Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Lagi Kaming Nagtatalo?

Bakit Lagi Kaming Nagtatalo?

KABANATA 2

Bakit Lagi Kaming Nagtatalo?

Sa eksenang mababasa mo, may tatlong bagay na ginawa si Rachel na lalong nagpainit sa ulo ng nanay niya. Anu-ano kaya ang mga iyon? Isulat sa ibaba ang sagot mo at pagkatapos ay tingnan ang kahong “ Sagot” sa pahina 20.

․․․․․

Miyerkules ng gabi. Tapos na sa kaniyang mga gawain si Rachel, 17, at puwede na siyang magrelaks​—sa wakas! Binuksan niya ang TV at ang sarap na ng pagkakaupo niya sa kaniyang paboritong sofa.

Saktong dating naman ng nanay niya at mukhang mainit ang ulo. “Rachel, TV na naman! ’Di ba dapat tinutulungan mo ang kapatid mo sa assignment niya? Kahit kailan ka talaga!”

“Eto na naman kami,” pabulong na sinabi ni Rachel pero dinig naman ng nanay niya.

Lumapit ang nanay. “Ano’ng sabi mo?”

“Wala po,” sabay buntunghininga at irap.

Galít na galít na ngayon ang nanay niya. “Ayus-ayusin mo ang pagsagot mo ha!” ang sabi niya.

“Ba’t kayo? Maayos ba kayong makipag-usap sa akin?” ang buwelta ni Rachel.

Tapos na ang pagrerelaks . . . away na naman.

PAMILYAR ka ba sa eksenang iyan? Lagi rin ba kayong nagtatalo ng mga magulang mo? Kung oo, pag-isipan ito. Anu-ano ba ang malimit ninyong pagtalunan? Lagyan ng ✔ ang mga napili mo​—o kaya’y punan ang patlang sa tabi ng “Iba pa.”

□ Ugali

□ Gawaing-bahay

□ Pananamit

□ Curfew

□ Libangan

□ Kaibigan

□ Di-kasekso

□ Iba pa ․․․․․

Anuman ang pinag-aawayan ninyo, pareho lang kayong nai-stress ng magulang mo. Siyempre, puwede namang manahimik ka na lang at huwag nang kumontra. Pero iyan ba ang gusto ng Diyos na gawin mo? Hindi naman. Bagaman sinasabi ng Bibliya na “parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina,” pinapayuhan ka rin nito na pasulungin ang iyong “kakayahang mag-isip” at gamitin ang iyong “kakayahan sa pangangatuwiran.” (Efeso 6:2, 3; Kawikaan 1:1-4; Roma 12:1) Sa paggawa nito, magkakaroon ka ng sariling paninindigan, at maaaring hindi mo sang-ayunan ang lahat ng sinasabi ng magulang mo. Pero kung ang pamilya ay sumusunod sa mga simulain ng Bibliya, makapag-uusap nang maayos ang anak at magulang​—kahit magkaiba pa ang pananaw nila.​—Colosas 3:13.

Paano mo ipaliliwanag ang sarili mo nang hindi nauuwi sa away ang pag-uusap ninyo ng mga magulang mo? Madaling sabihin: “Hindi ko problema ’yan. Problema ’yan ng mga magulang ko!” Pero isipin ito: Mababago mo ba ang mga magulang mo? Ang totoo, sarili mo lang talaga ang kaya mong baguhin. At ang maganda rito, kung gagawa ka ng paraan para mabawasan ang tensiyon, malamang na maging kalmado rin ang mga magulang mo at pakikinggan nila ang gusto mong sabihin.

Tingnan natin kung ano ang magagawa mo para maiwasan ang pagtatalo. Sundin ang sumusunod na mga mungkahi, at malamang na magulat ang mga magulang mo​—pati na ikaw—​na kaya mo naman palang makipag-usap sa maayos na paraan.

Mag-isip bago sumagot. Kapag pinagsasabihan ka, huwag padalus-dalos sa pagsagot. Halimbawa, kapag sinabihan ka ng nanay mo: “Bakit hindi ka naghugas ng pinggan? Kahit kailan ka talaga!” Baka sumagot ka agad, “Bakit nagagalit agad kayo?” Pero mag-isip ka muna. Sikaping unawain kung bakit niya nasabi iyon. Huwag mong gaanong seryosohin ang mga salitang gaya ng “lagi” o “kahit kailan.” Kadalasan na, hindi naman talaga iyon ang ibig sabihin ng mga magulang mo. Pero may ipinahihiwatig ito.

Baka naiinis ang nanay mo dahil pakiramdam niya ay lagi na lang siya ang gumagawa ng gawaing-bahay. Malamang na gusto lang niyang makatiyak na tutulungan mo siya. Kung ganoon, ang pagsagot ng “Bakit nagagalit agad kayo?” ay walang patutunguhan​—malamang na magtalo lang kayo. Kaya bakit hindi mo na lang pagaanin ang sitwasyon? Halimbawa, puwede mong sabihin: “Huwag na po kayong magalit ’Nay. Sige po, maghuhugas na ’ko ng pinggan.” Pero huwag maging sarkastiko. Kung isasaalang-alang mo ang nadarama ng magulang mo bago ka sumagot, malamang na maiwasan ang pagtatalo. a

Isulat sa ibaba kung ano ang puwedeng masabi ng tatay o nanay mo na maaaring ikagalit mo​—kung hahayaan mo.

․․․․․

Ngayon, isipin naman kung ano ang puwede mong isagot para ipakita sa magulang mo na nauunawaan mo sila.

․․․․․

Sumagot nang magalang. Natutuhan ni Michelle mula sa kaniyang karanasan na mahalaga kung paano siya sumasagot sa nanay niya. “Anuman ang pinagtatalunan namin,” ang sabi niya, “laging tono ng boses ko ang nakikitang problema ni Mommy.” Kung ganiyan din ang problema mo, sikaping magsalita nang mahinahon at iwasang umirap, sumimangot, o magdabog. (Kawikaan 30:17) Kung parang hindi ka na makapagpipigil, manalangin nang maikli. (Nehemias 2:4) Siyempre, hindi mo naman hihilingin sa Diyos na sana’y ‘tigilan ka na ng magulang mo,’ kundi sana’y matuto kang magpigil para hindi na lumala ang sitwasyon.​—Santiago 1:26.

Isulat sa ibaba ang mga salita at kilos na makabubuting iwasan mo.

Ang sinasabi mo:

․․․․․

Ang iyong kilos at ekspresyon ng mukha:

․․․․․

Makinig. Sinasabi ng Bibliya: “May masasabi kang mali kung ikaw ay masalita.” (Kawikaan 10:19, Contemporary English Version) Kaya bigyan mo ng pagkakataong magsalita ang mga magulang mo at makinig kang mabuti sa sasabihin nila. Huwag kang sumabad. Makinig ka lang. Pagkatapos nilang magsalita, marami ka nang pagkakataon para magtanong o kaya’y magpaliwanag. Sa kabilang banda, kung mangangatuwiran ka agad, palalalain mo lang ang sitwasyon. Kahit marami kang gustong sabihin, ito marahil ang “panahon ng pagtahimik.”​—Eclesiastes 3:7.

Magsori. Tama lang na sabihing “Sori po,” anuman ang nagawa mong nakadagdag sa problema. (Roma 14:19) Puwede ka ring magsori dahil hindi kayo nagkaintindihan. Kung nahihirapan kang magsori nang harapan, daanin mo sa sulat. At bukod sa paghingi ng sori, sikaping baguhin ang pag-uugaling naging dahilan ng pagtatalo. (Mateo 5:41) Halimbawa, kung ang naging dahilan ng pagtatalo ninyo ay ang pagpapabaya mo sa isang gawaing-bahay, bakit hindi mo agad gawin iyon? Kahit pa ayaw mo ng gawaing iyon, mas mabuting kumilos ka na kaysa naman mapagalitan ka ulit kapag nakita ng mga magulang mong hindi mo pa rin iyon ginagawa. (Mateo 21:28-31) Kaya pag-isipan mo kung ano ang mabuting ibubunga kung kikilos ka para mabawasan ang tensiyon sa pagitan mo at ng iyong mga magulang.

Kahit ang maliligayang pamilya ay hindi nagkakasundo paminsan-minsan, pero alam nila kung paano aayusin ang problema sa mapayapang paraan. Sundin ang mga mungkahi sa artikulong ito, at makikita mong puwede ka naman palang makipag-usap sa mga magulang mo, kahit tungkol sa mabibigat na isyu​—nang walang pagtatalo!

SA SUSUNOD NA KABANATA

Sa tingin mo ba sobrang higpit ng magulang mo? Kung oo, ano ang puwede mong gawin?

[Talababa]

a May higit pang impormasyon sa Tomo 2, Kabanata 21.

TEMANG TEKSTO

“Nag-iisip muna ang mabuting tao bago sumagot.”​—Kawikaan 15:28, Today’s English Version.

TIP

Kapag kinakausap ka ng magulang mo, itabi ang binabasang aklat o magasin, patayin ang pinatutugtog mong music, at tumingin sa kanila.

ALAM MO BA . . . ?

Kung gagawa ka ng paraan para malutas o maiwasan ang anumang di-pagkakasundo, magiging mas madali ang mga bagay-bagay para sa iyo. Sa katunayan, sinasabi ng Bibliya na “ang taong may maibiging-kabaitan ay gumagawa ng mabuti sa kaniyang sariling kaluluwa.”​—Kawikaan 11:17.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Ang mungkahi sa kabanatang ito na talagang kailangan kong gawin ay ․․․․․

Sisimulan ko ito sa (ilagay ang petsa) ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Bakit kaya may mga kabataan na mahilig makipag-argumento at ayaw patalo?

● Bakit mangmang ang tingin ng Diyos na Jehova sa mga mahilig makipagtalo?​—Kawikaan 20:3.

● Ano ang pakinabang mo kung kikilos ka para mabawasan ang tensiyon sa pagitan mo at ng iyong mga magulang?

[Blurb sa pahina 18]

“Minsan, sasabihin ni Mommy, ‘Sori anak,’ sabay yakap. Gusto ko ’yon. Tapos bati na kami. Ganoon din ang ginagawa ko. Mahirap nga, pero ang laking bagay talaga kapag hindi ka ma-pride at totoo ang ‘sori’ mo.”​—Lauren

[Kahon sa pahina 20]

 Sagot

1. Ang pagiging sarkastiko (“Eto na naman kami”).

2. Ang ekspresyon ng mukha ni Rachel (ang pag-irap niya).

3. Ang pagsagot nang pabalang (“Ba’t kayo? Maayos ba kayong makipag-usap sa akin?”).

[Larawan sa pahina 19]

Ang pakikipagtalo sa magulang ay parang pagtakbo sa treadmill​—takbo ka nang takbo, wala ka namang nararating