Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Handa Na ba Talaga Kaming Mag-asawa?

Handa Na ba Talaga Kaming Mag-asawa?

KABANATA 30

Handa Na ba Talaga Kaming Mag-asawa?

Natagpuan mo na siya. Matagal-tagal na kayong magkasintahan kaya alam mong in love talaga kayo sa isa’t isa. Nakikini-kinita mo na kung gaano kasaya ang buhay may-asawa! Pero ganoon nga kaya? Ngayong napapaharap ka sa isa sa pinakamalaking desisyon sa buhay, bigla kang nag-alinlangan . . .

Handa na ba talaga kaming mag-asawa?

NORMAL lang na mag-alinlangan ka​—kahit in love ka. Sa dami ng mag-asawang di-maligaya at pagsasamang nauuwi sa diborsiyo, natural lang na pag-isipan mong mabuti ang desisyong babago sa buhay mo. Paano mo malalaman kung handa ka na? Kailangan mong alisin ang anumang ilusyon sa isip mo at imulat ang iyong mata sa katotohanan. Halimbawa:

ILUSYON 1 “Mabubuhay kami kahit walang pera, basta mahal namin ang isa’t isa.”

Katotohanan: Hindi mo puwedeng ipambili o ipambayad ng bills ang pag-ibig. Sa katunayan, natuklasan ng mga mananaliksik na pera ang isa sa pangunahing dahilan ng pag-aaway, at pagdidiborsiyo pa nga, ng mga mag-asawa. Kung mali ang pananaw mo sa pera, hindi ka magiging masaya at puwedeng masira ang kaugnayan mo sa Diyos at sa iyong asawa. (1 Timoteo 6:​9, 10) Ang aral? Kahit hindi pa kayo mag-asawa, pag-usapan na ninyo ang tungkol sa paghawak ng pera.

Ang sabi ng Bibliya: “Sino sa inyo na nais magtayo ng tore ang hindi muna uupo at tutuusin ang gastusin?”​—Lucas 14:28.

Mungkahi: Bago pa kayo magpakasal, gumawa na ng mga kasunduan sa paghawak ng pera. (Kawikaan 13:10) Pag-isipan ang mga tanong na gaya ng: Paano namin ibabadyet ang kita namin? Magbubukas ba kami ng joint account o magkabukod na account? Sino ang magbabadyet at mag-aasikaso ng mga bill? a Magkano ang puwede naming gastusin nang hindi na ipinagpapaalam sa isa’t isa? Ngayon pa lang, dapat may teamwork na kayo!​—Eclesiastes 4:​9, 10.

ILUSYON 2 “Wala kaming magiging problema kasi lagi kaming nagkakasundo​​—ni minsan nga, hindi kami nag-away!”

Katotohanan: Kung hindi pa kayo nagtalo kahit minsan, siguro nagagawa ninyong iwasan ang mga isyung puwedeng pagtalunan. Pero hindi na puwede iyan kapag mag-asawa na kayo. Ang totoo, hindi puwedeng maging perpekto ang pagsasama ng dalawang di-perpektong tao​—hindi maiiwasang may pagtalunan kayo. (Roma 3:23; Santiago 3:2) Kaya dapat, alam na ninyo ang gagawin kapag may hindi kayo napagkasunduan. Matibay ang pagsasama ng dalawang taong tanggap ang kanilang mga pagkakaiba at inaayos ang mga problema sa may-gulang at mapayapang paraan.

Ang sabi ng Bibliya: “Huwag kayong matulog nang galít.”​—Efeso 4:​26, Contemporary English Version.

Mungkahi: Pag-isipan kung ano ang ginagawa mo kapag hindi kayo nagkakasundo ng mga magulang o mga kapatid mo. Gayahin ang chart sa pahina 93 ng aklat na ito o sa pahina 221 ng Tomo 2. Isulat ang mga naging dahilan ng inyong di-pagkakasundo, kung ano ang reaksiyon mo, at kung ano sana ang mas mabuting ginawa mo. Halimbawa, kung ang padalus-dalos na reaksiyon mo ay padabog na pumasok sa iyong kuwarto at ibagsak ang pinto, isulat kung ano sana ang mas mabuting ginawa mo para malutas ang problema at hindi na lumala. Kung ngayon pa lang ay kaya mo nang lutasin ang mga problema, kayang-kaya mo ring gawin iyan kapag may asawa ka na.

ILUSYON 3 “Kapag may asawa na ako, masasapatan ang lahat ng seksuwal na pagnanasa ko.”

Katotohanan: Hindi komo may asawa ka na, puwede ka nang makipag-sex kahit kailan mo gusto. Tandaan, may damdamin din ang iyong asawa na kailangan mong isaalang-alang. May mga panahon talaga na wala siya sa mood. Hindi dahil sa kasal na kayo, maipipilit mo na ang lahat ng gusto mo. (1 Corinto 10:24) Ang totoo, napakahalaga pa rin ng pagpipigil sa sarili kahit may asawa ka na.​—Galacia 5:​22, 23.

Sabi ng Bibliya: “Ang bawat isa sa inyo ay dapat makaalam kung paano susupilin ang kaniyang sariling sisidlan sa pagpapabanal at karangalan, hindi sa mapag-imbot na pita sa sekso.”​—1 Tesalonica 4:​4, 5.

Mungkahi: Sagutin ang sumusunod na mga tanong at pag-isipan kung ano ang magiging epekto nito kapag may asawa ka na. Halimbawa, bisyo mo ba ang masturbasyon o ang panonood ng pornograpya? Pasekreto ka bang tumitingin nang may pagnanasa sa di-kasekso? Tanungin ang sarili, ‘Kung nahihirapan akong kontrolin ang aking pagnanasa ngayong wala pa akong asawa, paano ko ito magagawa kapag may asawa na ako?’ (Mateo 5:​27, 28) Pag-isipan din ito: Kilalá ka bang playboy o flirt? Kung oo, paano mo babaguhin ang ugaling iyan kapag isang tao na lang ang puwede mong mahalin​—ang iyong asawa?​—Kawikaan 5:​15-17.

ILUSYON 4 “Magiging masaya na ako kapag nag-asawa ako.”

Katotohanan: Ang malungkot na dalaga o binata ay karaniwang nagiging malungkot na asawa rin. Bakit? Kasi ang kaligayahan, nakadepende sa pananaw, hindi sa kalagayan. (Kawikaan 15:15) Ang mga may negatibong pananaw sa buhay ay kadalasang tumitingin sa kung ano ang kulang sa relasyon, hindi sa kung ano ang nandiyan. Mas maganda na habang single ka pa, magsikap ka nang maging positibo, para kapag nag-asawa ka, mapapalabas mo ang pinakamabubuting katangian mo at ng iyong asawa.

Ang sabi ng Bibliya: “Mabuti pa ay masiyahan sa anumang kalagayan kaysa mangarap nang di naman makakamtan.”​​—Eclesiastes 6:​9, Magandang Balita Biblia.

Mungkahi: Kung minsan, nagiging negatibo ang isa dahil hindi makatotohanan ang inaasahan niya. Sa isang papel, magsulat ng dalawa o tatlong inaasahan mo kapag nag-asawa ka. Basahin ito, at tanungin ang sarili: ‘Makatotohanan ba ang mga inaasahan ko o mga ilusyon lang? Naiimpluwensiyahan ba ito ng media, gaya ng mga kuwento ng pag-ibig sa mga pelikula o libro? Nakasentro ba ito sa sarili ko​—para maalis ang kalungkutan ko, masapatan ang pagnanasa ko sa sekso, o tumaas ang tingin sa akin ng mga kaibigan ko?’ Kung oo, dapat mong baguhin ang iyong saloobin. Isipin, hindi lang ang sarili mo, kundi pati ang mapapangasawa mo. Para magawa ito, magsulat ng dalawa o tatlong inaasahan mong magandang ibubunga sa inyong dalawa ng pag-aasawa.

Madidismaya ka lang kung hindi makatotohanan ang inaasahan mo sa pag-aasawa. Kaya alisin sa isip ang mga ilusyong nabanggit at imulat ang iyong mata sa katotohanan. Makakatulong sa inyong magkasintahan ang worksheet sa pahina 216 at 217 habang pinaghahandaan ninyo ang pagdating ng isa sa pinakamalaking pagpapala sa buhay​​—isang maligayang pag-aasawa!​​—Deuteronomio 24:5; Kawikaan 5:18.

SA SUSUNOD NA KABANATA

Sabi ng ilan, para ka na ring namatayan kapag nag-break kayong magkasintahan. Paano ka makaka-recover?

[Talababa]

a Makikita sa Kawikaan 31:​10-28 na ang “asawang babae na may kakayahan” ay humahawak ng mabibigat na responsibilidad may kaugnayan sa pera ng pamilya. Tingnan ang mga talata 13, 14, 16, 18, at 24.

TEMANG TEKSTO

“Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan siya sa kaniyang asawa at sila ay magiging isang laman.”​—Genesis 2:24.

TIP

Makipag-usap sa mag-asawang mas matanda sa inyo at tanungin kung anong payo ang maibibigay nila para maging maligaya ang isang bagong mag-asawa.​—Kawikaan 27:17.

ALAM MO BA . . . ?

Sa matagumpay na pag-aasawa, magkaibigan ang turingan ng lalaki’t babae. May mahusay silang komunikasyon, nalulutas nila ang di-pagkakasundo, at itinuturing nilang panghabambuhay ang kanilang pagsasama.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Ang katangian na pasusulungin ko para maging mas matibay ang ugnayan namin ng magiging asawa ko ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Bakit kaya napakaraming nagdidiborsiyo sa ilang bansa?

● Ano ang posibleng maging problema kapag nagpakasal ang isa para lang takasan ang mga problema sa pamilya?

● Bakit mahalagang sumunod sa pamantayan ng Bibliya sa pag-aasawa?

[Blurb sa pahina 220]

“Mabigat na desisyon ang pag-aasawa kaya mahalagang alamin kung ano ang papasukin mo. Pero siyempre, mahalaga ring kilalanin kung sino ang makakasama mo sa pagpasok dito.”​—Audra

[Kahon/Larawan sa pahina 216, 217]

Worksheet

Handa Ka na Bang Mag-asawa?

Pag-isipan ang mga tanong sa sumusunod na dalawang pahina. Puwede ninyo itong pag-usapan ng kasintahan mo. Makabubuting basahin ang mga teksto.

Pera

◻ Ano ang saloobin mo tungkol sa pera?​—Hebreo 13:​5, 6.

◻ Paano mo naipapakita na responsable ka sa paghawak ng pera?​—Mateo 6:​19-21.

◻ Marami ka bang utang? Kung oo, ano ang ginagawa mo para mabayaran ito?​—Kawikaan 22:7.

◻ Magkano ang gagastusin ninyo sa kasal? Kung plano ninyong mangutang para dito, magkano? Kaya ba talaga ninyo itong bayaran?​—Lucas 14:28.

◻ Kapag kasal na kayo, pareho ba kayong magtatrabaho? Kung oo, paano ninyo aayusin ang iskedyul ninyo? Paano naman ang inyong transportasyon?​—Kawikaan 15:22.

◻ Saan kayo titira? Magkano ang magagastos ninyo sa pagkain, damit, upa sa bahay, at iba pang bayarin? Kasya ba ang kita ninyo para sa lahat ng ito?​—Kawikaan 24:27.

Isyung Pampamilya

◻ Nakakasundo mo ba ang mga magulang at kapatid mo?​—Exodo 20:12; Roma 12:18.

◻ Kapag nagkakaproblema ka sa isang kapamilya, paano mo ito inaayos?​—Colosas 3:13.

◻ Kung isa kang dalaga, paano mo naipapakita ang isang “tahimik at mahinahong espiritu”?​—1 Pedro 3:4.

◻ May plano ba kayong mag-anák? (Awit 127:3) Kung wala, ano ang pipiliin ninyong birth control method?

◻ Kung isa kang binata, may naiisip ka na bang kaayusan para mailaan ang espirituwal na pangangailangan ng magiging pamilya mo?​—Mateo 5:3.

Ugali

◻ Masipag ka ba? Paano mo ito naipapakita?​—Kawikaan 6:​9-11; 31:​17, 19, 21, 22, 27.

◻ Mapagsakripisyo ka ba? Paano mo ito naipapakita?​—Filipos 2:4.

◻ Kung isa kang binata, paano mo tinutularan si Kristo sa paggamit ng awtoridad?​—Efeso 5:​25, 28, 29.

◻ Kung isa kang dalaga, paano mo naipapakitang mapagpasakop ka?​—Efeso 5:​22-24.

[Larawan sa pahina 219]

Kung paanong hindi ka basta-basta tatalon sa tubig, hindi ka rin basta-basta “tatalon” sa pag-aasawa