Kasuwato Ba ng Siyensiya ang Aklat na Ito?
Kasuwato Ba ng Siyensiya ang Aklat na Ito?
Noon pa ma’y hindi laging itinuturing ng relihiyon na kaibigan nito ang siyensiya. Sa nakalipas na mga siglo tinututulan ng ilang teologo ang mga tuklas ng siyensiya kapag nakukutuban nilang ito’y magsasapanganib sa kanilang interpretasyon sa Bibliya. Subalit kaaway nga ba ng Bibliya ang siyensiya?
KUNG sinunod ng mga manunulat ng Bibliya ang karaniwan nang pinaninindigang mga siyentipikong pananaw noong kanilang kaarawan, ang magiging resulta nito ay isang aklat na may kapuna-punang mga pagkakamali sa siyensiya. Ngunit hindi itinaguyod ng mga manunulat ang gayong di-makasiyentipikong palagay. Sa halip, sumulat sila ng ilang pangungusap na hindi lamang may katumpakan ayon sa siyensiya kundi tuwiran din namang salungat sa pinaniniwalaang mga kuru-kuro noon.
Ano ba ang Hugis ng Lupa?
Ang tanong na iyan ay naging palaisipan sa mga tao sa loob ng libu-libong taon. Ang karaniwang pag-aakala noong unang panahon ay na ang lupa ay lapad. Halimbawa, ang mga taga-Babilonya ay naniniwala na ang sansinukob ay isang kahon o isang silid na ang pinakasahig nito ay ang lupa. Ipinalalagay ng mga paring Vedic ng India na ang lupa ay lapad at na isang panig lamang nito ang pinaninirahan. Inilarawan naman ng isang katutubong tribo sa Asia ang lupa bilang isang napakalaking bandeha ng tsa.
Noon pang ikaanim na siglo B.C.E., ipinalalagay na ng pilosopong Griego na si Pythagoras na yamang pabilog ang buwan at ang araw, malamang na bilog din ang lupa. Pagkaraan ay sumang-ayon din si Aristotle (ikaapat na siglo B.C.E.), anupat ipinaliliwanag na ang pagiging bilog ng lupa ay pinatutunayan ng eklipse ng buwan. Ang anino ng lupang tumatakip sa buwan ay pakurba.
Gayunman, ang pag-aakalang lapad ang lupa (na ang ibabaw lamang nito ang pinaninirahan) ay hindi lubusang nawala. Hindi pa rin matanggap ng ilan ang makatuwirang implikasyon ng pagiging bilog ng lupa—ang konsepto ng antipodes (kabilaan). a Pinagtawanan ni Lactantius, apolohistang Kristiyano noong ikaapat na siglo C.E., ang mismong ideyang ito. Ikinatuwiran niya: “Mayroon bang sinumang matino na maniniwalang may mga taong ang mga bakas ng paa ay mas mataas sa kanilang ulo? . . . na ang mga pananim at punungkahoy ay tumutubo nang pababa? na ang ulan, at niyebe, at ang ulang may yelo ay pumapatak nang pataas?”2
Ang konsepto ng antipodes ay nagharap ng suliranin sa ilang teologo. Pinanindigan ng ilang teoriya na kung mayroon ngang mga antipodean (mga tao sa magkabilang panig ng mundo), imposibleng magkaroon ang mga ito ng koneksiyon sa mga taong nasa kabila dahil sa napakalawak ng karagatan para ito mapaglayagan o kaya’y dahil sa isang hindi raw puwedeng daanan na torrid zone na nakapalibot sa ekwador. Kaya saan maaaring manggaling ang sinumang antipodean? Dahil sa pagkalito, minabuti ng ilang teologo na huwag paniwalaang may mga antipodean nga, o
kaya naman, gaya ng ipinangangatuwiran ni Lactantius, na ang lupa ay hindi maaaring maging bilog!Gayunpaman, namayani pa rin ang konsepto na bilog nga ang lupa, at nang maglaon ay malawakan na itong tinanggap. Subalit, noong magsimula ang panahon ng kalawakan nitong ika-20 siglo, saka lamang naging posible para sa mga tao na maglakbay sa malayong kalawakan upang mapatunayan sa pamamagitan ng aktuwal na obserbasyon na ang lupa ay isa ngang globo. b
At ano naman ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa isyung ito? Noong ikawalong siglo B.C.E., nang ang namamayaning ideya ay na ang lupa ay lapad, maraming siglo bago ipagpalagay ng mga pilosopong Griego na ang lupa’y malamang na bilog, at libu-libong taon bago nakita ng mga tao mula sa kalawakan na ang lupa’y isang globo, simpleng-simpleng sinabi ng propetang Hebreo na si Isaias: “May Isa na nananahan sa ibabaw ng balantok ng lupa.” (Isaias 40:22) Ang salitang Hebreo na chugh, na isinaling “balantok” dito, ay maaari ring isaling “bilog.”3 Ang ibang salin ng Bibliya ay kababasahan ng, “ang globo ng lupa” (Douay Version) at “ang pabilog na lupa.”—Moffatt. c
Iniwasan ng manunulat ng Bibliya na si Isaias ang karaniwang haka-haka tungkol sa lupa. Sa halip, isinulat niya ang isang pangungusap na hindi mapasisinungalingan ng sumusulong na mga tuklas sa siyensiya.
Ano ang Sumusuporta sa Lupa?
Noong unang panahon, ang mga tao’y nalilito sa iba pang mga tanong tungkol sa kosmos: Saan nakapatong ang lupa? Ano ang sumusuporta sa araw, sa buwan, at sa mga bituin? Wala silang alam tungkol sa batas ng pansansinukob na grabidad, na binalangkas ni Isaac Newton at inilathala noong 1687. Ang ideya na ang mga planeta’t bituin sa langit ay aktuwal na nakabitin sa wala sa bakanteng kalawakan ay hindi nila alam. Kaya naman, malimit na ipinahihiwatig ng kanilang mga paliwanag na may literal daw na mga bagay o materyal na sumusuporta sa lupa at sa iba pang mga bagay na nasa langit.
Halimbawa, ang isang sinaunang teoriya, na marahil nagmula sa mga taong naninirahan sa isang isla, ay na ang lupa ay napalilibutan ng tubig at na ito’y nakalutang sa mga tubig na ito. Iniisip ng mga Hindu na ang lupa ay may ilang pundasyon na magkakapatong. Ito’y nakapatong sa apat na elepante, ang mga elepante’y nakatayo naman sa isang pagkalaki-laking pagong, ang pagong ay nakatayo sa isang dambuhalang serpiyente, at ang nakapulupot na serpiyente ay nakalutang sa mga tubig ng sansinukob. Naniwala si Empedocles, isang pilosopong Griego noong ikalimang siglo B.C.E., na ang lupa ay nakapatong sa isang ipuipo at na ang ipuipong ito naman ang siyang nagiging sanhi ng paggalaw ng mga planeta’t bituin sa langit.
Ang isa sa pinakamaimpluwensiyang ideya ay ang kay Aristotle. Bagaman ipinalalagay niyang ang lupa ay bilog, hindi siya naniniwalang ito’y maaaring nakabitin sa bakanteng kalawakan. Sa kaniyang sanaysay na On the Heavens, nang pinabubulaanan niya ang palagay na ang lupa’y nakalutang sa tubig, sinabi niya: “Hindi likas sa tubig, gayundin sa lupa, na makapanatiling nakalutang sa kalawakan: tiyak na may pinagpapatungan ito.”4 Kung gayon, ano nga ba ang “pinagpapatungan” ng lupa? Itinuro ni Aristotle na ang araw, ang buwan, at ang mga bituin ay nakakabit sa ibabaw ng solido, nanganganinag na mga globo. Ang globo ay nasa loob ng isa pang globo, samantalang ang lupa—na nakapirme—ay nasa kaloob-looban. Habang umiikot ang mga globo sa loob ng isa’t isa, ang mga bagay na nakabitin sa mga ito—ang araw, ang buwan, at ang mga planeta—ay gumagalaw sa kalangitan.
Waring may katuwiran naman ang paliwanag ni Aristotle. Kung walang pinagkakabitan ang mga planeta’t bituin sa langit, paano pa makapananatili ang mga ito sa kaitaasan? Ang paniwala ng pinagpipitagang si Aristotle ay tinanggap bilang siyang katotohanan sa loob ng mga 2,000 taon. Ayon sa The New Encyclopædia Britannica, noong ika-16 at ika-17 siglo ang kaniyang mga turo ay “umabot sa katayuan ng relihiyosong doktrina” sa paningin ng simbahan.5
Nang maimbento ang teleskopyo, nagsimulang pag-alinlanganan ng mga astronomo ang teoriya d6
ni Aristotle. Magkagayunman, naging mailap pa rin sa kanila ang sagot hanggang sa ipaliwanag ni Sir Isaac Newton na ang mga planeta pala ay nakabitin sa bakanteng kalawakan, na napananatili sa orbita sa pamamagitan ng di-nakikitang puwersa—ang grabidad. Waring hindi ito kapani-paniwala, at mahirap tanggapin ng ilan sa mga kasamahan ni Newton na ang kalawakan ay bakante, at na walang pisikal na materyal sa kalakhang bahagi nito.Ano naman ang sinasabi ng Bibliya sa tanong na ito? Halos 3,500 taon na ang nakalilipas, sinabi ng Bibliya taglay ang kapansin-pansing kalinawan na ang lupa ay nakabitin “sa wala.” (Job 26:7) Sa orihinal na Hebreo, ang salita para sa “wala” (beli-mahʹ) na ginamit dito ay literal na nangangahulugang “walang anumang bagay.”7 Ginamit ng Contemporary English Version ang pananalitang, “sa bakanteng kalawakan.”
Ang isang planetang nakabitin “sa bakanteng kalawakan” sa anumang paraan ay hindi siyang larawan ng lupa na nasa isip ng karamihan ng mga tao noon. Gayunman, higit na nauuna kaysa kaniyang mga kapanahon, iniulat ng manunulat ng Bibliya ang isang pangungusap na talagang mapanghahawakan ayon sa siyensiya.
Ang Bibliya at ang Siyensiya sa Medisina—Nagkakasuwato Ba?
Napakalaki ng naituro sa atin ng modernong siyensiya sa medisina hinggil sa pagkalat ng sakit at pag-iwas dito. Ang mga pagsulong sa medisina noong ika-19 na siglo ay nagbigay-daan sa panggagamot na gumagamit ng antiseptiko—kalinisan upang mabawasan ang impeksiyon. Napakaganda ng naging resulta. Nagkaroon ng napakalaking kabawasan sa mga impeksiyon at maagang pagkamatay.
Subalit, hindi lubusang naunawaan ng mga sinaunang manggagamot kung paano kumakalat ang sakit, ni napagtanto man nila ang kahalagahan ng kalinisan upang maiwasan ang pagkakasakit. Hindi nga kataka-taka na marami sa kanilang paraan ng panggagamot ay magmumukhang primitibo kung ihahambing sa makabagong pamamaraan.
Ang isa sa makukuhang pinakamatandang sulat sa medisina ay ang Papirong Ebers, isang koleksiyon ng kaalaman sa medisina ng mga Ehipsiyo, na may petsang halos 1550 B.C.E. Ang balumbong ito ay naglalaman ng halos 700 panlunas sa iba’t ibang karamdaman “mula sa kagat ng buwaya hanggang sa pananakit ng kuko sa paa.”8 Ganito ang sabi ng The International Standard Bible Encyclopaedia: “Ang kaalaman ng mga manggagamot na ito sa medisina ay pawang batay lamang sa praktikal na mga karanasan, karamihan ay ginagamitan ng mahika at pulos di-makasiyentipiko.”9 Karamihan sa mga panlunas ay wala namang bisa, ngunit ang ilan sa mga ito ay napakapanganib. Sa paggamot ng sugat, isa sa mga preskripsiyon ay nagrekomenda na pahiran ito ng pinaghalong dumi ng tao at iba pang mga sangkap.10
Ang ulat na ito ng panggagamot ng mga Ehipsiyo ay isinulat kasabay ng pagsulat sa unang mga aklat ng Bibliya, na kalakip ang Batas Mosaiko. Si Moises, na ipinanganak noong 1593 B.C.E., ay lumaki sa Ehipto. (Exodo 2:1-10) Bilang miyembro ng sambahayan ni Faraon, siya’y “tinuruan sa lahat ng karunungan ng mga Ehipsiyo.” (Gawa 7:22) Pamilyar siya sa “mga manggagamot” ng Ehipto. (Genesis 50:1-3) Naimpluwensiyahan ba ng kanilang walang-bisa at mapanganib na paraan ng panggagamot ang kaniyang mga sulat?
Hindi. Sa kabaligtaran, inilakip sa Batas Mosaiko ang mga tuntunin sa kalinisan na mas nauna pa kaysa sa kanilang kapanahunan. Halimbawa, isang batas hinggil sa pagkakampong militar Deuteronomio 23:13) Makapupong nakahihigit ang pag-iingat na ito. Tumutulong ito upang hindi marumhan ang tubig at naglalaan ng proteksiyon mula sa dala-ng-langaw na shigellosis at iba pang karamdamang may kaugnayan sa pagkasira ng tiyan na kumikitil pa rin ng milyun-milyong buhay taun-taon sa mga lupaing napakababa ng pamantayan sa kalinisan.
ang humihiling na ibaon ang dumi nang malayo sa kampo. (Ang Batas Mosaiko ay kinapapalooban din ng iba pang tuntunin sa kalinisan na nag-iingat sa Israel laban sa pagkalat ng mga nakahahawang sakit. Ang isang taong may sakit na nakahahawa o hinihinalang mayroon nito ay ikinukuwarentenas. (Levitico 13:1-5) Ang mga kasuutan o lalagyang napadikit sa isang hayop na namatay (marahil dahil sa sakit) ay dapat hugasan bago gamiting muli o kaya’y sirain. (Levitico 11:27, 28, 32, 33) Sinumang humipo sa isang bangkay ay itinuturing na marumi at dapat sumailalim sa isang sistema ng paglilinis na kalakip ang paglalaba ng kaniyang kasuutan at paliligo. Sa panahon ng pitong araw na karumihan, dapat na iwasan niyang mapadaiti ang katawan sa iba.—Bilang 19:1-13.
Ang kodigong ito sa kalinisan ay kababanaagan ng karunungang hindi taglay ng mga manggagamot sa nakapalibot na mga bansa noong panahong iyon. Libu-libong taon bago natutuhan ng siyensiya sa medisina kung paano kumakalat ang sakit, inireseta na ng Bibliya ang makatuwirang pamamaraan ng pag-iwas bilang pag-iingat laban sa sakit. Hindi nga kataka-taka na nasabi ni Moises noong kaniyang kaarawan na ang mga Israelita sa pangkalahatan ay maaaring mabuhay hanggang 70 o 80 taóng gulang. e—Awit 90:10.
Maaaring matanggap mo na totoo nga ayon sa siyensiya ang nasabing mga pangungusap sa Bibliya. Ngunit may iba pang mga pangungusap sa Bibliya na hindi mapatunayan ng siyensiya. Nangangahulugan ba ito na kasalungat na nga ng Bibliya ang siyensiya?
Tinatanggap Kahit Di-Napatutunayan
Ang isang pangungusap na di-napatutunayan ay hindi laging mali. Ang patotoo ng siyensiya ay nalilimitahan ng kakayahan ng tao na makatuklas ng sapat na ebidensiya at magbigay ng tamang kahulugan sa impormasyong nakuha. Subalit ang ibang katotohanan ay di-napatutunayan dahil sa walang naingatang ebidensiya, ang ebidensiya ay malabo o di pa natutuklasan, o kaya’y kulang pa ang kakayahan at kadalubhasaan upang marating ang di-matututulang konklusyon. Posible nga kayang ganito ang kaso sa ilang pangungusap sa Bibliya na doo’y walang aktuwal na pisikal na ebidensiya?
Halimbawa, ang mga pagtukoy ng Bibliya hinggil sa di-nakikitang daigdig na tinatahanan ng mga espiritung persona ay hindi mapatunayan—o mapasinungalingan—ng siyensiya. Gayundin ang masasabi sa mga makahimalang pangyayari na binanggit sa Bibliya. Walang makuhang sapat na maliwanag na ebidensiyang heolohiko para sa pangglobong Baha noong kaarawan ni Noe upang makumbinsi ang ilang mga tao. (Genesis, kabanata 7) Masasabi ba natin kung gayon na ito nga’y hindi naganap? Ang mga pangyayari sa kasaysayan ay maaaring palabuin ng panahon at pagbabago. Kaya hindi ba posible na mapawi ang karamihan sa ebidensiya ng Baha pagkalipas ng libu-libong taon ng mga pagbabagong heolohiko?
Ipagpalagay na ngang ang Bibliya ay kinapapalooban ng mga pangungusap na hindi kayang patunayan o pasinungalingan ng makukuhang pisikal na ebidensiya. Ngunit pagtatakhan pa ba natin ito? Ang Bibliya ay hindi naman isang aklat-aralin sa siyensiya. Gayunpaman, ito’y isang aklat ng katotohanan. Marami na tayong naisaalang-alang na matitibay na ebidensiya na ang mga sumulat nito’y mga lalaking matuwid at tapat. At kapag sila’y bumabanggit ng mga bagay na may kinalaman sa siyensiya, ang mga salita nila’y wasto at ganap na malinis mula sa mga sinaunang teoriya ng “siyensiya” na napatunayang mga haka-haka lamang. Ang siyensiya kung gayon ay hindi kaaway ng Bibliya. May sapat na dahilan upang bulay-bulayin ang sinasabi ng Bibliya taglay ang bukás na isipan.
[Mga talababa]
a “Ang antipodes . . . ay dalawang dako sa globo na eksaktong nasa magkabilang panig. Kung may tuwid na guhit sa pagitan ng mga ito, dadaan ito sa mismong sentro ng lupa. Ang salitang antipodes sa Griego ay nangangahulugang paa sa paa. Para sa dalawang taong nakatayo sa magkabilang antipodes, ang kanilang mga talampakan ang magiging pinakamalapit sa isa’t isa.”1—The World Book Encyclopedia.
b Sa teknikal na pananalita, ang lupa ay pabilog na lapad; ito’y medyo lapad sa magkabilang polo.
c Karagdagan pa, tanging ang isang bilog na bagay lamang ang may anyong nakabalantok kahit saang anggulo mo ito tingnan. Ang isang lapad na disk ay madalas na magmukhang hugis-itlog, hindi bilog.
d Ang isang prominenteng ideya noong panahon ni Newton ay na ang sansinukob ay punô ng likido—isang kosmikong “sabaw”—at na ang mga alimpuyo ng likido ang siyang nagpapaikot sa mga planeta.
e Noong 1900, ang haba ng buhay sa maraming Europeong bansa at sa Estados Unidos ay wala pang 50. Mula noon, malaki ang itinaas nito hindi lamang dahil sa pagsulong sa medisina sa pagsugpo ng sakit kundi dahil din naman sa pagkakaroon ng mas mahusay na kalinisan at kalagayan ng pamumuhay.
[Blurb sa pahina 21]
Ang isang pangungusap na di-napatutunayan ay hindi laging mali
[Larawan sa pahina 18]
Libu-libong taon bago pa man nakita ng tao ang lupa bilang isang globo mula sa kalawakan, tinukoy na ng Bibliya ang hinggil sa “balantok ng lupa”
[Mga Larawan sa pahina 20]
Ipinaliwanag ni Sir Isaac Newton na ang mga planeta ay nananatili sa mga orbita nito dahil sa grabidad