KABANATA 138
Si Kristo sa Kanan ng Diyos
-
UMUPO SI JESUS SA KANAN NG DIYOS
-
NAGING ALAGAD SI SAUL
-
MAY DAHILAN TAYO PARA MAGSAYA
Makalipas ang 10 araw pagkaakyat ni Jesus sa langit, ibinuhos ang banal na espiritu nang araw ng Pentecostes, isang katibayang si Jesus ay nasa langit na. Madaragdagan pa ang ebidensiyang ito. Bago pagbabatuhin si Esteban dahil sa kaniyang tapat na pagpapatotoo, sinabi niya: “Narito! Namamasdan kong bukás ang langit at ang Anak ng tao na nakatayo sa kanan ng Diyos.”—Gawa 7:56.
Habang nasa langit kasama ng Ama, hihintayin ni Jesus ang espesipikong utos na inihula sa Salita ng Diyos. Isinulat ni David: “Ang sinabi ni Jehova sa aking Panginoon[g Jesus] ay: ‘Umupo ka sa aking kanan hanggang sa ilagay ko ang iyong mga kaaway bilang tuntungan ng iyong mga paa.’” Kapag natapos na ang panahon ng paghihintay, si Jesus ay ‘manunupil sa gitna ng kaniyang mga kaaway.’ (Awit 110:1, 2) Pero ano ang gagawin ni Jesus sa langit habang hinihintay ang oras ng pagkilos niya laban sa mga kaaway?
Noong Pentecostes 33 C.E., naitatag ang kongregasyong Kristiyano. Mula sa langit, nagsimulang mamahala, o maghari, si Jesus sa kaniyang pinahiran-ng-espiritung mga alagad. (Colosas 1:13) Pinatnubayan niya sila sa kanilang pangangaral at inihanda sa magiging papel nila sa hinaharap. Anong papel? Ang mananatiling tapat hanggang kamatayan ay bubuhaying muli at maghaharing kasama ni Jesus sa Kaharian.
Ang isang napakagandang halimbawa ng alagad na magiging hari ay si Saul, na mas kilala sa Romanong pangalang Pablo. Isa siyang Judio na matagal nang masigasig na tagasunod ng Kautusan ng Diyos. Pero nailigaw siya ng mga Judiong lider ng relihiyon kung kaya sinang-ayunan niya ang pagpatay kay Esteban. Pagkatapos, si Saul, na “sumisilakbo pa ng pagbabanta at pagpaslang laban sa mga alagad ng Panginoon,” ay nagpunta sa Damasco. Binigyan siya ng mataas na saserdoteng si Caifas ng awtoridad na arestuhin ang mga alagad ni Jesus at ibalik sila sa Jerusalem. (Gawa 7:58; 9:1) Pero habang nasa daan, may suminag na nakakasilaw na liwanag kay Saul at natumba siya.
“Saul, Saul, bakit mo ako pinag-uusig?” ang sabi ng isang tinig na hindi niya alam kung saan galing. “Sino ka, Panginoon?” ang tanong ni Saul. “Ako ay si Jesus, na iyong pinag-uusig,” ang sagot sa kaniya.—Gawa 9:4, 5.
Inutusan ni Jesus si Saul na pumasok sa Damasco at maghintay ng tagubilin. Kinailangang akayin si Saul dahil binulag siya ng makahimalang liwanag. Sa isa pang pangitain, nagpakita si Jesus kay Ananias, isang alagad na taga-Damasco, para puntahan nito si Saul. Natakot si Ananias, pero sinabi ni Jesus: “Ang taong ito ay isang piniling sisidlan sa akin upang dalhin ang aking pangalan sa mga bansa at gayundin sa mga hari at sa mga anak ni Israel.” Naibalik ang paningin ni Saul, at sa Damasco niya “pinasimulang ipangaral si Jesus, na ang Isang ito ang Anak ng Diyos.”—Sa tulong ni Jesus, naipagpatuloy ni Pablo at ng iba pang ebanghelisador ang gawaing pangangaral na sinimulan ni Jesus. Pinagpala sila ng Diyos kaya nagtagumpay sila. Mga 25 taon matapos magpakita si Jesus kay Pablo sa daan papuntang Damasco, isinulat ni Pablo na ang mabuting balita ay naipangaral na “sa lahat ng nilalang na nasa silong ng langit.”—Colosas 1:23.
Makalipas ang ilang taon, binigyan ni Jesus si apostol Juan ng sunod-sunod na pangitain, na mababasa ngayon sa aklat ng Bibliya na Apocalipsis. Sa pamamagitan ng mga pangitaing ito, para na ring nabuhay si Juan sa panahon ng presensiya ni Jesus bilang Hari sa Kaharian, “dumating [siya] sa araw ng Panginoon.” (Apocalipsis 1:10; Juan 21:22) Kailan ito mangyayari?
Isinisiwalat ng maingat na pag-aaral sa hula ng Bibliya na ang “araw ng Panginoon” ay nagsimula sa makabagong panahon. Noong 1914, naganap ang tinatawag ngayong Digmaang Pandaigdig I. At sa sumunod na mga dekada, nagkaroon pa ng maraming digmaan, salot, taggutom, lindol, at iba pang katibayan ng malawakang katuparan ng “tanda” ng “presensiya” ni Jesus at ng “wakas” na ibinigay sa mga apostol. (Mateo 24:3, 7, 8, 14) Ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ay ginagawa ngayon, hindi lang sa mga sakop ng Imperyo ng Roma, kundi sa buong mundo.
Ginabayan si Juan ng banal na espiritu na ilarawan ang kahulugan nito: “Ngayon ay naganap na ang kaligtasan at ang kapangyarihan at ang kaharian ng ating Diyos at ang awtoridad ng kaniyang Kristo.” (Apocalipsis 12:10) Oo, ang Kaharian ng Diyos sa langit, na lubusang ipinangaral ni Jesus, ay namamahala na!
Isa ngang napakagandang balita para sa lahat ng tapat na alagad ni Jesus! Makapagtitiwala sila sa sinabing ito ni Juan: “Dahil dito ay matuwa kayo, kayong mga langit at kayo na tumatahan diyan! Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon.”—Apocalipsis 12:12.
Kaya si Jesus ay hindi na nakaupo sa kanan ng Ama at naghihintay. Namamahala na siya bilang Hari, at malapit na niyang lipulin ang lahat ng kaaway niya. (Hebreo 10:12, 13) Anong kapana-panabik na mga pagbabago ang masasaksihan natin?