Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Naiipit Ako sa Magkaibang Kultura​—Ano ang Gagawin Ko?

Naiipit Ako sa Magkaibang Kultura​—Ano ang Gagawin Ko?

KABANATA 22

Naiipit Ako sa Magkaibang Kultura​—Ano ang Gagawin Ko?

Dayuhan ba ang iyong nanay o tatay?

□ Oo □ Hindi

Magkaiba ba ang wika o kultura sa inyong tahanan at sa school?

□ Oo □ Hindi

“Italyano ang aming pamilya, at likas sa mga Italyano na hayagang ipakita ang kanilang pagmamahal. Nakatira kami ngayon sa Britanya. Napakapormal ng mga tao rito. Wala akong paglagyan​—hindi ako bagay na Briton at hindi rin bagay na Italyano.”​—Giosuè, Inglatera.

“Pinagsabihan ako ng teacher ko na tumingin sa kaniya kapag nagsasalita siya. Pero sa bahay, kapag kinausap ako ni Tatay at tumingin ako sa kaniya, wala raw akong galang. Ano ba talaga?”​—Patrick, ipinanganak sa Pransiya pero taga-Algeria ang magulang.

NANG mandayuhan ang mga magulang mo, napaharap sila sa malalaking hamon​—iba ang wika, kultura, at pananamit ng mga tao sa paligid nila. Kitang-kita ang kaibahan nila. Kaya baka naging tampulan sila ng panunuya at pambabastos.

Nangyari na ba iyan sa iyo? Sa ibaba, makikita mo ang iba’t ibang hamon na napaharap sa mga kabataang nasa ganitong sitwasyon. Lagyan ng ✔ ang sa tingin mo ay pinakamahirap.

Panunuya. Bata pa si Noor nang lumipat ang pamilya nila sa Hilagang Amerika mula sa Jordan. “Iba ang pananamit namin, kaya pinagtatawanan kami ng mga tao,” ang sabi niya. “At hindi namin naiintindihan ang biruan ng mga Amerikano.”

Kawalan ng sariling pagkakakilanlan. “Ipinanganak ako sa Alemanya,” ang sabi ng kabataang si Nadia. “Dahil Italyano ang mga magulang ko, may puntó ako kapag nagsasalita ng Aleman, kaya binansagan ako sa school na ‘estupidong banyaga.’ Pero kapag nasa Italya ako, puntóng Aleman naman ako. Kaya hindi ko na talaga alam kung ano ang lahi ko. Dayuhan ako kahit saan ako magpunta.”

Magkaibang kultura sa bahay. Walong taóng gulang pa lang si Ana nang lumipat sila sa Inglatera. “Walang kahirap-hirap sa aming magkapatid na makibagay sa buhay sa London,” ang sabi niya. “Pero nahirapan ang mga magulang ko kasi matagal silang nanirahan sa maliit na isla ng Madeira na sakop ng Portugal.”

Sinabi ni Voeun, na tatlong taóng gulang nang lumipat ang pamilya nila sa Australia mula sa Cambodia: “Nahihirapan pa ring makibagay dito ang mga magulang ko. Madalas ngang mainis at magalit si Daddy dahil hindi ko maintindihan ang kaniyang nadarama at iniisip.”

Problema sa wika. Walong taóng gulang si Ian nang lumipat ang pamilya nila sa New York mula sa Ecuador. Pagkalipas ng anim na taon sa Estados Unidos, sinabi niya: “Mas madalas na akong magsalita ng Ingles kaysa Kastila. Ingles ang salita ng mga teacher ko, Ingles ang salita ng mga kaibigan ko, at Ingles din kung mag-usap kami ng kapatid ko. Dahil puro Ingles ang nasa utak ko, nakakalimutan ko na ang wikang Kastila.”

Sinabi ni Lee, na ipinanganak sa Australia pero ang mga magulang ay dating taga-Cambodia: “Kahit na gusto kong sabihin sa mga magulang ko ang nadarama ko, nahihirapan ako kasi hindi ko masabi iyon nang matatas sa wika nila.”

Sinabi ni Noor, na nabanggit kanina: “Pinipilit kami ni Tatay na magsalita ng wika niya sa bahay, pero ayaw naming magsalita ng Arabe. Para sa amin, pabigat lang kung mag-aaral pa kami ng Arabe. Ingles ang salita ng mga kaibigan namin. Ingles ang lahat ng pinapanood namin sa TV. Bakit pa kami magsasalita ng Arabe?”

Ang Puwede Mong Gawin

Gaya ng nakita mo, hindi ka nag-iisa sa pagharap sa mga hamon. Pero baka iniisip mo na mas madaling kalimutan na lang ang kinalakhan mong kultura at makibagay sa bago mong kapaligiran. Kung gagawin mo iyan, baka magkasamaan lang kayo ng loob ng mga magulang mo. Kaya bakit hindi harapin ang hamon at gamitin ang sitwasyon mo ngayon para sa iyong kapakinabangan? Narito ang ilang mungkahi kung paano haharapin ang:

Panunuya. Kahit na ano ang gawin mo, hindi lahat ng tao, magugustuhan ka. Tutuyain at tutuyain ka pa rin ng mga taong mahilig manuya. (Kawikaan 18:24) Kaya huwag mong sayangin ang laway mo sa mga taong hindi tumatanggap ng paliwanag. “Ayaw ng manlilibak na siya’y sawayin,” ang sabi ng matalinong haring si Solomon. (Kawikaan 15:12, Ang Biblia) Kung mali ang pananaw nila tungkol sa iyo, wala kang kasalanan doon. Nagpapakita lang ito ng kawalang-alam nila.

Kawalan ng sariling pagkakakilanlan. Natural lang na gustuhin mong mapabilang sa isang grupo, gaya ng isang pamilya o lahi. Pero hindi iyan ang magiging batayan ng iyong halaga. Baka husgahan ka ng tao batay sa grupong kinabibilangan mo, pero hindi diyan tumitingin ang Diyos. “Ang Diyos ay hindi nagtatangi,” ang sabi ni apostol Pedro, “kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35) Kung gagawin mo ang lahat para mapasaya ang Diyos na Jehova, ituturing ka niyang bahagi ng kaniyang pamilya. (Isaias 43:10; Marcos 10:29, 30) May mas gaganda pa bang pagkakakilanlan diyan?

Magkaibang kultura sa bahay. May pagkakaiba talaga ang pananaw ng mga magulang at mga anak. Mas malaki nga lang siguro ang pagkakaiba sa kalagayan mo. Gusto ng mga magulang mo na mamuhay ka ayon sa kulturang kinalakhan nila, pero gusto mo namang makibagay sa bago ninyong kapaligiran. Gayunman, kung gusto mong mapabuti ka, dapat na “parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina.”​—Efeso 6:2, 3.

Sa halip na makipagmatigasan sa mga magulang mo dahil ayaw mo sa kultura nila, bakit hindi unawain kung bakit ito mahalaga sa kanila? (Kawikaan 2:10, 11) Tanungin ang sarili: ‘Labag ba sa simulain ng Bibliya ang mga kostumbre nila? Kung hindi, ano ang inaayawan ko rito? Paano ko masasabi sa mga magulang ko ang opinyon ko sa magalang na paraan?’ (Gawa 5:29) Siyempre, kung matatas ka sa wika ng iyong mga magulang, mas madali mo silang mapaparangalan​—mas madali mong mauunawaan ang kanilang iniisip at masasabi mo rin ang iyong nadarama.

Problema sa wika. Napatunayan ng ilang pamilya na kapag inoobliga ng mga magulang ang kanilang anak na magsalita lamang ng kanilang katutubong wika habang nasa bahay, natututo ang bata ng dalawang wika. Bakit hindi subukan iyan sa bahay ninyo? Maaari ka ring magpaturo sa iyong mga magulang na matutong sumulat sa wika nila. Ganito ang sinabi ni Stelios, na lumaki sa Alemanya pero Griego ang katutubong wika: “Isang teksto sa Bibliya kada araw ang tinatalakay naming pamilya. Babasahin ito nang malakas ng mga magulang ko, at isusulat ko naman ito. Ngayon, nakakabasa at nakakapagsulat na ako ng Griego at Aleman.”

Ano pa ang pakinabang? “Pinag-aralan ko ang wika ng aking mga magulang dahil gusto kong maging close sa kanila, at higit sa lahat, maunawaan kung gaano nila kamahal ang Diyos,” ang sabi ni Giosuè, na binanggit kanina. “Nang matutuhan ko ang kanilang wika, nagkaintindihan na kami.”

Tulay, Hindi Hadlang

Para sa iyo, ang pagkakaroon ba ng ibang kultura ay isang hadlang o isang tulay? Maraming kabataang Kristiyano ang nagsisikap maging matatas sa wika ng kanilang mga magulang dahil gusto nilang sabihin sa ibang nandayuhan ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:14; 28:19, 20) “Malaking bagay talaga kapag naipapaliwanag mo sa iba ang Kasulatan sa dalawang wika!” ang sabi ni Salomão, na limang taóng gulang nang lumipat sila sa London. “Muntik ko nang malimutan ang katutubong wika ko, pero ngayong nasa kongregasyon ako na gumagamit ng wikang Portuges, matatas na ako sa Ingles at Portuges.”

Nakita ni Noor, na binanggit kanina, ang pangangailangan na mangaral sa mga Arabe. Sinabi niya: “Ngayon, nag-aaral ako ng Arabe at bumabalik na yung mga nakalimutan ko. Nagbago ang pananaw ko. Gusto kong itinutuwid ako kapag mali ang nasasabi ko. Gusto kong matuto.”

Kung pamilyar ka sa dalawang kultura at nakapagsasalita ng dalawa o higit pang wika, malaking tulong ito sa iyo. Mas mauunawaan mo ang nadarama ng iba at masasagot mo ang kanilang mga tanong tungkol sa Diyos. (Kawikaan 15:23) Ganito ang paliwanag ni Preeti, na ipinanganak sa Inglatera pero ang mga magulang ay dating taga-India: “Pamilyar ako sa dalawang kultura kaya mas may kumpiyansa ako sa ministeryo. Nauunawaan ko ang mga tao mula sa dalawang kulturang ito​—kung ano ang kanilang paniniwala at pag-uugali.”

Magagamit mo rin kaya ang sitwasyon mo para makinabang ka? Tandaan, mahal ka ni Jehova anuman ang pinagmulan mo. Gaya ng mga kabataang nabanggit, puwede mong gamitin ang iyong kaalaman at karanasan para tulungan ang mga kapareho mo ng pinagmulan na matuto tungkol sa ating di-nagtatangi at maibiging Diyos na si Jehova. Tunay na kaligayahan ang resulta nito!​—Gawa 20:35.

TEMANG TEKSTO

“Ang Diyos ay hindi nagtatangi.”​—Gawa 10:34.

TIP

Kung pinagtatawanan ka ng ibang kabataan dahil iba ang kultura mo, makitawa ka na lang din imbes na mapikon. Tingnan mo, titigilan ka rin nila.

ALAM MO BA . . . ?

Mas malaki ang tsansa mong matanggap sa trabaho kung dalawang wika ang alam mo.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Para mas maintindihan ko ang wika ng mga magulang ko, ang gagawin ko ay ․․․․․

Ang gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Bakit mas mauunawaan mo ang iyong sarili kung mauunawaan mo ang kinalakhang kultura ng iyong mga magulang?

● Ano ang lamáng mo sa ibang kabataan na lumaking may iisang kultura?

[Blurb sa pahina 160]

“Masaya ako dahil nakakatulong ako sa iba. Naipapaliwanag ko ang Bibliya sa mga taong nagsasalita ng Ruso, Pranses, o Moldovan.”​—Oleg

[Larawan sa pahina 161]

Ang pinagmulan mong kultura ay puwedeng maging tulay na mag-uugnay sa iyo sa ibang tao