Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Gagawin Ko Para Mabigyan Ako ng Higit na Kalayaan?

Ano ang Gagawin Ko Para Mabigyan Ako ng Higit na Kalayaan?

KABANATA 3

Ano ang Gagawin Ko Para Mabigyan Ako ng Higit na Kalayaan?

“Sana naman, payagan ako ng mga magulang ko na makaalis paminsan-minsan.”​—Sarah, 18.

“Lagi kong tinatanong ang mga magulang ko kung bakit duda sila kapag may lakad kami ng mga kaibigan ko. Madalas na sagot nila: ‘Hindi kami sa ’yo duda, sa mga kaibigan mo lang.’”​—Christine, 18.

GAYA nina Sarah at Christine, gusto mo rin ba ng higit na kalayaan? Kung oo, kailangan mong patunayan sa mga magulang mo na mapagkakatiwalaan ka. Pero ang tiwala ay parang pera​—mahirap makuha, pero madaling mawala. At gaano man kalaki ang ibigay sa iyo, parang kulang pa rin. “Tuwing gusto kong lumabas,” ang sabi ni Iliana, 16, “sunud-sunod ang tanong ng mga magulang ko​—saan ako pupunta, sino ang mga kasama ko, ano ang gagawin ko, at anong oras ako uuwi. Magulang ko nga sila, pero nakakainis kapag tanong sila nang tanong!”

Paano ka kaya mas mapagtitiwalaan ng mga magulang mo at mabibigyan ng higit na kalayaan? Bago natin sagutin iyan, tingnan muna natin kung bakit isang isyu ang tiwala sa pagitan ng mga anak at magulang.

Mga Problema Habang Nasa Kabataan

Sinasabi ng Bibliya na “iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina.” (Genesis 2:24) Siyempre, ganiyan din sa mga babae. Habang nagbibinata o nagdadalaga, naihahanda ka sa pagiging adulto​—kung kailan kaya mo nang tumayo sa sarili mong paa at marahil, magkaroon pa nga ng sariling pamilya. a

Gayunman, ang pagbabago tungo sa pagiging adulto ay hindi kasinsimple ng pagpasok sa isang pinto. Mas maitutulad ito sa pag-akyat sa hagdan​—baytang-baytang. Pero siyempre, kahit iniisip mong matured ka na, maaaring hindi ganiyan ang palagay ng mga magulang mo. Halimbawa, pakiramdam ni Maria, wala pa ring tiwala sa kaniya ang mga magulang niya pagdating sa pagpili ng kaibigan. “Twenty na ako pero isyu pa rin sa amin ito!” ang sabi niya. “Iniisip kasi nila, hindi ko kayang umiwas sa mga alanganing sitwasyon. Sinasabi ko naman sa kanila na nagawa ko nang umiwas, pero ayaw nilang maniwala!”

Gaya ng ipinakikita ng sinabi ni Maria, ang isyu hinggil sa tiwala ay sanhi ng tensiyon sa pagitan ng mga magulang at kabataan. Totoo rin ba iyan sa inyo? Kung gayon, ano ang puwede mong gawin para mas pagtiwalaan ka ng mga magulang mo? At kung nasira ang tiwala nila sa iyo, paano mo ito maibabalik?

Patunayan Mong Mapagkakatiwalaan Ka

Sumulat si apostol Pablo: “Patuloy na patunayan kung ano nga kayo.” (2 Corinto 13:5) Bagaman para sa unang-siglong mga Kristiyano ang payong ito, kapit din ang simulain nito sa mga kabataan. Kadalasan na, bibigyan ka ng mga magulang mo ng higit na kalayaan kapag nakikita nilang mapagkakatiwalaan ka. Hindi mo kailangang maging perpekto. Lahat naman talaga ay nagkakamali. (Eclesiastes 7:20) Pero posible bang dahil sa iginagawi mo kung kaya walang tiwala sa iyo ang mga magulang mo?

Bilang halimbawa, isinulat ni Pablo: “Nais naming gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.” (Hebreo 13:18) Tanungin ang iyong sarili, ‘Lagi ba akong nagsasabi ng totoo kapag tinatanong ako ng mga magulang ko kung saan ako galing o ano ang ginawa ko?’ Pansinin ang sinabi ng ilang kabataan matapos nilang suriing mabuti ang kanilang sarili hinggil sa bagay na ito. Pagkatapos, sagutin ang mga tanong sa ibaba.

Lori: “Palihim akong nakikipag-e-mail sa crush ko. Nalaman ito ng mga magulang ko at pinagsabihan akong itigil ito. Nangako ako, pero hindi ako tumupad. Paulit-ulit na nangyari ’yan sa loob ng isang taon. Mag-i-e-mail ako sa crush ko, mabibisto ng mga magulang ko, magsosori ako at mangangakong titigil na, pero hindi ko tinutupad. Dumating sa punto na wala na talaga silang tiwala sa akin!”

Sa tingin mo, bakit kaya nawalan ng tiwala kay Lori ang mga magulang niya? ․․․․․

Kung ikaw ang magulang ni Lori, ano ang gagawin mo, at bakit? ․․․․․

Ano ang dapat na ginawa ni Lori nang una siyang kausapin ng kaniyang mga magulang tungkol sa problema? ․․․․․

Beverly: “Walang tiwala noon ang mga magulang ko sa akin pagdating sa mga lalaki, pero naiintindihan ko na ngayon kung bakit. Nakikipag-flirt ako noon sa dalawang lalaking mas matanda sa akin nang dalawang taon. Nakikipag-telebabad ako sa kanila, at sa mga get-together, halos sila lang ang kausap ko. Isang buwan akong pinagbawalan ng mga magulang ko na gumamit ng phone. Hindi nila ako pinayagang pumunta sa mga lugar na pinupuntahan din ng mga lalaking iyon.”

Kung ikaw ang mga magulang ni Beverly, ano ang gagawin mo, at bakit? ․․․․․

Sa tingin mo, sobrang higpit ba kay Beverly ang mga magulang niya? Kung oo, bakit? ․․․․․

Ano ang dapat gawin ni Beverly para maibalik ang tiwala ng kaniyang mga magulang? ․․․․․

Kung Paano Maibabalik ang Tiwala

Gaya ng mga kabataang nabanggit, paano kung kasalanan mo rin kung bakit nawalan ng tiwala sa iyo ang mga magulang mo? Huwag kang mag-alala. Puwede pang maibalik ang tiwala nila sa iyo. Paano?

Malamang na magtiwala sa iyo ang mga magulang mo at bigyan ka nila ng higit na kalayaan kapag ipinakita mong responsable ka. Ganito ang sabi ni Annette: “Noong bata pa ako, hindi ganoon kaimportante sa akin kung pinagtitiwalaan ako. Ngayon, naiintindihan ko na at sinisikap kong mapanatili ang tiwala sa akin ng mga magulang ko.” Ang aral? Sa halip na magreklamo tungkol sa kawalan ng tiwala ng iyong mga magulang, patunayan mong talagang mapagkakatiwalaan ka, at malamang na bigyan ka nila ng higit na kalayaan.

Halimbawa, maaasahan ka ba pagdating sa mga bagay na nakalista sa ibaba? Lagyan ng ✔ ang kahon sa tapat ng mga kailangan mong pasulungin.

□ Pagsunod sa curfew

□ Pagtupad sa pangako

□ Matalinong paghawak ng pera

□ Pagiging nasa oras

□ Pagtapos sa gawaing-bahay

□ Paggising nang maaga

□ Paglilinis ng sariling kuwarto

□ Pagsasabi ng totoo

□ Balanseng paggamit ng telepono o computer

□ Pag-amin sa kasalanan at paghingi ng sori

□ Iba pa ․․․․․

Bakit hindi patunayang mapagkakatiwalaan ka sa mga pinili mong markahan? Sundin ang payo ng Bibliya: “Alisin ninyo ang lumang personalidad na naaayon sa inyong dating landasin ng paggawi.” (Efeso 4:22) “Ang inyong Oo ay mangahulugang Oo.” (Santiago 5:12) “Magsalita ang bawat isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa.” (Efeso 4:25) “Maging masunurin kayo sa inyong mga magulang sa lahat ng bagay.” (Colosas 3:20) Sa kalaunan, ang pagsulong mo ay makikita ng iba, pati na ng iyong mga magulang.​—1 Timoteo 4:15.

Pero paano kung nagsisikap ka naman, kaya lang, parang hindi pa rin ibinibigay ng mga magulang mo ang kalayaang inaasahan mo? Puwede mo itong sabihin sa kanila. Imbes na ipilit na dapat silang magtiwala sa iyo, magalang na itanong kung ano ang kailangan mong gawin para pagtiwalaan ka nila. Sabihin sa kanila ang mga sisikapin mong gawin.

Huwag asahang agad-agad kang pagbibigyan ng mga magulang mo. Siyempre, gusto muna nilang matiyak na tutupad ka sa mga pangako mo. Samantalahin ang pagkakataong ito para patunayan na mapagkakatiwalaan ka. Darating din ang panahon na bibigyan ka nila ng higit na kalayaan. Ganiyan ang nangyari kay Beverly, na nabanggit kanina. Sinabi niya, “Ang tiwala, mahirap makuha, madaling maiwala.” Pero idinagdag niya, “Masaya ako ngayong naibabalik ko na ang tiwala ng mga magulang ko!”

MARAMI KA PANG MABABASA TUNGKOL SA PAKSANG ITO SA TOMO 2, KABANATA 22

SA SUSUNOD NA KABANATA

Naghiwalay ba ang mga magulang mo? Paano mo ito makakayanan?

[Talababa]

a May higit pang impormasyon sa Kabanata 7 ng aklat na ito.

TEMANG TEKSTO

“Huwag ninyong gagamitin ang kalayaang ito bilang panakip sa kasamaan.”​—1 Pedro 2:16, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino.

TIP

Imbes na magreklamo dahil mas may kalayaan ang ate o kuya mo, isipin na lang na mas may kalayaan ka naman ngayon kaysa noong mas bata ka.

ALAM MO BA . . . ?

Kapag sobrang luwag sa iyo ng mga magulang mo, tanda iyon ng pagpapabaya, hindi ng pagmamahal.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Sisikapin kong maging mas mapagkakatiwalaan pagdating sa: ․․․․․

Kung masira ang tiwala sa akin ng mga magulang ko, ang gagawin ko ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Bakit kaya hindi ka mabigyan ng mga magulang mo ng higit na kalayaan kahit na sinisikap mo namang patunayan na mapagkakatiwalaan ka?

● Paano nakakaapekto ang paraan mo ng pakikipag-usap sa iyong mga magulang sa pagbibigay nila sa iyo ng higit na kalayaan?

[Blurb sa pahina 24]

“Open ako sa mga magulang ko; sinasabi ko sa kanila ang mga problema ko. Siguro ’yan ang dahilan kung bakit tiwala sila sa akin.”​—Dianna

[Dayagram/Larawan sa pahina 23]

Ang pagbabago tungo sa pagiging mapagkakatiwalaang adulto ay tulad ng pag-akyat sa hagdan​—baytang-baytang

[Dayagram]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

ADULTO

KABATAAN

BATA