INDONESIA
Determinadong Magpatuloy
Nang mabalitaan ng mga kapatid sa sangay ang pagbabawal, agad silang kumilos. “Inilipat namin ang mga kompidensiyal na rekord, suplay ng literatura, at pondo ng sangay sa ligtas na lugar sa iba’t ibang bahagi ng Jakarta,” ang sabi ni Ronald Jacka. “Pagkatapos, inilipat namin sa isang sekretong lokasyon ang tanggapang pansangay at palihim na ipinagbili ang mga gusali ng dating tanggapang pansangay.”
Karamihan sa mga kapatid ay nanatiling aktibo at di-natatakot. Nagbata sila ng matitinding pagsubok hanggang noong panahon ng pagbabawal, at patuloy na nagtiwala kay Jehova. Pero may ilan na hindi naging mapagbantay. May mga elder na natakot at pumirma sa kasulatan na nagsasabing titigil na sila sa pangangaral. Ibinunyag naman ng iba ang pangalan ng mga miyembro ng kongregasyon. Para patibayin ang mga kongregasyon at tulungan ang mga nakipagkompromiso, nagpadala ang tanggapang pansangay ng may-gulang na mga brother. Dumalaw rin sa Indonesia si John Booth, miyembro ng Lupong Tagapamahala, at nagbigay ng makaamang payo na kailangang-kailangan noon.
Malinaw, pinatitibay at inaaliw ng Dakilang Pastol na si Jehova ang kaniyang bayan. (Ezek. 34:15) Lalong pinag-ibayo ng mga elder ang pangunguna sa espirituwal. Nakaisip naman ng mga bagong paraan ang mga mamamahayag para maingat na makapangaral. (Mat. 10:16) Bumibili ang maraming kapatid ng makabago at abot-kayang Bibliya mula sa Indonesian Bible Society. Iniaalok nila ito sa may-bahay at mataktikang ibinabahagi ang mensahe ng Kaharian kapag posible. Inaalis naman ng ibang kapatid ang copyright page ng ating mga publikasyon at saka ito ipinamamahagi sa mga interesado. Maraming payunir ang patuloy na nangaral na kunwari’y nagbebenta sa bahay-bahay, gaya ng ginawa ng mga kapatid noong panahon ng pananakop ng mga Japanese.
Noong 1977, isa na namang matinding dagok ang dumating—tumanggi ang Department of Religious Affairs na i-renew ang missionary visa para sa mga Saksi ni Jehova. Karamihan sa mga misyonerong Saksi ay inilipat sa ibang bansa. * “Daan-daang kapatid ang nagpunta sa airport para magpaalam,” ang kuwento ng misyonerong si Norbert Häusler, na naglingkod kasama ang misis niyang si Margarete, sa Manado, North Sulawesi. “Habang papunta sa hagdan ng eroplano, lumingon kami. Napakaraming kumakaway sa amin, at sumisigaw mula sa tarmak: ‘Salamat. Salamat sa pagpunta n’yo rito.’ Nang makasakay na kami sa eroplano, umiyak kami.”
Pang-aabuso sa Sumba
Nang kumalat ang balita tungkol sa pagbabawal, hinikayat ng Indonesian Communion of Churches ang mga miyembro nito na ireport sa awtoridad ang anumang aktibidad ng mga Saksi. Nagkaroon ng sunod-sunod na mga pag-aresto at interogasyon sa maraming isla.
Sa Waingapu, sa isla ng Sumba, ipinatawag ng district commander sa kampong militar ang 23 kapatid at pilit silang pinapipirma sa isang deklarasyong nagtatakwil ng kanilang pananampalataya. Nang tumanggi ang mga kapatid, iniutos niyang bumalik sila sa kampo kinabukasan—14 na kilometrong paglalakad ito nang balikan.
Kinabukasan, nang magreport ang mga kapatid sa commander, isa-isa silang tinawag sa harapan at inutusang pumirma sa deklarasyon. Kapag tumatanggi ang kapatid, hinahagupit siya ng mga sundalo ng matitinik na sanga. Sobra-sobra ang ginagawang pambubugbog ng mga sundalo, kaya may ilang kapatid na nawawalan pa nga ng malay. Habang hinihintay ng ibang kapatid na tawagin sila, isang kabataang brother, si Mone Kele, ang pumunta sa harapan at nagsulat sa deklarasyon. Nanlumo ang ibang kapatid, pero sumiklab sa galit ang commander. Ganito ang isinulat ni Mone, “Mananatili akong Saksi ni Jehova magpakailanman!” Binugbog nang husto si Mone at naospital, pero hindi siya natinag sa espirituwal.
Sa loob ng 11 araw, sinikap ng commander na sirain ang katapatan ng mga kapatid. Buong-araw niya silang pinatatayo sa kainitan ng araw, pinagagapang nang ilang kilometro, at pinatatakbo nang may mabigat na pasan. Habang may nakatutok na bayoneta sa kanilang lalamunan, pinasasaludo niya sila sa bandila; pero hindi sila sumunod. Kaya lalo niya silang ipinabugbog.
Tuwing umaga, lupaypay na nagpupunta sa kampo ang mga kapatid habang iniisip kung anong pagpapahirap na naman ang daranasin nila. Habang naglalakad, nananalangin sila at nagpapatibayan na manatiling tapat. Sa gabi, umuuwi silang bugbog-sarado at duguan, pero masaya dahil nanatili silang tapat kay Jehova.
Nang malaman ng mga kapatid sa tanggapang pansangay ang pagmamaltratong ito, agad nilang pinadalhan ng telegrama bilang protesta ang commander sa Waingapu, ang regional commander sa Timor, ang divisional commander sa Bali, ang supreme commander sa Jakarta, at ang iba pang awtoridad ng gobyerno. Palibhasa’y napahiya nang mapabalita sa buong Indonesia ang masamang ginagawa niya, itinigil ng commander sa Waingapu ang pang-uusig sa mga kapatid.
“Parang Pako ang mga Saksi ni Jehova”
Nang sumunod na mga taon, di-mabilang na mga Saksi sa Indonesia ang idinitine, isinailalim sa interogasyon, at binugbog. “Sa isang lugar, maraming kapatid ang nabungi ang ngipin sa harapan,” ang kuwento ni Bill Perrie. “Kapag may nakikilala silang kapatid na may ngipin pa sa harapan, pabiro nilang itinatanong: ‘Bago ka pa lang o nakipagkompromiso
ka?’ Sa ilalim ng mga pagsubok, hindi naiwala ng mga pinag-usig ang kagalakan nila o sigasig sa paglilingkod kay Jehova.”“Sa bilangguan, natuto akong lalong umasa kay Jehova, at mas tumibay ako sa espirituwal”
Sa loob ng 13 taon, 93 Saksi ang hinatulang mabilanggo nang dalawang buwan hanggang apat na taon. Pero lalo lang silang naging determinado na manatiling tapat kay Jehova. Matapos mabilanggo nang walong buwan, binisita ni Musa Rade ang mga kapatid sa kaniyang lugar para patibayin silang patuloy na mangaral. “Sa bilangguan, natuto akong lalong umasa kay Jehova, at mas tumibay ako sa espirituwal,” ang sabi niya. Hindi nga nakapagtatakang sinasabi ng ilan: “Parang pako ang mga Saksi ni Jehova. Habang lalo mong pinupukpok, lalong bumabaon.”
^ par. 1 Ang matagal nang misyonerong sina Peter Vanderhaegen at Len Davis ay mahigit 60 anyos na at si Marian Tambunan (Stoove noong dalaga) ay nakapag-asawa ng Indonesian, kaya pinayagan silang manatili sa Indonesia. Patuloy na naging aktibo sa espirituwal ang tatlo at nagkaroon ng mabungang ministeryo sa panahon ng pagbabawal.