Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 116

Nagturo ng Kapakumbabaan Noong Huling Paskuwa

Nagturo ng Kapakumbabaan Noong Huling Paskuwa

MATEO 26:20 MARCOS 14:17 LUCAS 22:14-18 JUAN 13:1-17

  • ANG HULING PASKUWA NI JESUS KASAMA ANG MGA APOSTOL

  • HINUGASAN ANG PAA NG MGA APOSTOL PARA MAGTURO NG ARAL

Inutusan ni Jesus sina Pedro at Juan na magpunta sa Jerusalem para maghanda sa Paskuwa. Di-nagtagal, sumunod doon si Jesus at ang 10 pang apostol. Hapon na, at papalubog na ang araw nang bumaba si Jesus at ang mga kasama niya sa Bundok ng mga Olibo. Ito ang huling pagkakataon na masisilayan niya ang lunsod habang may liwanag pa.

Pagdating sa lunsod, si Jesus at ang mga kasama niya ay nagpunta sa bahay kung saan nila ipagdiriwang ang Paskuwa. Umakyat sila sa malaking silid. Nakahanda na doon ang lahat para sa hapunan. Pinananabikan ni Jesus ang okasyong ito. Sinabi niya: “Inaasam-asam ko ang sandaling ito na makasalo kayo sa hapunan ng Paskuwa bago ako magdusa.”—Lucas 22:15.

Maraming taon na ang nakalilipas mula nang idagdag ang kaugaliang pagpapasa ng mga kopa ng alak sa mga nagdiriwang ng Paskuwa. Ngayon, pagkaabot ng isang kopa kay Jesus, nagpasalamat siya sa Diyos at nagsabi: “Kunin ninyo ito at ipasa sa lahat, dahil sinasabi ko sa inyo, mula ngayon, hindi na ako muling iinom ng alak hanggang sa dumating ang Kaharian ng Diyos.” (Lucas 22:17, 18) Talagang malapit na ang kaniyang kamatayan.

Habang kumakain ng hapunan ng Paskuwa, may isang di-pangkaraniwang nangyari. Tumayo si Jesus, hinubad ang kaniyang panlabas na damit, at kumuha ng tuwalya. Naglagay siya ng tubig sa palanggana. Karaniwan nang tinitiyak ng may-ari ng bahay na mahugasan ang paa ng mga bisita, na ginagawa marahil ng isang alipin. (Lucas 7:44) Wala roon ang may-ari ng bahay, kaya si Jesus ang gumawa nito. Puwede sanang isa sa mga apostol ang gumawa nito, pero walang kumilos sa kanila. Hindi kaya may kompetisyon pa rin sa gitna nila? Anuman ang dahilan, napahiya sila nang si Jesus ang tumayo para hugasan ang mga paa nila.

Paglapit ni Jesus kay Pedro, tumutol ito: “Hinding-hindi ako papayag na hugasan mo ang mga paa ko.” Sumagot si Jesus: “Kung hindi ko huhugasan ang mga paa mo, hindi mo ako puwedeng makasama.” Sumagot si Pedro: “Panginoon, hugasan mo na rin ang mga kamay ko at ulo, hindi lang ang mga paa ko.” Malamang na nagulat siya sa isinagot ni Jesus: “Kung naligo na ang isa, malinis na siya at mga paa na lang ang kailangang hugasan. At kayo ay malilinis, pero hindi lahat.”—Juan 13:8-10.

Hinugasan ni Jesus ang mga paa ng 12 apostol, pati na ang kay Hudas Iscariote. Pagkasuot ni Jesus ng kaniyang balabal, bumalik siya sa mesa at nagtanong: “Alam ba ninyo kung bakit ko ginawa iyon? Tinatawag ninyo akong ‘Guro’ at ‘Panginoon,’ at tama kayo, dahil gayon nga ako. Kaya kung ako na Panginoon at Guro ay naghugas ng mga paa ninyo, dapat din kayong maghugas ng mga paa ng isa’t isa. Dahil nagbigay ako ng parisan para sa inyo, na kung ano ang ginawa ko sa inyo, dapat din ninyo itong gawin. Sinasabi ko sa inyo, ang alipin ay hindi mas dakila kaysa sa panginoon niya, at ang isinugo ay hindi mas dakila kaysa sa nagsugo sa kaniya. Dahil alam na ninyo ito, magiging maligaya kayo kung gagawin ninyo ito.”—Juan 13:12-17.

Napakagandang halimbawa ng kapakumbabaan! Hindi dapat magmataas ang mga tagasunod ni Jesus, o mag-isip na importante sila at dapat paglingkuran. Sa halip, dapat nilang tularan si Jesus, hindi sa pamamagitan ng anumang ritwal na paghuhugas ng paa, kundi sa pagiging handang maglingkod nang may kapakumbabaan at walang pagtatangi.