Manuskrito
Termino na karaniwang tumutukoy sa sinaunang mga dokumento na sulat-kamay, gaya ng mga aklat ng Bibliya. Ang salitang “manuskrito” ay mula sa Latin na manu scriptus, “sulat-kamay.”
Ang sinaunang mga manuskrito ay kadalasang gawa sa pergamino, vellum, o papiro. Ang pergamino ay karaniwang gawa sa balat ng baka, tupa, o kambing; ang vellum naman, sa balat ng napakabatang mga hayop. Ang papiro, na isang uri ng papel noon, ay gawa sa halamang papiro, partikular na mula sa ubod nito.
Matagal nang nasira ang orihinal na mga manuskrito ng Bibliya. Pero may natagpuang napakalumang mga kopya nito; ang pinakamahalaga sa mga ito ay ang mga Dead Sea Scroll ng mga aklat ng Hebreong Kasulatan. Ang ilan sa mga balumbon, kasama na ang mga piraso nito, ay mula pa noong ikatlong siglo B.C.E. Sinasabing mayroon pang mga 6,000 manuskrito ng Hebreong Kasulatan o bahagi nito na iniingatan sa iba’t ibang aklatan. Ang mga manuskrito naman ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ay nasa mga 5,300 sa wikang Griego at mga 10,000 sa Latin, bukod pa sa mga kopya nito sa ibang mga wika.