Para Ba sa Iyo ang Aklat na Ito?
Para Ba sa Iyo ang Aklat na Ito?
“Sa paggawa ng maraming aklat ay walang katapusan,” sabi ni Solomon mga 3,000 taon na ang nakalilipas. (Eclesiastes 12:12) Ang obserbasyong iyan ay nananatiling angkop pa rin sa ngayon. Bukod pa sa mga kilalang klasika, libu-libo pang bagong aklat ang inililimbag taun-taon. Sa dami ng mapagpipiliang aklat na ito, bakit mo pa babasahin ang Bibliya?
MARAMING tao ang nagbabasa ng mga aklat upang maaliw o kaya’y upang may matutuhan, o baka sa kapuwa kadahilanang ito. Maaaring totoo rin ito sa pagbabasa ng Bibliya. Ang pagbabasa nito ay nakapagpapasigla at nakalilibang pa nga. Ngunit higit pa sa riyan ang Bibliya. Ito’y isang bukod-tanging pinagmumulan ng kaalaman.—Eclesiastes 12:9, 10.
Ang Bibliya ay sumasagot sa mga tanong na malaon nang gumugulo sa isip ng mga tao—mga tanong tungkol sa ating nakaraan, sa ating kasalukuyan, at sa ating hinaharap. Marami ang nag-iisip-isip: Saan ba tayo nagmula? Ano ba ang layunin ng buhay? Paano natin makakamit ang kaligayahan sa buhay? Lagi bang magkakaroon ng buhay sa lupa? Ano ang naghihintay na kinabukasan para sa atin?
Ang pinagsama-samang puwersa ng lahat ng ebidensiyang iniharap dito ay maliwanag na nagpapatibay na ang Bibliya ay tumpak at totoo. Naisaalang-alang na natin kung paano makatutulong sa atin ang praktikal na payo nito upang magkaroon ng makabuluhan at maligayang buhay sa ngayon. Yamang ang mga sagot nito tungkol sa kasalukuyan ay kasiya-siya, nakatitiyak tayo na ang mga sagot nito tungkol sa nakaraan at ang mga hula nito tungkol sa hinaharap ay nararapat lamang na pag-ukulan ng maingat na pansin.
Kung Paano Matatamo ang Sukdulang Pakinabang
Maraming tao ang nagsimula nang magbasa ng Bibliya ngunit tumigil nang makita nilang ang ibang bahagi nito ay mahirap maunawaan. Kung iyan ang iyong naging karanasan, may ilang bagay na maaaring makatulong.
Pumili ng maaasahang salin sa modernong-panahong wika, gaya ng New World Translation of the Holy Scriptures. a Ang ilang tao ay nagsisimula sa pamamagitan ng pagbabasa sa mga ulat ng Ebanghelyo tungkol sa buhay ni Jesus, na ang pantas na turo, tulad niyaong nasa Sermon sa bundok, ay kababanaagan ng isang malawak na pagkaunawa sa likas na pag-uugali ng tao at nagpapaliwanag kung paano mapabubuti ang ating kalagayan sa buhay.—Tingnan ang Mateo kabanata 5 hanggang 7.
Karagdagan pa sa pagbabasa ng Bibliya, ang isang paraan ng pag-aaral ayon sa paksa ay maaaring totoong nakapagtuturo. Nangangailangan ito ng pagsusuri sa sinasabi ng Bibliya sa isang partikular na paksa. Baka magulat ka kapag nalaman mo ang talagang sinasabi ng Bibliya sa mga paksang gaya ng kaluluwa, langit, lupa, buhay, at kamatayan, gayundin ng Kaharian ng Diyos—kung ano ito at kung ano ang isasagawa nito. b Ang mga Saksi ni Jehova ay may programa para sa pag-aaral ng Bibliya ayon sa paksa, na inilalaan nang walang bayad. Maaari kang sumulat at magtanong sa mga tagapaglathala tungkol dito, na ginagamit ang angkop na mga direksiyon na nakatala sa pahina 2.
Matapos suriin ang ebidensiya, maraming tao ang nakumbinsi na ang Bibliya ay galing nga sa Diyos, na ipinakikilala ng Kasulatan bilang “Jehova.” (Awit 83:18) Maaaring hindi ka kumbinsido na ang Bibliya ay nagmula sa Diyos. Ngunit bakit hindi mo ito suriin mismo? Nananalig kami na pagkatapos ng isang proseso ng pag-aaral, pagbubulay-bulay, at marahil ay pagkaranas mo mismo ng praktikal na kahalagahan ng walang-kupas na karunungan nito, madarama mo na ang Bibliya ay tunay na isang aklat para sa lahat ng tao, at lalo pang mahalaga—isang aklat para sa iyo.
[Mga talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Ang isang aklat na marami nang natulungan sa pag-aaral ng Bibliya ayon sa paksa ay Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.