Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Masisipag na pilgrim na nakasama ni Brother Russell

100 Taon Na ang Nakalilipas—1916

100 Taon Na ang Nakalilipas—1916

PAGSAPIT ng 1916, ang Malaking Digmaan, na nakilala ring Digmaang Pandaigdig I, ay mahigit isang taon nang nanalanta. Marami na ang namamatay.

Ganito ang sabi ng The Watch Tower ng Enero 1, 1916: “Dahil sa malaking digmaan sa Europa, naging relihiyoso ang iba at naging palaisip sa kanilang kinabukasan.” Idinagdag pa ng artikulo: “Maging masigla tayo sa ating mga pribilehiyo, mga oportunidad, upang hindi tayo panghinaan ng loob, kundi maging masigasig para sa Diyos at sa Kaniyang Mensahe.”

Hinimok ng taunang teksto para sa 1916 ang mga kapatid na manatiling “matatag sa pananampalataya,” ayon sa Roma 4:20 ng King James Version. Ganiyan nga ang ginawa ng maraming Estudyante ng Bibliya, at sagana silang pinagpala ni Jehova.

Naglaan ng Pampatibay ang mga Pilgrim

Ang mga naglalakbay na kinatawan ng Watch Tower Society, na nakilala bilang mga pilgrim, ay nagpunta sa iba’t ibang bayan at naglaan ng mga pampatibay at tagubilin sa mga Estudyante ng Bibliya. Noong 1916, humigit-kumulang 69 na pilgrim ang naglakbay ng isang milyong kilometro sa gawaing ito.

Sa kaniyang pahayag sa isang kombensiyon sa Norfolk, Virginia, itinulad ng pilgrim na si Walter Thorn sa Malaking Digmaan ang pakikipaglaban ng mga Kristiyano: “Tinatayang may 20 hanggang 30 milyong kalalakihan na nakikipagdigma ngayon. . . . Ang hindi alam ng mga tao, may iba pang hukbo [ng mga sundalo]. Sila ang mga sundalo ng Panginoon, at gaya ng hukbo ni Gideon, nakikipaglaban din sila, pero hindi sa pamamagitan ng literal na sandata. Nakikipaglaban sila para sa katotohanan at katuwiran at ipinakikipaglaban nila ang mainam na pakikipaglaban ng pananampalataya.”

Naglilingkod Kahit sa Panahon ng Digmaan

Sa Pransiya, mahigit isang milyong kalalakihan ang nasugatan o napatay sa Unang Labanan sa Somme noong 1916. Samantala, kahit hindi madali, sinuportahan ng masisipag na mga brother ang mga klase, o kongregasyon, sa iba’t ibang lugar sa Pransiya. Sa The Watch Tower ng Enero 15, 1916, inilathala ang isang sulat mula kay Joseph Lefèvre, isang Estudyante ng Bibliya, na napilitang tumakas sa sarili niyang bayan sa Denain, France, nang lusubin iyon ng mga sundalong Aleman noong 1914. Nagpunta siya sa Paris at umugnay sa nag-iisang klase ng mga Estudyante ng Bibliya sa lunsod. Kahit may sakit, agad siyang nangasiwa sa lahat ng pagpupulong.

Di-nagtagal, nakasama ni Joseph si Théophile Lequime, na tumakas din sa Denain. Noong una, sa Auchel, France nagpunta si Brother Lequime. Nagsimula siyang magsalin doon ng mga artikulo ng The Watch Tower at ipinadala ang mga iyon sa mga kapatid na nasa mga lugar na hindi pa nasasakop. Napilitan siyang umalis sa Auchel dahil pinagsususpetsahan ng mga awtoridad ang mga ginagawa niya. Para kay Brother Lefèvre, ang pagdating ni Brother Lequime sa Paris ay sagot sa mga panalangin niya.

Pinagpala ang kanilang gawain sa Paris. Iniulat ni Brother Lefèvre: “May isang klase na kami ngayon na binubuo ng mga 45 . . . Naranasan na ng marami sa kanila ang kagandahan at pribilehiyo ng pag-aalay, at napakalaki ng kanilang pagsulong sa espirituwal. Halos lahat ng miyembro ay dumadalo sa lingguhang testimony meeting.”

Nanatili Silang Neutral

Habang nagpapatuloy ang digmaan, marami sa ating kapatid ang napaharap sa isyu ng neutralidad. Sa Great Britain, nang maipasá ang Military Service Act, lahat ng kalalakihang edad 18 hanggang 40 ay inutusang magpatala sa militar. Pero maraming Estudyante ng Bibliya ang matatag na nanatiling neutral.

Halimbawa, inilathala sa The Watch Tower ng Abril 15, 1916, ang isang liham mula kay W. O. Warden ng Scotland. Sinabi niya: “Isa sa mga anak kong lalaki ang 19 anyos na. Isang magandang patotoo ang naibibigay niya para sa Panginoon dahil sa pagtangging magpatala sa militar, at kung barilin man siya dahil sa patuloy na pagtanggi, nagtitiwala akong tatanggap siya ng Makalangit na Biyaya para makapanindigan sa mga simulain ng katotohanan at katuwiran.”

Si James Frederick Scott, isang kabataang colporteur mula sa Edinburgh, Scotland, ay nilitis dahil sa hindi pagrereport para magpatala sa militar. Matapos marinig ang lahat ng ebidensiya, ipinasiya ng korte na si Brother Scott ay “nasa ilalim ng eksemsiyong inilaan ng Act” at napatunayang walang sala.

Pero marami ang hindi binigyan ng eksemsiyon. Pagsapit ng Setyembre, sa 264 na brother na nag-aplay para sa eksemsiyon, 23 ang inatasan sa serbisyong walang kaugnayan sa pakikipaglaban. Ang mga natira naman, na ang ilan ay “dumanas ng iba’t ibang parusa,” ay inobligang gumawa ng “gawaing Mahalaga sa Bansa, gaya ng paggawa ng daan, pagka-quarry, at iba pa,” ang sabi ng isang ulat sa Oktubre 15, 1916 ng Watch Tower. Limang brother lang ang binigyan ng eksemsiyon sa paglilingkod sa militar.

Namatay si Charles Taze Russell

Noong Oktubre 16, 1916, sinimulan ni Charles Taze Russell, na siyang nangunguna noon sa mga Estudyante ng Bibliya, ang paglalakbay sa kanluran ng Estados Unidos para magbigay ng lektyur. Pero hindi na siya nakauwi. Noong hapon ng Martes, Oktubre 31, namatay si Brother Russell sa edad na 64 sakay ng isang tren sa Pampa, Texas.

Maraming kapatid ang nag-iisip na walang makapapalit kay Brother Russell. Sa kaniyang testamento, na inilathala sa The Watch Tower ng Disyembre 1, 1916, sinabi ni Brother Russell ang mga gusto niyang mangyari tungkol sa gawaing pinangunahan niya sa mahabang panahon. Pero isang tanong ang kailangang masagot: Sino ang papalit sa kaniya sa gawaing ito?

Ang sagot ay pinagpasiyahan sa taunang miting ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania noong pasimula ng 1917. Bumoto ang mga dumalo, at nagkaisa sa kinalabasan. Pero pansamantala lang ang pagkakaisang ito, gaya ng makikita sa sumunod na mga buwan, at matitinding pagsubok ang naghihintay sa mga kapatid.