Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

INDONESIA

Sa Ilalim ng Paniniil ng mga Japanese

Sa Ilalim ng Paniniil ng mga Japanese

Noong pasimula ng 1942, sinalakay ng malaking puwersa ng mga sundalong Japanese ang Indonesia, at may-kalupitang sinakop ito. Maraming kapatid ang sapilitang pinagtrabaho nang mabigat—gumawa ng mga daan o naghukay ng mga estero. Ang iba naman ay ipinadala sa maruruming kampong bilangguan at pinahirapan dahil ayaw nilang sumuporta sa digmaan. Tatlong kapatid o higit pa ang namatay sa bilangguan.

Si Johanna Harp, ang dalawa niyang anak, at ang kaibigan nilang si Beth Godenze (gitna)

Isang sister na Dutch, si Johanna Harp, na nakatira sa isang liblib na nayon sa kabundukan sa East Java, ang nakaiwas na mabilanggo noong unang dalawang taon ng digmaan. Sinamantala niya at ng kaniyang tatlong tin-edyer na anak ang kanilang kalayaan para isalin sa wikang Dutch ang aklat na Salvation at ang mga isyu ng The Watchtower. * Ang mga naisaling publikasyon ay kinopya at ipinuslit sa mga Saksi sa iba’t ibang lugar sa Java.

Ang iilang Saksi na malaya pa ay nagtitipon sa maliliit na grupo at maingat na nangangaral. “Lagi akong alisto kapag nagpapatotoo nang di-pormal tungkol sa katotohanan,” ang sabi ni Josephine Elias (Tan noong dalaga). “Nagdadala ako ng chessboard kapag dumadalaw sa bahay ng mga interesado para isipin ng iba na makikipaglaro lang ako ng chess.” Si Felix Tan at ang misis niyang si Bola ay nangangaral sa bahay-bahay na kunwari’y nagbebenta ng sabon. “Madalas kaming sundan ng mga espiya ng Kempeitai, ang kinatatakutang pulis-militar ng mga Hapon,” ang sabi ni Felix. “Para hindi pagsuspetsahan, binibisita namin ang aming mga estudyante sa Bibliya sa magkakaibang oras. Anim sa mga estudyante namin ang sumulong at nabautismuhan sa panahon ng digmaan.”

Matinding Di-pagkakaunawaan sa Jakarta

Sa kasagsagan ng digmaan, napaharap sa isa pang mabigat na pagsubok ang mga kapatid. Iniutos ng mga namamahalang Japanese na lahat ng dayuhan (kahit ang mga Chinese-Indonesian) ay magparehistro at kumuha ng identity card na may panunumpa ng katapatan sa Imperyo ng Japan. Maraming kapatid ang nag-isip, ‘Dapat ba tayong magparehistro at pumirma sa identity card, o hindi?’

Si Josephine Elias at ang kapatid niyang si Felix

Sinabi ni Felix Tan: “Kaming mga nasa Sukabumi ay hinimok ng mga kapatid sa Jakarta na huwag pumirma sa identity card. Pero tinanong namin ang mga awtoridad kung puwede naming baguhin ang nasa card. Imbes na ‘ang nakalagda ay nangangako ng katapatan sa,’ gagawin itong ‘ang nakalagda ay hindi hahadlang sa’ hukbong Japanese. Sa di-inaasahan, pumayag sila, kaya lahat kami ay kumuha ng card. Nang mabalitaan ng mga kapatid sa Jakarta ang naging desisyon namin, tinawag nila kaming apostata at hindi na nakipag-ugnayan sa amin.”

Nakalulungkot, karamihan sa nagmatigas na kapatid sa Jakarta ay naaresto at tumalikod sa katotohanan. Isang brother na tumangging makipagkompromiso ang nakasama ni André Elias sa bilangguan. “Nagpaliwanag ako sa kaniya tungkol sa isyu ng pagpaparehistro at tinulungan ko siyang magkaroon ng mas balanseng pananaw,” ang sabi ni André. “Mapagpakumbaba siyang humingi ng tawad dahil sa hindi na nila pakikipag-ugnayan sa amin. Mula noon, nagkaroon kami ng maraming pagkakataon na patibayin ang isa’t isa. Pero nakalulungkot, namatay siya dahil sa mahirap na kalagayan sa bilangguan.”

Merdeka!

Nang matapos ang digmaan noong 1945, sabik na sabik ang mga kapatid na ipagpatuloy ang pangangaral. Isang kapatid na ibinilanggo at pinahirapan ang sumulat sa tanggapang pansangay sa Australia: “Pagkatapos ng apat-na-taóng paghihirap, heto muli ako, di-natitinag at di-nagbabago ang isip. Sa lahat ng pinagdaanan ko, hindi ko nakalimutan ang mga kapatid. Pakisuyong padalhan n’yo ako ng ilang aklat?”

Di-nagtagal, ang pinakaaasam na literatura ay dumating sa bansa. Paunti-unti noong una, pero dumami rin nang maglaon. Ipinagpatuloy ng isang grupo ng 10 mamamahayag sa Jakarta ang pagsasalin ng mga publikasyon sa Indonesian.

Noong Agosto 17, 1945, ipinroklama ng mga lider ng kilusan na nagsusulong ng kasarinlan ang Indonesia bilang independiyenteng bansa. Naging mitsa ito ng apat-na-taóng himagsikan laban sa pamamahala ng mga Dutch. Libo-libo ang namatay dahil sa kaguluhan, at mahigit pitong milyon ang napilitang lumikas.

Sa panahon ng himagsikan, patuloy na nangaral ang mga kapatid sa bahay-bahay. “Pinipilit kami ng mga makabayan na sumigaw ng ‘Merdeka,’ na nangangahulugang ‘Kalayaan,’” ang sabi ni Josephine Elias. “Pero sinasabi naming neutral kami sa mga isyu sa politika.” Noong 1949, matapos ang mahabang panahon ng kolonyalismo, ibinigay na ng mga Dutch sa Republic of the United States of Indonesia (ngayo’y Republic of Indonesia) ang pamamahala. *

Pagsapit ng 1950, halos 10 taon nang nagtitiis sa gitna ng kaguluhan ang mga kapatid sa Indonesia. Pero isang malaking gawain ang nasa harap nila. Paano nila maipangangaral ang mabuting balita sa milyon-milyong taga-Indonesia? Sa pananaw ng tao, parang imposible ito! Pero taglay ang lubos na pananampalataya, nagpatuloy ang mga kapatid, na nagtitiwalang si Jehova ay ‘magpapadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.’ (Mat. 9:38) At iyan nga ang ginawa ni Jehova.

^ par. 2 Ang bunsong anak na babae ni Sister Harp, si Hermine (Mimi), ay nag-aral sa Gilead pagkatapos ng digmaan at bumalik sa Indonesia bilang misyonera.

^ par. 3 Patuloy na pinamahalaan ng mga Dutch ang West Papua (noo’y West New Guinea) hanggang noong 1962.