Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

INDONESIA

Tanggapang Pansangay na Abot-Langit

Mga opisina sa ika-31 palapag

Tanggapang Pansangay na Abot-Langit

Noong 2008, umabot nang 21,699 ang bilang ng mamamahayag sa Indonesia. Kaya naman kulang na ang mga pasilidad ng sangay. Isa pa, itinayo ang mga ito sa malayong lokasyon dahil sa pagbabawal. Maliwanag, isang mas malaking sangay na malapit sa Jakarta ang kailangan.

Makalipas ang dalawang taon, binili ng mga kapatid ang isang property na ibang-iba sa dating sangay—ang buong ika-31 palapag ng modernong office tower na may 42 palapag malapit sa sentro ng Jakarta. Sumunod, bumili ang mga kapatid ng 12 palapag sa isang kalapít na apartment tower para tirhan ng 80 o higit pang Bethelite. Bumili rin sila ng isang limang-palapag na gusali para sa mga departamento ng Bethel Home.

Okupado ng Bethel ang 12 palapag

Isang team ng mga construction servant mula sa iba’t ibang bansa at lokal na mga kontratista ang nag-remodel ng mga opisina at apartment. “Paulit-ulit kaming tinulungan ni Jehova sa mga problemang parang walang solusyon,” ang sabi ng construction overseer na si Darren Berg. “Halimbawa, gusto naming mag-install ng isang modernong wastewater treatment plant, pero dahil hindi pamilyar sa teknolohiyang ito ang mga awtoridad, hindi nila ito inaprobahan. Inilapit ng isang engineer na Saksi ang kaso namin sa isang mataas na opisyal. Agad namang inaprobahan ng opisyal ang request namin, at sinabing buo ang tiwala niya sa rekomendasyon ng ating kapatid.”

“Hindi na tayo nagtátagò. Napapansin na ng mga tao ang mga Saksi ni Jehova. Nakikita nilang mananatili tayo rito”

Inialay ang mga bagong pasilidad ng sangay noong Pebrero 14, 2015. Si Anthony Morris III, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang nagpahayag sa pag-aalay. “Nasa prestihiyosong distrito na tayo ngayon kahanay ng ilan sa nangungunang korporasyon sa Indonesia,” ang sabi ni Vincent Witanto Ipikkusuma, miyembro ng Komite ng Sangay. “Hindi na tayo nagtátagò. Napapansin na ng mga tao ang mga Saksi ni Jehova. Nakikita nilang mananatili tayo rito.”

Komite ng Sangay, mula sa kaliwa pakanan: Budi Sentosa Lim, Vincent Witanto Ipikkusuma, Lothar Mihank, Hideyuki Motoi

“Napakaraming Pangangaralan Dito”

Sa nakalipas na mga taon, maraming Saksi sa iba’t ibang bansa ang lumipat sa Indonesia. “Malaki ang nagagawa ng mga need-greater sa mga bansang gaya ng sa amin,” ang paliwanag ni Lothar Mihank. “Ang kanilang karanasan, pagkamaygulang, at sigasig ay nakakatulong sa mga kongregasyon nila. Lalo ring napahahalagahan ang pambuong-daigdig na kapatiran dahil sa kanila.” Bakit sila lumipat? At ano ang ibinunga nito? Tingnan ang ilang komento nila.

Mga Need-Greater

1. Janine at Dan Moore

2. Mandy at Stuart Williams

3. Casey at Jason Gibbs

4. Mari (gawing harapan sa kanan) at Takahiro Akiyama (gawing likod sa kanan)

Sinabi nina Jason at Casey Gibbs na mula sa Estados Unidos: “Pinag-aralan namin ang ratio ng populasyon at ng mamamahayag sa Taunang Aklat, at nakita naming isa ang Indonesia sa may pinakamataas na ratio. Sinabi rin ng ilang kaibigan naming need-greater na malaki ang potensiyal doon. Kaya tumawag kami sa sangay sa Indonesia at itinuro nila ang Bali. Dahil nagsisimula pa lang noon sa Indonesia ang pangangaral sa mga taong Ingles ang wika, agad kaming nakatulong. Ang plano naming manatili nang isang taon ay naging tatlong taon. Karamihan sa napangangaralan namin ay noon lang nakarinig ng tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Sulit ang ministeryong ’yon!”

Sina Stuart at Mandy Williams, mag-asawang mula sa Australia at mga edad 50 na, ay nagsabi: “Gusto naming makatagpo ng mga taong uhaw sa katotohanan, kaya nagdesisyon kaming lumipat sa Indonesia. Sa Malang, East Java, daan-daang estudyante sa unibersidad na nagsasalita ng Ingles ang natagpuan namin, at gustong-gusto nilang marinig ang mabuting balita. Nagustuhan din nila ang website na jw.org! Ibang klase talaga ang pangangaral dito.”

Sinabi naman nina Takahiro at Mari Akiyama, na nagpayunir sa Yogyakarta, sa isla ng Java: “Pakiramdam namin, mas ligtas kami rito kaysa sa Japan. Mabait at magalang ang mga tao rito. Marami sa kanila, lalo na ang mga kabataan, ay interesado sa ibang relihiyon. Isang araw, sa aming pampublikong pagpapatotoo, mga 2,600 magasin ang naipamahagi namin sa loob lang ng limang oras.”

Ikinuwento nina Dan at Janine Moore, mag-asawang malapit nang mag-60 anyos: “Kapag nangangaral kami, pinalilibutan kami ng mga tao. Nginingitian namin sila, at ngumingiti rin sila sa amin. Una, makikiusyoso lang sila, ’tapos magkakainteres, at mae-excite na. Kapag may ipinakita kami sa Bibliya, sinasabi ng ilan, ‘Puwede ko bang isulat ’yan?’ Hangang-hanga sila sa espirituwal na karunungan sa Bibliya. Isang taon na kami rito, at sana noon pa kami nagpunta. Gusto naming mangaral kung saan marami ang hindi pa nakakakilala kay Jehova—at nakita na namin ’yon!”

Sina Misja at Kristina Beerens ay dumating bilang mga misyonero noong 2009 at nasa gawaing paglalakbay ngayon. Sinabi nila: “Kahit sa Madura Island sa East Java, isa sa mga lugar sa Indonesia na napakakonserbatibo ng mga Muslim, maganda ang pagtugon sa aming pangangaral. Inihihinto ng mga tao ang kanilang sasakyan para humingi ng mga magasin. Sinasabi nila: ‘Muslim ako, pero nagbabasa ako ng mga magasing ito. Puwede ko rin bang ikuha ang mga kaibigan ko?’ Napakaraming pangangaralan dito!”

Mapuputi Na ang mga Bukid Para sa Pag-aani

Nang dumating si Frank Rice sa Jakarta noong 1931, mga 60,000,000 ang nakatira sa Indonesia. Ngayon, halos 260,000,000 na ang populasyon nito, kaya ang Indonesia ang ikaapat na bansang may pinakamaraming populasyon sa daigdig.

Kapansin-pansin din ang pagsulong ng mga Saksi ni Jehova sa Indonesia. Noong 1946, pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, may 10 tapat na mamamahayag lang sa bansa. Ngayon, mayroon nang mahigit 26,000 mamamahayag doon—isang malinaw na katibayan ng pagpapala ni Jehova! At dahil 55,864 ang dumalo sa Memoryal noong 2015, napakalaki ng potensiyal ng pagsulong sa bansa.

Sinabi ni Jesus: “Oo, ang aanihin ay marami, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti. Kaya nga, magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.” (Mat. 9:37, 38) Totoong-totoo ito sa mga lingkod ni Jehova sa Indonesia. Determinado silang patuloy na magsikap para mapabanal ang dakilang pangalan ni Jehova sa bansang iyon.—Isa. 24:15.