INDONESIA
Isang Di-malilimutang Kombensiyon
NOONG Agosto 15-18, 1963, daan-daang mamamahayag mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa at 122 dayuhang delegado ang nagtipon sa lunsod ng Bandung, West Java. Dadalo sila sa “Walang-Hanggang Mabuting Balita” na Asamblea, ang kauna-unahang internasyonal na asamblea sa Indonesia.
Para makapaghanda, maraming hamon ang kinailangang harapin ng mga kapatid. Tatlong beses na binago ang lugar na pagdarausan dahil sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan. Dahil sa implasyon, itinaas ng mga awtoridad nang 400 porsiyento ang pamasahe, kaya naman nag-adjust ang ilang delegado. Isang brother ang naglakad nang anim na araw para makarating sa asamblea. Ang 70 delegado naman mula sa Sulawesi ay limang araw na bumiyahe at nagtiis sa siksikang deck ng bangka para lang makadalo.
Sa kombensiyon, tuwang-tuwa ang mga delegadong Indonesian na makilala ang kanilang mga Kristiyanong kapatid mula sa ibang lupain, pati na ang dalawang miyembro ng Lupong Tagapamahala, sina Frederick Franz at Grant Suiter. Napansin ng isang delegado: “Parang napakasaya ng mga kapatid dito; lagi silang tumatawa at nakangiti.”
Mahigit 750 ang dumalo sa asamblea, at 34 ang nabautismuhan. “Dahil sa makasaysayang pagtitipong ito, maraming interesado ang nanindigan sa katotohanan,” ang sabi ni Ronald Jacka. “Lalong naging masigasig ang mga kapatid sa gawain ng Diyos.”