Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Liham Mula sa Lupong Tagapamahala

Liham Mula sa Lupong Tagapamahala

Mahal na mga Kapatid:

Mapagpakumbabang kinilala ni propeta Isaias na ang anumang tagumpay at kasaganaang tinatamasa ng Kaharian ng Juda ay dahil sa pagpapala ni Jehova. Gaya ng mababasa natin sa Isaias 26:12, sinabi niya: “O Jehova, . . . ang lahat ng aming mga gawa ay isinagawa mo para sa amin.” Kung bubulay-bulayin natin ang lahat ng naisagawa sa nakalipas na taon ng paglilingkod, ganiyan din ang masasabi natin. Si Jehova ay talagang gumagawa ng “mga kamangha-manghang bagay” na hindi pa nagawa kailanman! (Ex. 34:10) Isip-isipin na lang ang ilan sa pagpapalang tinanggap natin mula sa kaniya.

Ang opisyal na website natin na jw.org ay ginagamit sa napakagandang paraan. Available na ito sa mahigit 600 wika, at ang mga publikasyon ay mababasa at mada-download sa mahigit 750 wika. Gaano kaepektibo nitong naitatawid sa mga tapat-puso ang katotohanan? Halimbawa: Isang mag-asawa ang nawalan ng tiwala sa relihiyon dahil sa nakikita nilang pagkukunwari nito. Sa kanilang paghahanap ng espirituwal na patnubay, natagpuan nila ang ating website. Mula noon, regular na silang nagpupunta sa website para magbasa ng mga artikulo sa ating publikasyon at manood ng mga video. Nag-download din sila ng buklet na Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw at nagsimulang magbasa ng pang-araw-araw na teksto kasama ang dalawa nilang tin-edyer na anak. Iyon mismo ang ginagawa nila noong umagang kumatok ang mga Saksi ni Jehova sa pinto nila. Nalaman ng mga Saksi na dahil sa pagbisita ng pamilya sa website, marami na silang ginawang pagbabago. Ipinatanggal nila ang kanilang mga tato at inalis ang mga hikaw sa katawan. Itinapon din nila ang kanilang mga imahen, at hindi na nagdiwang ng mga selebrasyon ng sanlibutan. Hindi na rin sila nanonood ng di-angkop na mga pelikula. Lahat ng ito ay ginawa nila bago pa sila natagpuan ng mga Saksi! Habang isinusulat ito, ang mag-asawa at ang isa sa kanilang mga anak ay mamamahayag na, at plano na ring magpabautismo ng mag-asawa.

Marami kaming natatanggap na pasasalamat para sa isa pang napakagandang paglalaan: ang JW Broadcasting. Ang programa buwan-buwan ay available na sa mahigit 70 wika, at madaragdagan pa ito. Pinapanood ng maraming pamilya ang programa sa kanilang Pampamilyang Pagsamba. Gaya nga ng sinabi ng isang brother, “Napakalaki na ng organisasyon ni Jehova; pero parang ang lapit-lapit natin sa punong-tanggapan!”

Ang kombensiyon ang isa sa laging inaabangan ng bayan ni Jehova, gaya ng serye ng kombensiyon noong taon ng paglilingkod ng 2015. Sa kombensiyong iyon, may 42 video at art presentation, at anim na magagandang musika, na bawat isa ay pinatutugtog bago magsimula ang mga sesyon. Tungkol sa programa, sinabi ng isang makaranasang brother, “Parang walang gustong umalis sa upuan dahil baka may ma-miss sila sa programa.” Ganito naman ang komento ng isang misyonero tungkol sa kombensiyon noong nakaraang taon: “Dahil sa mga video, lalong naging totoo sa ’kin ang katotohanan at ang Kaharian.”

Pinagpala rin tayo ni Jehova ng mga bagong awiting pang-Kaharian noong nakaraang taon. Isinulat ng isang mag-asawa: “Ang mga bagong awit ay parang yakap mula kay Jehova. Napapasaya kami nito sa malulungkot na sandali.” Ipinaalaala ng mga kombensiyon natin ang maibiging pagpapagal na ginagawa para sa atin ng orkestra at koro ng Watchtower, at lahat ng iyan ay para lalo pang papurihan si Jehova!

Nawa’y tularan ninyo si Jehova sa pamamagitan ng maibiging pagtanggap sa mga nanunumbalik

May pampublikong pagpapatotoo ba ang inyong kongregasyon? Isa ngang pagpapala ang paraang ito ng pagpapatotoo! Dahil dito, ang ilang nakatira sa mga subdivision, condominium, at mga apartment ay napaabutan ng katotohanan sa unang pagkakataon. Marami rin, kabilang na ang ilang di-aktibong Saksi, ang natulungan sa espirituwal dahil sa paraang ito ng pagpapatotoo. Noong Enero 2015, isang lalaking taga-South Korea ang lumapit sa isang cart. Sinabi niyang seryoso na niyang pinag-iisipan ang espirituwal na mga bagay. Kaya naman isang pag-aaral sa Bibliya ang nasimulan. Noong Pebrero, dumalo siya sa pulong sa unang pagkakataon; noong Marso, tumigil siya sa paninigarilyo. Noong Abril, bumisita siya sa pasilidad ng sangay sa South Korea, at patuloy na sumulong sa espirituwal. Isa lang ito sa napakaraming karanasan na natanggap namin dito sa pandaigdig na punong-tanggapan.

Dalangin namin na sana ang mga impormasyon sa kombensiyon ay makatulong para mapakilos ang mga di-aktibo na bumalik sa maibiging kalinga ni Jehova bago mahuli ang lahat! Nawa’y tularan ninyo si Jehova sa pamamagitan ng maibiging pagtanggap sa mga nanunumbalik.—Ezek. 34:16.

Talagang pinagpala ni Jehova ang kaniyang bayan sa nakalipas na taon ng paglilingkod. Ano pa ang maaasahan natin? Abangan. Pero habang naghihintay, tandaan na mahal na mahal namin kayong lahat at lagi namin kayong ipinapanalangin.

Hangad namin ang pinakamabuti para sa inyo.

Ang inyong mga kapatid,

Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova