Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 11

Bakit Kaya Pinahihintulutan ng Diyos ang Pagdurusa?

Bakit Kaya Pinahihintulutan ng Diyos ang Pagdurusa?
  • Ang Diyos ba ang sanhi ng pagdurusa sa daigdig?

  • Anong usapin ang ibinangon sa hardin ng Eden?

  • Paano kaya papawiin ng Diyos ang mga epekto ng pagdurusa ng tao?

1, 2. Anong uri ng pagdurusa ang nararanasan ng mga tao sa ngayon, na umaakay sa marami na magbangon ng anong mga tanong?

PAGKATAPOS ng isang kahila-hilakbot na labanan sa isang lupaing sinalanta ng digmaan, inilibing nang sama-sama ang libu-libong napatay na sibilyang babae at bata sa isang hukay na napalilibutan ng maliliit na krus. Ang bawat krus ay may nakasulat na: “Bakit?” Kung minsan, iyan ang pinakamasakit na tanong sa lahat. Malungkot na itinatanong ito ng mga tao kapag namatayan sila ng kanilang inosenteng mga mahal sa buhay, nawasak ang kanilang bahay, o dumanas sila ng labis-labis na pagdurusa dahil sa digmaan, sakuna, sakit, o krimen. Gusto nilang malaman kung bakit sumapit sa kanila ang gayong mga trahedya.

2 Bakit kaya pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa? Kung ang Diyos na Jehova ay makapangyarihan-sa-lahat, maibigin, marunong, at makatarungan, bakit punung-punô ng poot at kawalang-katarungan ang daigdig? Napag-isip-isip mo na rin ba ang mga bagay na ito?

3, 4. (a) Ano ang nagpapakita na hindi maling itanong kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa? (b) Ano ang nadarama ni Jehova hinggil sa kasamaan at pagdurusa?

3 Mali bang itanong kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa? Nangangamba ang ilan na ang pagtatanong ng gayon ay nangangahulugan na wala silang sapat na pananampalataya o na wala silang galang sa Diyos. Gayunman, kapag binasa mo ang Bibliya, masusumpungan mong naitanong din ang mga ito ng mga taong tapat at may takot sa Diyos. Halimbawa, tinanong ni propeta Habakuk si Jehova: “Bakit mo ipinakikita sa akin yaong nakasasakit, at patuloy kang tumitingin sa kabagabagan? At bakit nasa harap ko ang pananamsam at karahasan, at bakit may pag-aaway, at bakit may hidwaan?”​—Habakuk 1:3.

Wawakasan ni Jehova ang lahat ng pagdurusa

4 Pinagalitan ba ni Jehova ang tapat na propetang si Habakuk dahil sa pagtatanong niya ng gayong mga bagay? Hindi. Sa halip, inilakip ng Diyos ang taimtim na mga salita ni Habakuk sa kinasihang ulat ng Bibliya. Tinulungan din siya ng Diyos na maunawaan nang higit ang mga bagay-bagay at magkaroon ng mas matibay na pananampalataya. Ganiyan din ang gustong gawin ni Jehova para sa iyo. Tandaan, itinuturo ng Bibliya na “siya ay nagmamalasakit sa [iyo].” (1 Pedro 5:7) Napopoot ang Diyos sa kasamaan at sa pagdurusang idinudulot nito nang higit kaysa kanino pa man. (Isaias 55:8, 9) Kung gayon, bakit labis-labis ang pagdurusa sa daigdig?

BAKIT LABIS-LABIS ANG PAGDURUSA?

5. Anu-anong dahilan kung minsan ang ibinibigay upang ipaliwanag ang pagdurusa ng tao, pero ano ba ang itinuturo ng Bibliya?

5 Tinatanong ng mga taong mula sa iba’t ibang relihiyon ang kanilang relihiyosong mga lider at guro kung bakit labis-labis ang pagdurusa. Kadalasan, ang sagot ay dahil kalooban ng Diyos ang pagdurusa at na matagal na niyang itinakda ang lahat ng magaganap, pati na ang kapaha-pahamak na mga pangyayari. Marami ang sinabihan na ang mga daan ng Diyos ay mahiwaga o nagpapasapit siya ng kamatayan sa mga tao​—maging sa mga bata—​upang makasama niya sila sa langit. Gayunman, gaya ng natutuhan mo, hindi kailanman naging sanhi ng kasamaan ang Diyos na Jehova. Sinasabi ng Bibliya: “Malayong gumawi nang may kabalakyutan ang tunay na Diyos, at na gumawi nang di-makatarungan ang Makapangyarihan-sa-lahat!”​—Job 34:10.

6. Bakit may-kamaliang isinisisi ng maraming tao sa Diyos ang pagdurusa sa daigdig?

6 Alam mo ba kung bakit may-kamaliang isinisisi ng mga tao sa Diyos ang lahat ng pagdurusa sa daigdig? Kadalasan na, sinisisi nila ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat dahil inaakala nilang siya ang tunay na tagapamahala ng sanlibutang ito. Hindi nila alam ang isang simple ngunit mahalagang katotohanan na itinuturo ng Bibliya. Natutuhan mo ang katotohanang iyan sa Kabanata 3 ng aklat na ito. Ang tunay na tagapamahala ng sanlibutang ito ay si Satanas na Diyablo.

7, 8. (a) Paano ipinakikita ng sanlibutan ang personalidad ng tagapamahala nito? (b) Paano nakaragdag sa pagdurusa ang di-kasakdalan ng tao at “ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari”?

7 Maliwanag na sinasabi ng Bibliya: “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Kung pag-iisipan mo ito, hindi ba makatuwiran naman iyan? Ipinakikita ng sanlibutang ito ang personalidad ng di-nakikitang espiritung nilalang na “nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.” (Apocalipsis 12:9) Si Satanas ay lipos ng pagkapoot, mapanlinlang, at malupit. Kaya ang sanlibutan, sa ilalim ng kaniyang impluwensiya, ay punô ng poot, panlilinlang, at kalupitan. Iyan ang isang dahilan kung bakit labis-labis ang pagdurusa.

8 Ang ikalawang dahilan ng labis-labis na pagdurusa ay ang pagiging di-sakdal at makasalanan ng sanlibutan mula nang maganap ang rebelyon sa hardin ng Eden, gaya ng tinalakay sa Kabanata 3. May tendensiya ang makasalanang mga tao na makipagtunggali upang maging angat sa iba, at nagbunga ito ng mga digmaan, paniniil, at pagdurusa. (Eclesiastes 4:1; 8:9) Ang ikatlong dahilan ng pagdurusa ay “ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari.” (Eclesiastes 9:11) Sa isang sanlibutang wala si Jehova bilang mapagsanggalang na Tagapamahala, maaaring magdusa ang mga tao dahil nagkataong nasa maling lugar sila sa maling pagkakataon.

9. Bakit tayo makatitiyak na may mabuting dahilan si Jehova sa pagpapahintulot na magpatuloy ang pagdurusa?

9 Naaaliw tayong malaman na hindi ang Diyos ang sanhi ng pagdurusa. Hindi siya ang may kagagawan ng mga digmaan, krimen, paniniil, o maging ng likas na mga kasakunaang nagiging dahilan ng pagdurusa ng mga tao. Gayunman, gusto nating malaman, Bakit kaya pinahihintulutan ni Jehova ang lahat ng pagdurusang ito? Kung siya ang Makapangyarihan-sa-lahat, may kapangyarihan siyang patigilin ito. Kung gayon, bakit ayaw niyang gamitin ang kapangyarihang iyan? Tiyak na may mabuting dahilan ang maibiging Diyos na nakilala natin.​—1 Juan 4:8.

IBINANGON ANG ISANG MAHALAGANG USAPIN

10. Ano ang kinuwestiyon ni Satanas, at paano?

10 Upang malaman natin kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa, kailangan nating balikan ang panahon nang magsimula ang pagdurusa. Nang udyukan ni Satanas sina Adan at Eva na sumuway kay Jehova, bumangon ang isang mahalagang tanong. Hindi kinuwestiyon ni Satanas ang kapangyarihan ni Jehova. Tiyak na alam ni Satanas na walang limitasyon ang kapangyarihan ni Jehova. Sa halip, kinuwestiyon ni Satanas ang karapatang mamahala ni Jehova. Sa pagtawag sa Diyos na isang sinungaling na nagkakait ng mabuti sa kaniyang mga nasasakupan, pinaratangan ni Satanas si Jehova na isang masamang tagapamahala. (Genesis 3:2-5) Ipinahiwatig ni Satanas na mas mapabubuti ang sangkatauhan kung wala ang pamamahala ng Diyos. Isa itong pagtuligsa sa soberanya o karapatang mamahala ni Jehova.

11. Bakit hindi na lamang pinuksa ni Jehova ang mga rebelde sa Eden?

11 Nagrebelde sina Adan at Eva laban kay Jehova. Sa diwa, sinabi nila: ‘Hindi namin kailangan si Jehova bilang aming Tagapamahala. Makapagpapasiya kami para sa aming sarili kung ano ang tama at kung ano ang mali.’ Paano kaya lulutasin ni Jehova ang usaping iyan? Paano niya ipababatid sa lahat ng matatalinong nilalang na ang mga rebeldeng iyon ay mali at na ang kaniyang daan ang talagang pinakamainam? Baka sabihin ng isa na dapat sana ay pinuksa na lamang ng Diyos ang mga rebelde at nagsimula na lamang muli. Ngunit nasabi na ni Jehova ang kaniyang layunin na punuin ang lupa ng mga supling nina Adan at Eva, at nais niyang mabuhay sila sa isang makalupang paraiso. (Genesis 1:28) Laging tinutupad ni Jehova ang kaniyang mga layunin. (Isaias 55:10, 11) Bukod diyan, ang pagpuksa sa mga rebelde sa Eden ay hindi makasasagot sa tanong na ibinangon hinggil sa karapatan ni Jehova na mamahala.

12, 13. Ilarawan kung bakit pinahintulutan ni Jehova si Satanas na maging tagapamahala ng sanlibutang ito at kung bakit pinahintulutan ng Diyos ang mga tao na pamahalaan ang kanilang sarili.

12 Isaalang-alang natin ang isang ilustrasyon. Ipagpalagay na ipinaliliwanag ng isang guro sa kaniyang mga estudyante kung paano bibigyan ng solusyon ang isang mahirap na problema. Isang matalino ngunit rebeldeng estudyante ang nagsabing mali ang paraan ng guro sa pagbibigay ng solusyon sa problema. Upang ipahiwatig na walang kakayahan ang guro, iginiit ng rebeldeng ito na may mas mahusay siyang paraan para mabigyan ng solusyon ang problema. Inisip naman ng ilang estudyante na tama siya, at nagrebelde rin sila. Ano ang gagawin ng guro? Kung paaalisin niya sa klase ang mga rebelde, ano ang magiging epekto nito sa ibang mga estudyante? Hindi kaya sila maniwala na tama ang kanilang kapuwa estudyante at ang mga kumampi sa kaniya? Baka mawala ang respeto ng iba pang estudyante sa guro, anupat iniisip nila na takot itong mapatunayang siya ang mali. Ngunit sabihin nating pinahintulutan ng guro ang rebelde na ipakita sa klase kung paano nito bibigyan ng solusyon ang problema.

Mas kuwalipikado ba ang estudyante kaysa sa guro?

13 Ginawa ni Jehova ang kagaya ng ginawa ng guro. Tandaan na hindi lamang ang mga rebelde sa Eden ang nasasangkot. Milyun-milyong anghel ang nagmamasid. (Job 38:7; Daniel 7:10) Ang paraan ng pagharap ni Jehova sa rebelyon ay lubhang makaaapekto sa lahat ng anghel na iyon at sa bandang huli sa lahat ng matatalinong nilalang. Kaya ano ang ginawa ni Jehova? Pinahintulutan niya si Satanas na ipakita kung paano nito pamamahalaan ang sangkatauhan. Pinahintulutan din ng Diyos ang mga tao na pamahalaan ang kanilang sarili sa ilalim ng patnubay ni Satanas.

14. Ano ang magiging kapakinabangan sa pasiya ni Jehova na pahintulutan ang mga tao na pamahalaan ang kanilang sarili?

14 Alam ng guro sa ating ilustrasyon na mali ang rebelde at ang mga estudyanteng kumampi rito. Ngunit alam din ng guro na ang pagbibigay sa kanila ng pagkakataon upang subukang patunayan ang kanilang punto ay magiging kapaki-pakinabang sa buong klase. Kapag nabigo ang mga rebelde, makikita ng lahat ng matatapat na estudyante na tanging ang guro lamang ang kuwalipikado para manguna sa klase. Mauunawaan nila kung bakit pagkatapos nito ay aalisin ng guro sa kaniyang klase ang mga rebelde. Sa katulad na paraan, alam ni Jehova na ang lahat ng tapat-pusong tao at anghel ay makikinabang kapag nakita nilang nabigo si Satanas at ang kaniyang kapuwa mga rebelde at na hindi kayang pamahalaan ng mga tao ang kanilang sarili. Gaya ni Jeremias noong sinauna, malalaman nila ang napakahalagang katotohanang ito: “Nalalaman kong lubos, O Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.”​—Jeremias 10:23.

BAKIT KAYA NAPAKATAGAL?

15, 16. (a) Bakit pinahintulutan ni Jehova na magpatuloy ang pagdurusa nang napakatagal? (b) Bakit hindi pinigilan ni Jehova ang mga bagay na gaya ng kakila-kilabot na mga krimen?

15 Gayunman, bakit pinahintulutan ni Jehova na magpatuloy ang pagdurusa nang napakatagal? At bakit hindi niya pinigilang mangyari ang masasamang bagay? Buweno, isaalang-alang ang dalawang bagay na hindi gagawin ng guro sa ating ilustrasyon. Una, hindi niya pipigilan ang rebeldeng estudyante na iharap ang solusyon nito. Ikalawa, hindi tutulungan ng guro ang rebelde na patunayan ang solusyon nito. Sa katulad na paraan, isaalang-alang ang dalawang bagay na ipinasiya ni Jehova na hindi niya gagawin. Una, hindi niya pinigilan ang pagsisikap ni Satanas at ng mga pumanig dito na patunayang tama sila. Kaya kailangang palipasin ang panahon. Sa loob ng libu-libong taon ng kasaysayan ng tao, nasubukan na ng sangkatauhan ang lahat ng anyo ng pamamahala sa sarili, o pamahalaan ng tao. Nakagawa ng ilang pagsulong ang sangkatauhan sa siyensiya at sa iba pang larangan, ngunit ang kawalang-katarungan, karalitaan, krimen, at digmaan ay lalo pang lumalala. Napatunayan na ngayon na bigo ang pamamahala ng tao.

16 Ikalawa, hindi tinulungan ni Jehova si Satanas na pamahalaan ang sanlibutang ito. Halimbawa, kung pinigilan ng Diyos ang kakila-kilabot na mga krimen, hindi ba niya pinatutunayan, sa diwa, na tama ang mga rebelde? Kung gagawin ito ng Diyos, hindi kaya maisip ng mga tao na marahil ay kaya nilang pamahalaan ang kanilang sarili nang walang kapaha-pahamak na mga resulta? Kung kikilos si Jehova sa gayong paraan, magiging kasabuwat siya sa isang kasinungalingan. Gayunman, “imposibleng magsinungaling ang Diyos.”​—Hebreo 6:18.

17, 18. Ano ang gagawin ni Jehova sa lahat ng pinsalang idinulot ng pamamahala ng tao at ng impluwensiya ni Satanas?

17 Gayunman, paano na ang lahat ng pinsalang naidulot ng matagal nang rebelyon laban sa Diyos? Dapat nating tandaan na si Jehova ay makapangyarihan-sa-lahat. Kung gayon, kaya niyang pawiin ang mga epekto ng pagdurusa ng tao, at iyan nga ang gagawin niya. Gaya ng natutuhan na natin, maisasauli sa dating kalagayan ang ating nasirang planeta kapag ginawa nang Paraiso ang lupa. Aalisin ang mga epekto ng kasalanan sa pamamagitan ng pananampalataya sa haing pantubos ni Jesus, at papawiin ang mga epekto ng kamatayan sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli. Sa gayo’y gagamitin ng Diyos si Jesus “upang sirain ang mga gawa ng Diyablo.” (1 Juan 3:8) Tutuparin ni Jehova ang lahat ng ito sa tamang panahon. Nagagalak tayo na hindi siya kumilos kaagad, sapagkat ang kaniyang pagtitiis ay nagbigay sa atin ng pagkakataong matuto ng katotohanan at mapaglingkuran siya. (2 Pedro 3:9, 10) Samantala, aktibong hinahanap ng Diyos ang taimtim na mga mananamba at tinutulungan silang batahin ang anumang pagdurusa na maaaring maranasan nila sa maligalig na sanlibutang ito.​—Juan 4:23; 1 Corinto 10:13.

18 Maaaring mag-isip ang ilan, Hindi kaya nahadlangan sana ang lahat ng pagdurusang ito kung nilalang lamang ng Diyos sina Adan at Eva sa paraang hindi sila makapagrerebelde? Para masagot ang tanong na iyan, kailangan mong alalahanin ang isang mahalagang regalo na ibinigay sa iyo ni Jehova.

PAANO MO GAGAMITIN ANG REGALO NG DIYOS?

Tutulungan ka ng Diyos na batahin ang pagdurusa

19. Anong mahalagang regalo ang ibinigay sa atin ni Jehova, at bakit natin dapat pahalagahan ito?

19 Gaya ng binanggit sa Kabanata 5, nilalang ang mga tao na may kalayaang magpasiya. Batid mo ba kung gaano kahalagang regalo iyan? Gumawa ang Diyos ng napakaraming hayop, at ang mga ito ay pangunahin nang kumikilos dahil sa instinct o likas na paggawi. (Kawikaan 30:24) Gumagawa ang tao ng mga robot na puwedeng iprograma para sundin ang bawat utos. Matutuwa kaya tayo kung ganiyan ang pagkakagawa sa atin ng Diyos? Tiyak na hindi. Natutuwa tayo dahil may kalayaan tayong pumili kung anong uri ng pagkatao ang gusto natin, kung anong landasin sa buhay ang tatahakin natin, kung sino ang magiging mga kaibigan natin, at iba pa. Nalulugod tayong magkaroon ng antas ng kalayaan, at iyan ang gusto ng Diyos na tamasahin natin.

20, 21. Paano natin magagamit sa pinakamainam na paraan ang regalo na kalayaang magpasiya, at bakit natin gugustuhing gawin iyan?

20 Hindi natutuwa si Jehova kung napipilitan lamang tayong maglingkod sa kaniya. (2 Corinto 9:7) Upang ilarawan: Ano ang higit na magpapasaya sa isang magulang​—ang pagsasabi ng isang anak ng “Mahal ko po kayo” dahil inutusan siyang sabihin ito o ang kusang pagsasabi niya nito mula sa puso? Kaya ang tanong ay, Paano mo gagamitin ang kalayaang magpasiya na ibinigay ni Jehova sa iyo? Maling-mali ang naging paggamit nina Satanas, Adan, at Eva sa kanilang kalayaang magpasiya. Itinakwil nila ang Diyos na Jehova. Ano naman kaya ang gagawin mo?

21 May pagkakataon kang gamitin ang kamangha-manghang regalo na kalayaang magpasiya sa pinakamainam na paraan. Maaari kang sumama sa milyun-milyong pumapanig kay Jehova. Pinasasaya nila ang Diyos dahil aktibo silang nakikibahagi sa pagpapatunay na si Satanas ay isang sinungaling at bigung-bigo siya bilang tagapamahala. (Kawikaan 27:11) Magagawa mo rin iyan kung pipiliin mo ang tamang landasin sa buhay. Ipaliliwanag ito sa susunod na kabanata.