APENDISE
“Kaluluwa” at “Espiritu”—Ano ba Talaga ang Kahulugan ng mga Salitang Ito?
ANO ang naiisip mo kapag narinig mo ang mga salitang “kaluluwa” at “espiritu”? Marami ang naniniwala na ang mga salitang ito ay nangangahulugan ng isang di-nakikita at imortal na bagay na umiiral sa loob natin. Iniisip nila na sa kamatayan, ang di-nakikitang bahaging ito ng isang tao ay umaalis sa katawan at nananatiling buhay. Yamang napakalaganap ng paniniwalang ito, marami ang nagugulat kapag nalaman nilang hindi pala ito itinuturo ng Bibliya. Kung gayon, ano ang kaluluwa, at ano ang espiritu, ayon sa Salita ng Diyos?
ANG PAGKAKAGAMIT NG “KALULUWA” SA BIBLIYA
Una, isaalang-alang ang kaluluwa. Maaaring natatandaan mo na ang Bibliya ay orihinal na isinulat pangunahin na sa wikang Hebreo at Griego. Nang isinusulat nila ang tungkol sa kaluluwa, ginamit ng mga manunulat ng Bibliya ang salitang Hebreo na neʹphesh o ang salitang Griego na psy·kheʹ. Ang dalawang salitang ito ay lumitaw nang mahigit na 800 ulit sa Kasulatan, at palaging isinasalin ng Bagong Sanlibutang Salin ang mga salitang ito bilang “kaluluwa.” Kung susuriin mo ang pagkakagamit ng “kaluluwa” o “mga kaluluwa” sa Bibliya, maliwanag na ang salitang ito ay pangunahin nang
tumutukoy sa (1) mga tao, (2) mga hayop, o (3) buhay ng mga tao o ng mga hayop. Isaalang-alang natin ang ilang kasulatan na nagpapakita sa tatlong magkakaibang diwa na ito.Mga tao. “Noong mga araw ni Noe . . . iilang tao, samakatuwid nga, walong kaluluwa, ang dinalang ligtas sa tubig.” (1 Pedro 3:20) Dito ang salitang “kaluluwa” ay maliwanag na kumakatawan sa mga tao—si Noe, ang kaniyang asawa, ang tatlo niyang anak na lalaki, at ang kani-kanilang asawa. Binabanggit ng Exodo 16:16 ang mga tagubilin na ibinigay sa mga Israelita may kaugnayan sa pagtitipon ng manna. Sinabi sa kanila: “Mamulot kayo niyaon . . . ayon sa bilang ng mga kaluluwa na naroroon sa tolda ng bawat isa sa inyo.” Kaya ang dami ng manna na tinitipon ay batay sa bilang ng mga tao sa bawat pamilya. Ang iba pang mga halimbawa sa Bibliya kung saan tumutukoy ang “kaluluwa” o “mga kaluluwa” sa isang tao o sa mga tao ay masusumpungan sa Genesis 46:18; Josue 11:11; Gawa 27:37; at Roma 13:1.
Mga hayop. Sa ulat ng Bibliya hinggil sa paglalang, mababasa natin: “Sinabi ng Diyos: ‘Bukalan ang tubig ng kulupon ng mga kaluluwang buháy at magliparan ang mga lumilipad na nilalang sa itaas ng lupa sa ibabaw ng kalawakan ng langit.’ At sinabi ng Diyos: ‘Bukalan ang lupa ng mga kaluluwang buháy ayon sa kani-kanilang uri, maamong hayop at gumagalang hayop at mailap na hayop sa lupa ayon sa uri nito.’ At nagkagayon nga.” (Genesis 1:20, 24) Sa tekstong ito, ang mga isda, maaamo at maiilap na hayop ay tinukoy lahat sa pamamagitan ng iisang salita—‘mga kaluluwa.’ Ang mga ibon at iba pang mga hayop ay tinatawag na mga kaluluwa sa Genesis 9:10; Levitico 11:46; at Bilang 31:28.
Buhay ng isang tao. Kung minsan ang salitang “kaluluwa” ay nangangahulugan ng buhay ng isang tao. Sinabi ni Jehova kay Moises: “Ang lahat ng tao na naghahanap sa iyong kaluluwa ay patay na.” (Exodo 4:19) Ano ang pinaghahanap ng mga kaaway ni Moises? Hinahangad nilang kitlin ang buhay ni Moises. Nauna rito, habang isinisilang ni Raquel ang kaniyang anak na si Benjamin, “[naglaho] ang kaniyang kaluluwa (sapagkat namatay siya).” (Genesis 35:16-19) Nang oras na iyon, naglaho ang buhay ni Raquel. Isaalang-alang din ang mga salita ni Jesus: “Ako ang mabuting pastol; ibinibigay ng mabuting pastol ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa mga tupa.” (Juan 10:11) Ibinigay ni Jesus ang kaniyang kaluluwa, o buhay, alang-alang sa sangkatauhan. Sa mga talatang ito ng Bibliya, ang salitang “kaluluwa” ay maliwanag na tumutukoy sa buhay ng isang tao. Makasusumpong ka pa ng maraming halimbawa ng ganitong kahulugan ng “kaluluwa” sa 1 Hari 17:17-23; Mateo 10:39; Juan 15:13; at Gawa 20:10.
Ang higit pang pag-aaral sa Salita ng Diyos ay magpapakita sa iyo na walang anumang bahagi ng Bibliya ang nag-uugnay sa mga salitang “imortal” o “walang hanggan” sa salitang “kaluluwa.” Sa halip, sinasabi ng Kasulatan na ang isang kaluluwa ay mortal, ibig sabihin ay namamatay ito. (Ezekiel 18:4, 20) Kaya naman, ang tawag lamang ng Bibliya sa isa na namatay ay “patay na kaluluwa.”—Levitico 21:11.
TINUKOY KUNG ANO ANG “ESPIRITU”
Isaalang-alang natin ngayon ang paggamit ng Bibliya sa salitang “espiritu.” Iniisip ng ilang tao na ang “espiritu” ay ibang salita lamang para sa “kaluluwa.” Ngunit hindi gayon. Nililiwanag ng Bibliya na ang “espiritu” at “kaluluwa” ay tumutukoy sa dalawang magkaibang bagay. Ano ang ipinagkaiba nila?
Ginagamit ng mga manunulat ng Bibliya ang salitang Hebreo na ruʹach o ang salitang Griego na pneuʹma kapag isinusulat ang tungkol sa “espiritu.” Ipinakikita mismo ng Kasulatan ang kahulugan ng mga salitang ito. Halimbawa, sinasabi ng Awit 104:29: “Kung aalisin mo [Jehova] ang kanilang espiritu [ruʹach], pumapanaw sila, at bumabalik sila sa alabok.” At binanggit ng Santiago 2:26 na “ang katawan na walang espiritu [pneuʹma] ay patay.” Kung gayon, sa mga talatang ito, ang “espiritu” ay tumutukoy sa isang bagay na nagbibigay-buhay sa katawan. Kung walang espiritu, ang katawan ay patay. Kaya sa Bibliya, ang salitang ruʹach ay isinasalin hindi lamang bilang “espiritu” kundi gayundin bilang “puwersa,” o puwersa ng buhay. Halimbawa, tungkol sa Baha noong panahon ni Noe, sinabi ng Diyos: “Dadalhin ko ang delubyo ng tubig sa ibabaw ng lupa upang lipulin ang lahat ng laman na may puwersa [ruʹach] ng buhay sa silong ng langit.” (Genesis 6:17; 7:15, 22) Kaya ang “espiritu” ay tumutukoy sa di-nakikitang puwersa (ang ningas ng buhay) na nagbibigay-buhay sa lahat ng nilalang na buháy.
Hindi magkapareho ang kaluluwa at espiritu. Kailangan ng katawan ang espiritu kung paanong kailangan ng radyo ang kuryente—upang gumana. Para mailarawan pa ito nang higit, isaalang-alang ang isang radyo. Kapag nilagyan mo ng mga batirya ang isang radyo at pinaandar ito, ang kuryente na nakaimbak sa mga batirya ang magbibigay-buhay sa radyo, wika nga. Subalit kung walang batirya, ang radyo ay patay. Gayundin ang mangyayari sa ibang uri ng radyo
kapag hinugot ito mula sa saksakan ng kuryente. Sa katulad na paraan, ang espiritu ang puwersa na nagbibigay-buhay sa ating katawan. Gayundin, tulad ng kuryente, ang espiritu ay walang damdamin at hindi nakapag-iisip. Isa itong puwersa na walang personalidad. Ngunit kung wala ang espiritung iyan, o puwersa ng buhay, ang ating katawan ay ‘papanaw, at babalik sa alabok,’ gaya ng sabi ng salmista.Sa pagtukoy sa kamatayan ng tao, ganito ang sabi ng Eclesiastes 12:7: “Ang alabok [ng kaniyang katawan] ay babalik sa lupa gaya ng dati at ang espiritu ay babalik sa tunay na Diyos na nagbigay nito.” Kapag nawala sa katawan ang espiritu, o puwersa ng buhay, namamatay ang katawan at bumabalik sa pinagmulan nito—ang lupa. Sa katulad na paraan, ang puwersa ng buhay ay bumabalik sa pinagmulan nito—ang Diyos. (Job 34:14, 15; Awit 36:9) Hindi naman ito nangangahulugan na ang puwersa ng buhay ay aktuwal na naglalakbay patungo sa langit. Sa halip, nangangahulugan ito na para sa isa na namatay, nakasalalay sa Diyos na Jehova ang anumang pag-asa sa buhay sa hinaharap. Nasa kamay ng Diyos ang kaniyang buhay, wika nga. Tangi lamang sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos maibabalik ang espiritu, o puwersa ng buhay, na kailangan upang mabuhay-muli ang isang tao.
Nakaaaliw ngang malaman na ito mismo ang gagawin ng Diyos para sa lahat ng mga nagpapahinga na sa “mga alaalang libingan”! (Juan 5:28, 29) Sa panahon ng pagkabuhay-muli, gagawa si Jehova ng bagong katawan para sa isang indibiduwal na natutulog sa kamatayan at bubuhayin itong muli sa pamamagitan ng paglalagay rito ng espiritu, o puwersa ng buhay. Tunay ngang magiging isang napakasayang panahon iyon!
Kung gusto mong matuto nang higit pa tungkol sa mga salitang “kaluluwa” at “espiritu” ayon sa pagkakagamit sa Bibliya, makasusumpong ka ng kapaki-pakinabang na impormasyon sa brosyur na Ano ang Nangyayari sa Atin Kapag Tayo ay Namatay? at sa pahina 100-5 at 158-62 ng aklat na Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, na parehong inilathala ng mga Saksi ni Jehova.