipinangako kasi ni Jesus: ‘Makakasama ninyo ako sa lahat ng araw.’”—Mateo 28:20.

Masaya kaming ikuwento ang mga karanasang ito.

Si Natalia na mula sa Kreminna, Luhansk Region ay 63 taóng gulang. Nakipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova pati na ang dalawa niyang anak na babae noong mga 1990. Hindi siya nabautismuhan, pero nagpabautismo ang dalawa niyang anak. Nang magsimula ang digmaan, isang pamilya ng mga Saksi ni Jehova ang lumikas sa mas ligtas na lugar at isinama nila si Natalia. Pinatuloy siya sa isang Kingdom Hall sa Ivano-Frankivsk.

Sinabi ni Natalia: “Takot na takot ako kapag sumasabog ang mga bomba. Kaya mula noon, parang nakalimutan ko nang ngumiti. Pero ipinakita ng mga kapatid na mahal na mahal nila ako. Ang totoo, hindi ko inaasahan na gano’n ang gagawin nila. Kaya gusto ko ulit na mapalapit kay Jehova. Lagi kong binabasa ang Bibliya. Tinanong ako ng isang sister kung gusto kong magpa-Bible study gamit ang aklat na Masayang Buhay Magpakailanman. Regalo siya sa akin ni Jehova.” Idinagdag niya: “Masayang-masaya ako ngayon na maging isa sa mga Saksi ni Jehova. Gusto kong sundin ang pinakamahalagang utos na ibigin si Jehova na aking Diyos nang buong puso ko, buong kaluluwa ko, at nang buong pag-iisip ko.”—Mateo 22:37.

Si Olia, sa Poland, hawak ang ginawang sign na may tema ng kombensiyon: “Makipagpayapaan”!

Si Olia na mula Cherkasy ay isang unbaptized publisher nang magsimula ang digmaan. Noong Marso 6, lumikas siya sa Poland kasama ng anak niyang babae at apo. Sinabi niya: “Go bag lang ang dala namin noon, pero talagang tinulungan kami at inasikaso ng mga kapatid doon. Napatunayan ko na talagang nagkakaisa ang organisasyon ni Jehova at na ginagabayan niya ito. Kaya naman mas determinado na ako na ialay ang buhay ko kay Jehova. Sobrang hirap ng pinagdaanan namin pero tinulungan kami ni Jehova. Kaya ngayon, gusto ko siyang pasalamatan at paglingkuran.”

Si Yulia na mula sa Donetsk Region ay 18 taóng gulang. Mga Saksi ang pamilya niya, pero hindi siya nabautismuhan. Ikinuwento niya ang nangyari nang magsimula ang digmaan. Sinabi niya: “Nakadapa ako noon, at akala ko, mamamatay na ako. Wasak ang buong kalye kung saan nakatira ang pamilya namin, pero nakaligtas kami. Pagkatapos nito, nanalangin ako at pinag-isipan ko ang mga katangian ni Jehova. Kaya mas napalapít ako sa kaniya. Mula noon, hindi na ako nagduda kung iaalay ko ang buhay ko kay Jehova. Sinagot ni Jehova ang mga panalangin ko. Ipinakita niyang mahal na mahal niya ako. Dati, marami lang akong alam tungkol sa Diyos, pero ngayon, mahal ko na siya.” Nabautismuhan si Yulia noong Hulyo 23.

Si David, 11 years old, bago siya bautismuhan sa Germany

Si David naman na 11 years old ay lumikas sa Germany nang magsimula ang digmaan. Siyam na taóng gulang siya nang maging unbaptized publisher. Gusto niya ngayon na sumulong pa sa espirituwal at abutin ang mga goal niya. Sinabi niya: “Nagpabautismo ako kasi mahal ko si Jehova at gusto ko siyang maging kaibigan. Naiyak ako sa tuwa nang bautismuhan ako kasi bahagi na ako ng nagkakaisang pamilya ni Jehova. Gustong-gusto kong sabihin sa iba ang tungkol kay Jehova at sa layunin niya para sa mga tao. Kaya ang goal ko naman ngayon ay maging pioneer. Gusto ko ring makatulong sa mga kapatid sa kongregasyon, at sana maging ministeryal na lingkod din ako at maging Bethelite paglaki ko. Mula kasi nang mag-tour kami sa sangay sa Lviv noong 2018, naging goal ko nang maging Bethelite.”

Si Olena na taga-Kyiv ay naging unbaptized publisher noong 2011. Pero 10 taon na siyang inactive. Noong 2020, kinontak siya ng mga elder at binigyan ng brosyur na Manumbalik Ka kay Jehova. Ikinuwento niya: “Nagpa-Bible study ulit ako at dumalo sa mga pulong. Pero huminto ulit ako. Noong magsimula ang digmaan, sinagot ni Jehova ang mga panalangin ko. Noon ko nakita na talagang pinrotektahan niya ako, na mahal niya ako, at binigyan niya ako ng kapanatagan. Pumunta ako sa Romania at may nakilala akong mga Saksi. Naramdaman ko ang pag-ibig at malasakit nila at para bang niyayakap ako ni Jehova.” Nabautismuhan si Olena noong Hulyo 24. Sinabi niya: “Nagpapasalamat ako kay Jehova kasi pinagtiisan niya ako. Sigurado ako ngayon na ‘may lakas akong harapin ang anumang bagay dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.’”—Filipos 4:13.

Hanggang nitong Agosto 2, 2022, makikita sa ibaba ang mga report mula sa Ukraine. Ang mga ito ay batay sa mga kumpirmadong report ng mga kapatid doon. Pero posibleng mas mataas ang mga aktuwal na bilang, dahil sa ngayon, mahirap ang komunikasyon sa lahat ng rehiyon ng bansa.

Epekto sa mga Kapatid

  • 43 kapatid ang namatay

  • 97 kapatid ang nasugatan

  • 22,568 kapatid ang lumikas

  • 586 na bahay ang nawasak

  • 613 bahay ang nagkaroon ng malaking pinsala

  • 1,632 bahay ang bahagyang nasira

  • 5 Kingdom Hall ang nawasak

  • 10 Kingdom Hall ang nagkaroon ng malaking pinsala

  • 37 Kingdom Hall ang bahagyang nasira

Relief Work

  • 27 Disaster Relief Committee (DRC) ang tumutulong sa Ukraine

  • 53,836 na kapatid ang tinutulungan ng mga DRC na makahanap ng matutuluyan sa mas ligtas na mga lugar

  • 24,867 kapatid ang lumikas papuntang ibang bansa at tinutulungan sila ng mga kapatid doon