Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

INDONESIA

Lumawak ang Gawain sa Silangan

Lumawak ang Gawain sa Silangan

Noong 1953, inatasan si Peter Vanderhaegen sa gawaing pansirkito sa Indonesia. Buong bansa ang sirkito niya, na mga 5,100 kilometro mula sa silangan hanggang sa kanluran at mga 1,800 kilometro mula sa hilaga hanggang sa timog. Sa pagdalaw sa napakalawak na lugar na ito, marami siyang di-pangkaraniwang karanasan.

Si Peter Vanderhaegen

Noong 1954, naglakbay si Brother Vanderhaegen sa silangang rehiyon ng Indonesia. Iba’t iba ang relihiyon doon at kabilang doon ang mga isla ng Bali, na marami ay Hindu; Lombok at Sumbawa, na karamihan ay Muslim; Flores, na pangunahin nang Katoliko; at Sumba, Alor, at Timor, na karamihan naman ay Protestante. Sakay ng bangka, nangaral siya sa ilang isla na nadaanan niya papuntang Kupang, ang kabiserang lunsod ng Timor. “Dalawang linggo akong nangaral sa Timor,” ang kuwento ni Brother Vanderhaegen. “Kahit malakas ang ulan, naipamahagi ko ang lahat ng literatura ko, nagkaroon ako ng 34 na suskripsiyon ng magasin, at nakapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya.” Ang mga special pioneer na ang bumalik sa mga nagpakita ng interes at isang kongregasyon ang naitatag sa Kupang. Mula roon, lumaganap ang mabuting balita sa katabing mga isla ng Rotè, Alor, Sumba, at Flores.

Nagngitngit sa galit ang klero ng Protestante sa Kupang nang makitang nakikinig sa mga Saksi ni Jehova ang mga miyembro nila. Si Thomas Tubulau, isang may-edad nang latero na iisa lang ang kamay, ay inutusan ng mataas na klerigo na tumigil sa pakikipag-aral sa mga Saksi. Sinabi pa ng klerigo na kung hindi siya titigil sa pagsasabi sa iba ng mga natututuhan niya, dadanak ang dugo. Matatag na sumagot si Thomas: “Walang Kristiyano ang magsasalita ng ganiyan. Hindi mo na ulit ako makikita sa simbahan mo.” Naging masigasig na tagapaghayag ng Kaharian si Thomas, at ang anak niyang babae ay naging special pioneer.

Pero determinado ang klero sa Timor na patigilin ang mga Saksi ni Jehova. Noong 1961, napilit nila ang Department of Religious Affairs at ang militar na ipagbawal ang pangangaral sa bahay-bahay. Kaya naman binago ng mga kapatid ang paraan nila ng pagpapatotoo. Mga tao sa palengke at balon ang kinakausap nila, mga mangingisdang nasa dalampasigan, at mga pamilyang dumadalaw sa mga puntod sa sementeryo. Pagkaraan ng isang buwan, nagsawa rin ang militar at nag-anunsiyo sa radyo ng kalayaan sa relihiyon sa Timor. Nang igiit ng Department of Religious Affairs na bawal pa rin ang pangangaral sa bahay-bahay, hiniling ng mga kapatid na magpalabas sila ng dokumento tungkol sa sinasabi nila. Pero tumanggi ang mga opisyal. Pagkatapos nito, muling nakapangaral ang mga kapatid sa bahay-bahay nang walang hadlang.

Nang dumating sa Papua noong 1962 ang mga misyonerong sina Piet at Nell de Jager at Hans at Susie van Vuure, sinalansang din sila ng klero ng Sangkakristiyanuhan. Kinompronta sila ng tatlong matataas na ministro at sinabihang huwag mangaral doon. Sa pulpito, mga babasahin, at radyo, inaakusahan ng klero ang mga Saksi ni Jehova na nagsusulsol ng kaguluhan laban sa gobyerno. Ginigipit din nila, pinagbabantaan, o sinusuhulan ang sinumang miyembro nila na nakikipag-aral sa mga misyonero. Pinilit din nila ang mga pinuno ng komunidad na hadlangan ang gawaing pangangaral.

Pero baligtad ang nangyari. Inimbitahan ng isang pinuno ang mga misyonero na magsalita sa nayon niya. “Matapos tipunin ng pinuno ang kaniyang mga kanayon, ako at si Piet ay parehong nagpahayag nang maikli para ipaliwanag ang ating gawain,” ang sabi ni Hans. “Pagkatapos, ipinakita ng aming mga asawa kung paano kami kakatok sa pintuan nila, magpapaunlak sa paanyayang pumasok sa bahay nila, at magbabahagi ng maikling mensahe mula sa Bibliya. Nagustuhan ng pinuno at ng mga kanayon niya ang aming presentasyon at pinayagan nila kaming ipagpatuloy ang aming gawain.”

Marami pang nangyari na katulad niyan. Hindi mga Muslim ang kadalasang humahadlang sa gawaing pangangaral kundi klero ng Sangkakristiyanuhan. At nangyayari iyan hanggang ngayon.

“Dadalhin Kayo sa Harap ng mga Gobernador . . . Bilang Patotoo”

Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Dadalhin kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, bilang patotoo sa kanila at sa mga bansa.” (Mat. 10:18) Paulit-ulit na nangyari iyan sa Indonesia.

Noong 1960, isang prominenteng teologong Dutch sa Jakarta ang naglathala ng isang aklat na nag-aakusang huwad na mga Kristiyano ang mga Saksi ni Jehova. Sinamantala naman ito ng maraming klerigo para lalong mapasamâ ang mga Saksi. Halimbawa, ang klero ng isang bayan ay sumulat sa Department of Religious Affairs at inakusahan ang mga Saksi na “ginugulo ang isip ng mga miyembro ng kanilang parokya.” Nang ipatawag ng mga opisyal ang mga kapatid para sagutin ang mga paratang, nagpaliwanag sila at nakapagbigay ng mahusay na patotoo. Pinayuhan ng isang relihiyosong opisyal ang kaniyang mga kasama: “Tantanan n’yo na ang mga Saksi ni Jehova. Ginigising nila ang aantok-antok na mga Protestante.”

Idinidiskarga ang isang shipment ng aklat na Paradise, 1963

Noong 1964, isang grupo ng klerigong Protestante sa Papua ang umapela sa Parliamentary Committee on Religious and Social Affairs para ipagbawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Hiniling naman ng tanggapang pansangay na humarap sa komite para sa depensa. “Halos isang oras kaming nagpaliwanag sa komite tungkol sa ating gawaing pagtuturo sa Bibliya,” ang sabi ni Tagor Hutasoit. “Isang salansang na politikong Protestante ang nag-akusang nagkakagulo raw ang mga relihiyon sa Papua dahil sa kagagawan namin. Pero karamihan sa Muslim na miyembro ng komite ay nagpakita ng simpatiya sa amin. Sinabi nila: ‘Ginagarantiyahan ng Konstitusyon ang kalayaan sa relihiyon, kaya may karapatan kayong mangaral.’” Pagkatapos ng miting na iyon, idineklara ng isang mataas na opisyal ng gobyerno sa Papua: “Patuloy na itinataguyod ng bagong gobyerno . . . ang kalayaan sa relihiyon, at kapit ito maging sa mga baguhan sa larangang iyan.”