Isang Aklat ng Hula
Isang Aklat ng Hula
Ang mga tao ay interesado sa kinabukasan. Sila’y naghahanap ng mga mapananaligang prediksiyon tungkol sa maraming bagay, mula sa lagay ng panahon hanggang sa mga indikasyon sa ekonomiya. Gayunman, kapag kumikilos sila batay sa mga prediksiyong ito, sila’y malimit na nabibigo. Ang Bibliya ay kinapapalooban ng maraming prediksiyon, o mga hula. Gaano ba katotoo ang mga hulang ito? Ang mga ito ba’y kasaysayang isinulat nang patiuna? O ito ba’y kasaysayang nagpapanggap lamang na hula?
ANG estadistang Romano na si Cato (234-149 B.C.E.) ay iniulat na nagsabi: “Ako’y nagtataka na ang isang manghuhula ay hindi nagtatawa kapag nakikita niya ang isa pang manghuhula.”1 Ang totoo, hanggang sa ngayon ay maraming tao ang nag-aalinlangan sa mga manghuhula ng kapalaran, mga astrologo, at iba pang manghuhula. Ang kanilang mga prediksiyon ay madalas na ipinahahayag sa mga terminong may-kalabuan anupat maaaring bigyan ng napakaraming iba’t ibang interpretasyon.
Kumusta naman ang mga hula sa Bibliya? May dahilan ba upang ito’y pag-alinlanganan? O may saligan ba para ito’y pagtiwalaan?
Hindi Lang Basta May-Basehang Sapantaha
Maaring subukin ng may-kabatirang mga tao na gamitin ang nakikitang takbo ng mga pangyayari upang makagawa ng tamang espekulasyon hinggil sa hinaharap, ngunit hindi sila laging tama. Ganito ang sinasabi sa aklat na Future Shock: “Ang bawat lipunan ay napapaharap hindi lamang sa sunud-sunod na malamang na mangyari, kundi sa napakaraming posibleng mangyari, at sa pagtatalu-talo sa gustong mangyari.” Dagdag pa nito: “Sabihin pa, walang sinuman ang ‘nakaaalam’ ng talagang mangyayari. Maaari lamang nating analisahin at pagwariing mabuti ang ating mga sapantaha at pagpilitang tantiyahin kung alin ang malamang na mangyari.”2
Ngunit ang mga manunulat ng Bibliya ay hindi basta ‘tumatantiya kung alin ang malamang na mangyari’ sa “mga sapantaha” tungkol sa kinabukasan. Ni maaaring ituring ang kanilang mga prediksiyon bilang malalabong pagpapahayag na bukás sa napakaraming iba’t ibang interpretasyon. Sa kabaligtaran, marami sa kanilang mga hula ay binibigkas nang may pambihirang kalinawan at may di-pangkaraniwang detalye, anupat madalas ay humuhula ng kabaligtaran sa maaaring asahan. Kuning halimbawa ang patiunang sinabi ng Bibliya tungkol sa lunsod ng sinaunang Babilonya.
‘Wawalisin ng Walis ng Pagkalipol’
Ang sinaunang Babilonya ay naging “ang hiyas ng mga kaharian.” (Isaias 13:19, The New American Bible) Ang lunsod na ito na napakalawak ang saklaw ay tamang-tamang nakapuwesto sa ruta ng kalakalan mula sa Gulpo ng Persiya hanggang sa Dagat Mediteraneo, anupat nagsisilbing sentro ng komersiyo para sa panlupa at pandagat na pangangalakal sa pagitan ng Silangan at Kanluran.
Pagsapit ng ikapitong siglo B.C.E., ang Babilonya ang naging waring di-maigugupong kabisera ng Imperyo ng Babilonya. Ang lunsod ay nakasaklang sa Ilog Eufrates, at ang tubig ng dagat ay ginamit upang makahukay ng isang maluwang, malalim na trinsera at magkakarugtong na mga kanal. Karagdagan pa, ang lunsod ay protektado ng isang napakalaki at matibay na sistema ng doblehang mga pader, na sinusuhayan naman ng maraming bantayang tore. Hindi nga kataka-taka na maging palagay ang loob ng mga naninirahan doon.
Gayunman, noong ikawalong siglo B.C.E., bago pumaimbulog ang Babilonya sa rurok ng kaluwalhatian nito, inihula ng propetang si Isaias na ang Babilonya ay ‘wawalisin ng walis ng pagkalipol.’ (Isaias 13:19; 14:22, 23) Inilarawan din ni Isaias ang mismong paraan ng pagbagsak ng Babilonya. ‘Tutuyuin’ ng mga manlulusob ang mga ilog nito—ang pinagmumulan ng tulad-trinserang depensa nito—na magpapahina sa lunsod. Binanggit pa man din ni Isaias ang pangalan ng mananakop—si “Ciro,” isang dakilang hari ng Persia, “na sa harapan niya’y mabubuksan ang mga pintuang-daan at walang pinto ang masasarhan.”—Isaias 44:27–45:2, The New English Bible.
Ang mga ito’y mapangahas na mga prediksiyon. Ngunit nagkatotoo ba ang mga ito? Ang kasaysayan ang sumasagot.
‘Nang Walang Digmaan’
Dalawang siglo matapos iulat ni Isaias ang kaniyang hula, kinagabihan ng Oktubre 5, 539 B.C.E., nagkampo malapit sa Babilonya ang mga hukbo ng Medo-Persia sa ilalim ni Ciro na Dakila. Subalit kampante ang mga taga-Babilonya. Ayon sa Griegong istoryador na si Herodotus (ikalimang siglo B.C.E.), sila’y may sapat na panustos na nakaimbak para sa maraming taon.3 Nasa kanila rin ang Ilog Eufrates at ang matitibay na pader ng Babilonya na magkakanlong sa kanila. Magkagayunman, nang mismong gabing iyon, ayon sa Nabonidus Chronicle, “pumasok ang hukbo ni Ciro sa Babilonya nang walang digmaan.”4 Paano nangyari iyan?
Ipinaliwanag ni Herodotus na sa loob ng lunsod, ang mga tao’y “nagsasayawan at nagkakasayahan sa isang piging.”5 Ngunit, sa labas naman, nailihis na ni Ciro ang mga tubig ng Eufrates. Habang bumababaw ang tubig, lumusong ang kaniyang hukbo sa pinakasahig ng ilog, na ang tubig ay hanggang hita nila. Nilampasan nila ang nagtataasang pader at pumasok sa napabayaang-bukás na mga pintuang-daan na tinatawag ni Herodotus na “ang mga pintuang-daan na bumubukas sa mga ilog.”6 (Ihambing ang Daniel 5:1-4; Jeremias 50:24; 51:31, 32.) Kinumpirma ng ibang istoryador, kabilang na si Xenophon (c. 431–c. 352 B.C.E.), gayundin ng mga tabletang cuneiform na natuklasan ng mga arkeologo, ang biglang pagbagsak ng Babilonya sa kamay ni Ciro.7
Natupad kung gayon ang hula ni Isaias tungkol sa Babilonya. Ngunit, natupad nga bang talaga? Hindi kaya posible na ito’y hindi naman hula kundi aktuwal na isinulat pagkatapos na ito’y mangyari? Sa katunayan, maaaring itanong din ito tungkol sa iba pang hula sa Bibliya.
Kasaysayan ba na Nagpapanggap na Hula?
Kung ang kasaysayan ay dinoktor lamang ng mga propeta ng Bibliya—kabilang na si Isaias—upang magmukhang hula, kung gayon ang mga lalaking ito ay walang iba kundi mga tusong mandaraya. Ngunit ano naman ang kanilang motibo sa ganitong panlilinlang? Kaagad ay ipinaalam ng mga tunay na propeta na sila’y hindi maaaring suhulan. (1 Samuel 12:3; Daniel 5:17) At nakita na natin ang matibay na ebidensiya na ang mga manunulat ng Bibliya (marami sa kanila’y mga propeta) ay mapagkakatiwalaang lalaki na handang isiwalat maging ang kanilang sariling nakahihiyang mga pagkakamali. Waring mahirap namang paniwalaan na ang ganitong mga lalaki ay makagawa ng isinaplanong pandaraya, anupat pinagkukunwang hula ang kasaysayan.
Mayroon pang dapat isaalang-alang. Marami sa mga hula ng Bibliya ang kinapapalooban ng nakasasakit na pagtuligsa sa sariling bayan ng mga propeta, kabilang na ang mga saserdote at mga pinuno. Halimbawa, pinulaan ni Isaias ang masamang kalagayan sa moral ng mga Israelita—kapuwa ng mga lider at ng mamamayan—noong kaniyang kaarawan. (Isaias 1:2-10) Buong-puwersang inilantad ng ibang propeta ang kasalanan ng mga saserdote. (Zefanias 3:4; Malakias 2:1-9) Tunay na isang napakalaking palaisipan kung bakit sila mag-iimbento ng mga hula na kinapapalooban ng pinakamasakit-na-maiisip na mga batikos laban sa kanilang sariling bayan at kung bakit kaya makikiisa naman ang mga saserdote sa ganitong pandaraya.
Karagdagan pa, paanong ang mga propeta—kung sila nga’y mga impostor lamang—ay nagtagumpay sa ganitong panghuhuwad? Ang pagbasa’t pagsulat ay pinasisigla sa Israel. Mula sa murang gulang, ang mga bata ay tinuturuang bumasa at sumulat. (Deuteronomio 6:6-9) Pinasisigla ang sarilinang pagbabasa ng Kasulatan. (Awit 1:2) May pangmadlang pagbabasa ng Kasulatan sa mga sinagoga tuwing lingguhang Sabbath. (Gawa 15:21) Waring hindi maaaring mangyari na ang isang buong bansa na marunong bumasa’t sumulat, na bihasa sa Kasulatan, ay madaya ng gayong panlilinlang.
Bukod diyan, mayroon pang nasasangkot sa hula ni Isaias tungkol sa pagbagsak ng Babilonya. Kasali roon ang isang detalye na hinding-hindi maaaring maisulat pagkatapos ng katuparan.
“Hindi Siya Kailanman Tatahanan”
Ano ang mangyayari sa Babilonya matapos na ito’y bumagsak? Inihula ni Isaias: “Hindi siya kailanman tatahanan, ni siya man ay tatahanan sa sali’t-saling lahi. At doon ay hindi magtatayo ng kaniyang tolda ang Arabe, at hindi pahihigain doon ng mga pastol ang kanilang mga kawan.” (Isaias 13:20) Sabihin pa, waring kataka-taka naman na ihulang ang gayong lunsod na napakaganda ng kinalalagyan ay hindi na tatahanan magpakailanman. Maaari kayang ang mga salita ni Isaias ay isinulat pagkatapos na makita niya ang tiwangwang na Babilonya?
Matapos ang pagsakop ni Ciro, ang isang tinatahanang Babilonya—bagaman mas mababang-uri—ay nagpatuloy pa rin sa loob ng maraming siglo. Alalahanin na kabilang sa mga Dead Sea Scroll ang isang kopya ng kumpletong aklat ng Isaias na pinetsahan ng ikalawang siglo B.C.E. Nang mga panahong kinokopya ang balumbong iyon, kinontrol ng mga Parthiano ang Babilonya. Noong unang siglo C.E., may pamayanan ng mga Judio sa Babilonya, at dumalaw roon ang manunulat ng Bibliya na si Pedro. (1 Pedro 5:13) Noong panahong iyon, halos dalawang siglo nang umiiral ang Dead Sea Scroll ni Isaias. Kaya, noong unang siglo C.E., hindi pa lubusang tiwangwang ang Babilonya, ngunit ang aklat ni Isaias ay malaon nang natapos bago pa noon. a
Gaya ng inihula, ang Babilonya ay naging “bunton [na lamang] ng mga bato.” (Jeremias 51:37) Ayon sa Hebreong iskolar na si Jerome (ikaapat na siglo C.E.), noong kaniyang kaarawan ang Babilonya ay isang dako ng pangangaso na doon ang “bawat uri ng hayop” ay pagala-gala.9 Ang Babilonya ay nananatiling tiwangwang hanggang sa ngayon.
Si Isaias ay namatay anupat hindi na niya nakita ang pagkatiwangwang ng Babilonya. Ngunit ang mga kaguhuan ng minsa’y naging makapangyarihang lunsod, mga 80 kilometro sa timog ng Baghdad, sa makabagong Iraq, ay naging piping patotoo sa katuparan ng kaniyang mga salita: “Hindi siya kailanman tatahanan.” Anumang pananauli sa Babilonya bilang pang-akit sa turista ay baka makabighani sa mga panauhin, ngunit ang mga “supling at kaapu-apuhan” ng Babilonya ay nawala na magpakailanman.—Isaias 13:20; 14:22, 23.
Kung gayon ay hindi nga bumigkas si propeta Isaias ng malalabong prediksiyon na maaaring iangkop sa anumang mangyayari sa hinaharap. Ni hindi niya dinoktor ang kasaysayan upang magmukha itong hula. Isipin lamang ito: Bakit magbabakasakali ang isang impostor na “manghula” ng isang bagay na doo’y wala siyang lubusang kontrol—na ang dakilang Babilonya ay hindi na kailanman tatahanan?
Ang hulang ito tungkol sa pagbagsak ng Babilonya ay isa lamang halimbawa mula sa Bibliya. b Nakikita ng maraming tao mula sa katuparan ng mga hula nito ang isang pahiwatig na ang Bibliya ay talagang mula sa isang nakatataas kaysa tao. Marahil ay sasang-ayon ka na, sa paanuman, ang aklat na ito ng hula ay karapat-dapat suriin. Isang bagay ang tiyak: May napakalaking pagkakaiba ang malabo o nakagugulat na mga prediksiyon ng modernong-panahong mga manghuhula at ang maliwanag, matino, at espesipikong mga hula ng Bibliya.
[Mga talababa]
a May matibay na ebidensiya na ang mga aklat ng Kasulatang Hebreo—kasali na ang Isaias—ay isinulat malaon na bago pa ang unang siglo C.E. Ipinahiwatig ng istoryador na si Josephus (unang siglo C.E.) na ang kanon ng Kasulatang Hebreo ay matagal nang naitatag bago pa ang kaniyang kaarawan.8 Karagdagan pa, ang Griegong Septuagint, Griegong salin ng Hebreong Kasulatan, ay sinimulan noong ikatlong siglo B.C.E. at natapos noong ikalawang siglo B.C.E.
b Para sa higit pang pagtalakay sa mga hula sa Bibliya at sa mga pangyayari sa kasaysayan na nagpapatunay ng katuparan nito, pakisuyong tingnan ang aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao? na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., pahina 117-33.
[Blurb sa pahina 28]
Ang mga manunulat ba ng Bibliya ay mga tunay na propeta o mga tusong mandaraya?
[Larawan sa pahina 29]
Ang mga kaguhuan ng sinaunang Babilonya