Dead Sea Scroll
Koleksiyon ng libo-libong sinaunang balumbon at piraso ng balumbon, partikular na ang mga natagpuan sa 11 kuweba sa Qumran, na malapit sa hilagang-kanlurang baybayin ng Dagat na Patay. (Tingnan ang QUMRAN.) Ipinapalagay na bahagi ang mga ito ng mga 930 manuskritong Judio—manuskrito ng Bibliya at sekular na mga manuskrito. Karamihan sa mga ito ay isinulat sa Hebreo; ang iba naman ay sa Aramaiko at Griego.
Ang mga dokumentong ito, na nadiskubre noong mga 1947 hanggang 1956, ay nakalagay sa mga bangang luwad at nakatago sa mga kuweba, lumilitaw na para maingatan ang mga ito. Ang mga sangkapat ng mga dokumento ay mga manuskrito ng Bibliya o mga piraso nito; mga bahagi ito ng mga aklat ng Bibliya, maliban sa Esther.
Talagang maaasahan ang mga dokumentong ito dahil sa panahon kung kailan naisulat ang mga ito. Mula pa ang mga ito noong ikatlong siglo B.C.E. hanggang unang siglo C.E. Ang isa sa mga balumbon, na gawa sa katad at naglalaman ng buong aklat ng Isaias, ay isinulat mga isang libong taon na mas maaga kaysa sa pinakamatandang tekstong Hebreo ng Isaias na natagpuan bago ito. (Tingnan sa Media Gallery, “Ang Mahabang Balumbon ng Isaias.”) Ang balumbong ito ng Isaias—pati na ang iba pang aklat ng Bibliya sa Dead Sea Scroll—ay ikinumparang mabuti sa mga manuskritong naisulat pagkaraan pa ng mga isang libong taon. Nakita sa pagkukumparang ito na tumpak ang pagkakakopya ng Bibliyang Hebreo. Kapansin-pansin din na napakadalas lumitaw ng pangalan ng Diyos sa mga manuskritong ito ng Bibliya at sekular na mga manuskrito.
May mga natagpuan ding sinaunang manuskrito sa iba pang lugar sa Disyerto ng Judea malapit sa Dagat na Patay. Ang isa sa mga lugar na ito ay ang Wadi Murabbaat, isang tuyong ilog sa timog ng Qumran. (Tingnan sa Media Gallery, “Kasulatan ng Diborsiyo” at “Nasusulat na Kasunduan sa Pagbabayad ng Utang.”) Ang isa pa ay ang Nahal Hever (Cave of Horrors) sa mas malayong timog, kung saan natagpuan ang sinaunang kopya ng mga bahagi ng Griegong Septuagint. Sa mga pirasong ito ng manuskrito ng tinatawag na mga pangalawahing propeta, makikita ang Tetragrammaton na nakasulat sa sinaunang letrang Hebreo.—Tingnan ang Ap. C3, Mat 1:20.