INDONESIA
Dumating ang mga Misyonerong Nagtapos sa Gilead
Noong Hulyo 1951, nagtipon ang maliit na kongregasyon sa Jakarta para tanggapin si Peter Vanderhaegen, ang unang misyonerong dumating sa Indonesia matapos mag-aral sa Gilead. Sa pagtatapos ng taon, 13 pang misyonero ang dumating mula sa Australia, Germany, at Netherlands, kaya halos nadoble ang bilang ng mamamahayag sa bansa.
“Naiisip kong magbabahay-bahay ako na senyas lang ang ginagamit sa pakikipag-usap,” ang naaalaala ni Fredrika Renskers, isang misyonerang Dutch. “Pero napakarami palang marunong mag-Dutch doon, kaya noong umpisa ’yon ang halos laging ginagamit ko sa pangangaral.” Sinabi naman ni Ronald Jacka na mula sa Australia: “Gumagamit ang ilan sa amin ng testimony card na may maikling sermon sa wikang Indonesian. Bago kumatok, titingnan ko muna ang card at bibigkasin ang mga sinasabi roon mula sa memorya ko.”
Dahil sa masigasig na pangunguna ng mga misyonero, mabilis na dumami ang mamamahayag, mula 34 ay naging 91 ito sa loob lang ng isang taon. Noong Setyembre 1, 1951, isang tanggapang pansangay ng Watch Tower Society ang itinatag sa bahay ni André Elias sa Central Jakarta. Si Ronald Jacka ang inatasan bilang lingkod ng sangay.
Napangaralan ang Iba Pang Lugar
Noong Nobyembre 1951, inatasan si Peter Vanderhaegen sa Manado, North Sulawesi, kung saan nakapagtatag ng maliit na grupo si Theo Ratu at ang misis niya. Karamihan ng tagaroon ay nagsasabing Kristiyano sila at malaki ang paggalang sa Salita ng Diyos. Marami ang nagpapapasok sa mga Saksi at humihiling na ipaliwanag ang
mga turo ng Bibliya. Kadalasan, grupo-grupo na may 10 tao ang nakakausap ng mga Saksi. Pagkalipas ng 15 minuto, mga 50 na ang nakikinig. At wala pang isang oras, nasa harapang bakuran na ang talakayan dahil mga 200 tao na ang sumasali.Noong pasimula ng 1952, sina Albert at Jean Maltby ay nagtatag ng missionary home sa Surabaya, East Java, ang ikalawang pinakamalaking lunsod sa Indonesia. Anim na misyonera ang nakasama nila roon—sina Gertrud Ott, Fredrika Renskers, Susie at Marian Stoove, Eveline Platte, at Mimi Harp. “Karamihan ng tagaroon ay di-panatikong
Muslim at napakapalakaibigan,” ang sabi ni Fredrika Renskers. “Marami ang parang naghihintay lang sa katotohanan, kaya madaling makapagpasimula ng pag-aaral sa Bibliya. Sa loob lang ng tatlong taon, may 75 mamamahayag na ang kongregasyon ng Surabaya.”Isang lalaking Muslim, si Azis, na mula sa Padang, West Sumatra, ang sumulat din noon sa tanggapang pansangay at humiling na tulungan siya sa espirituwal. Dekada ’30 nang una siyang makipag-aral ng Bibliya sa mga payunir na Australian. Nahinto ito nang manakop ang mga Japanese. Nang maglaon, nakakita siya ng buklet na inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Isinulat niya: “Nang makita ko sa buklet ang adres sa Jakarta, nabuhayan ako ng loob!” Agad na pinapunta ng tanggapang pansangay sa Padang ang tagapangasiwa ng sirkito na si Frans van Vliet. Nalaman niyang nakakausap din ni Azis ang kapitbahay nitong si Nazar Ris, isang empleado ng gobyerno na gutóm sa espirituwal. Tinanggap nilang dalawa at ng kani-kanilang pamilya ang katotohanan. Si Azis ay naging tapat na elder. Si Nazar Ris naman ay naging special pioneer, at marami sa anak niya ang masisigasig na Saksi ngayon.
Dinalaw rin ni Frans van Vliet ang isang di-aktibong brother na Dutch na nagtatrabaho sa isang muling-itinatayong oil refinery sa Balikpapan, East Kalimantan. Sinamahan niya itong maglingkod at pinasiglang magturo sa mga interesado. Bago bumalik sa Netherlands, isang maliit na grupo ang naitatag ng brother sa Balikpapan.
Nang maglaon, isang bagong bautisadong sister, si Ti Koetin, ang lumipat sa Banjarmasin, South Kalimantan. Nangaral siya sa mga kamag-anak niya sa komunidad ng Dayak, at marami sa kanila ang natuto ng katotohanan. Ang ilan sa mga baguhang iyon ay bumalik sa liblib na mga nayon nila sa Kalimantan at nakabuo ng mga grupo na naging matatag na mga kongregasyon.
Karagdagang mga Literatura sa Indonesian
Dahil sa mabilis na paglawak ng pangangaral, nangailangan ang mga kapatid ng mas maraming literatura sa wikang Indonesian. Noong 1951, ang aklat na “Let God Be True” ay isinalin sa Indonesian, pero dahil nirebisa ng mga awtoridad ang Indonesian spelling system, kinailangan ding rebisahin ng sangay ang salin. * Nang mailabas ang aklat, maraming taga-Indonesia ang naging interesadong basahin ito.
Noong 1953, ang tanggapang pansangay ay nag-imprenta ng 250 kopya ng The Watchtower sa wikang Indonesian—ang unang lokal na edisyon makalipas ang 12 taon. Noong una, mga araling artikulo lang ang nilalaman ng naka-mimeograph na 12-pahinang magasin. Pagkalipas ng tatlong taon, naging 16 na pahina ito. Buwan-buwan, 10,000 kopya ang iniimprenta ng isang commercial firm.
Ang buwanang edisyon ng Awake! sa wikang Indonesian ay unang inilabas noong 1957. Mabilis na umabot ng 10,000 kopya ang sirkulasyon nito. Dahil sa kakapusan ng
pang-imprentang papel sa bansa, kinailangang kumuha ng lisensiya para sa papel ang mga kapatid. Sinabi ng opisyal ng gobyerno na nag-asikaso sa kanilang aplikasyon: “Isa sa pinakamagandang magasin sa Indonesia ang Menara Pengawal (Watchtower), at tutulungan ko kayo na makakuha ng lisensiya para sa papel ng bago n’yong magasin.”^ par. 1 Mula 1945, nagkaroon ng dalawang malaking rebisyon sa Indonesian spelling system, pangunahin na para palitan ang Dutch spelling system.