Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 24

Pinalawak ang Kaniyang Ministeryo sa Galilea

Pinalawak ang Kaniyang Ministeryo sa Galilea

MATEO 4:23-25 MARCOS 1:35-39 LUCAS 4:42, 43

  • NILIBOT NI JESUS ANG GALILEA KASAMA ANG APAT NA ALAGAD

  • NAPABALITA ANG KANIYANG PANGANGARAL AT MGA GAWA

Napakaabala ng araw ni Jesus sa Capernaum kasama ang kaniyang apat na alagad. Nang gabing iyon, dinala sa kaniya ng mga taga-Capernaum ang mga maysakit para mapagaling. Halos wala nang oras si Jesus para mapag-isa.

Kinaumagahan, habang madilim pa, bumangon si Jesus at lumabas. Pumunta siya sa isang tahimik na lugar kung saan makapananalangin siya sa kaniyang Ama nang mag-isa. Pero di-nagtagal, napansin ni “Simon at ng mga kasama nito” na wala si Jesus, kaya hinanap nila siya. Malamang na si Pedro ang nanguna sa paghahanap dahil sa bahay niya tumuloy si Jesus.—Marcos 1:36; Lucas 4:38.

Nang makita nila si Jesus, sinabi ni Pedro: “Hinahanap ka ng lahat.” (Marcos 1:37) Oo, gusto ng mga taga-Capernaum na manatili roon si Jesus. Talagang napahalagahan nila ang mga ginawa ni Jesus, kaya “pinigilan nila siyang umalis sa lugar nila.” (Lucas 4:42) Pero ang pangunahing dahilan ba kung bakit bumaba si Jesus sa lupa ay para makahimalang magpagaling? At sa lugar lang ba na ito niya kailangang gawin ang kaniyang gawain? Ano ang sinabi niya tungkol dito?

Sinabi ni Jesus sa mga alagad niya: “Pumunta tayo sa ibang lugar, sa kalapit na mga bayan, para makapangaral din ako roon, dahil ito ang dahilan kung bakit ako dumating.” Sinabi pa nga ni Jesus sa mga taong ayaw siyang paalisin: “Dapat ko ring ihayag sa ibang mga lunsod ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos dahil isinugo ako para dito.”—Marcos 1:38; Lucas 4:43.

Oo, isa sa pangunahing dahilan kung bakit bumaba si Jesus sa lupa ay para ipangaral ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. Pababanalin ng Kahariang iyon ang pangalan ng kaniyang Ama at tuluyang aalisin ang lahat ng sakit. Sa paggawa ng himala at pagpapagaling, pinatunayan ni Jesus na isinugo siya ng Diyos. Mga ilang daang taon bago nito, gumawa rin ng mga himala si Moises para patunayan na isinugo siya ng Diyos.—Exodo 4:1-9, 30, 31.

Kaya umalis si Jesus sa Capernaum para mangaral sa ibang mga lunsod. Sumama sa kaniya ang apat na alagad niya—si Pedro at ang kapatid nitong si Andres, pati na si Juan at ang kapatid nitong si Santiago. Isang linggo bago nito, inanyayahan sila ni Jesus na sumama sa kaniya sa paglalakbay.

Naging matagumpay ang paglilibot ni Jesus sa Galilea para mangaral kasama ang kaniyang apat na alagad. Sa katunayan, nakarating hanggang sa malalayong lugar ang balita tungkol kay Jesus. “Napabalita siya sa buong Sirya,” sa rehiyon ng 10 lunsod na tinatawag na Decapolis, hanggang sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan. (Mateo 4:24, 25) Si Jesus at ang mga alagad niya ay sinundan ng napakaraming tao mula sa mga lugar na iyon at sa Judea. Marami ang nagdala sa kaniya ng mga gustong gumaling. Hindi naman sila binigo ni Jesus—pinagaling niya ang mga maysakit at pinalayas ang mga demonyo mula sa mga sinasapian nito.