Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SEKSIYON 6

Kapag Nagkaanak Na Kayo

Kapag Nagkaanak Na Kayo

“Ang mga anak ay mana mula kay Jehova.”​—Awit 127:3

Sabik na sabik at laking tuwa ng mag-asawa sa pagdating ng kanilang baby. Bilang bagong magulang, baka magulat ka na halos lahat ng panahon at lakas mo ay napupunta sa pag-aalaga ng bata. Maaaring magdulot ng tensiyon sa inyong mag-asawa ang kakulangan ng tulog at mga pagbabago sa emosyon. Kailangan ninyong mag-adjust para maalagaan ang inyong anak at maingatan ang inyong pagsasama. Paano makatutulong ang mga payo ng Bibliya para maharap ninyo ang mga hamong ito?

1 MGA HAMON SA MGA BAGONG MAGULANG

ANG SABI NG BIBLIYA: “Ang pag-ibig ay may mahabang pagtitiis at mabait.” Ito rin ay “hindi naghahanap ng sarili nitong kapakanan, hindi napupukaw sa galit.” (1 Corinto 13:4, 5) Bilang bagong nanay, natural lang na nasa anak mo ang iyong atensiyon. Pero baka madama ng mister mo na napapabayaan mo na siya. Tandaan na kailangan din niya ng atensiyon mo. Sa pagiging mabait at mapagpasensiya, maipadarama mo sa kaniya na mahalaga siya, at na kailangan mo siya sa pag-aalaga ng inyong anak.

“Kayong mga asawang lalaki, patuloy na manahanang kasama nila . . . ayon sa kaalaman.” (1 Pedro 3:7) Unawain mo na mauubos ang halos lahat ng lakas ng misis mo sa pag-aalaga ng bata. May bago siyang mga responsibilidad, at baka ma-stress siya, mapagod, o ma-depress pa nga. Kung minsan, baka mainis siya sa iyo. Pero kalmado ka lang, dahil ang “mabagal sa pagkagalit ay mas mabuti kaysa sa makapangyarihang lalaki.” (Kawikaan 16:32) Unawain siya at suportahan.​—Kawikaan 14:29.

ANG PUWEDE MONG GAWIN:

  • Ama: Tulungan ang iyong asawa sa pag-aalaga, kahit sa gabi. Bawasan ang panahon sa ibang gawain para makapaglaan ka ng mas maraming oras sa iyong mag-ina

  • Ina: Kapag gustong tumulong ng iyong asawa sa pag-aalaga, magpatulong ka. Kapag hindi niya nagawa nang tama, huwag magalit, kundi mabait na ipakita sa kaniya kung paano iyon gagawin

2 PATIBAYIN ANG INYONG UGNAYAN

ANG SABI NG BIBLIYA: “Sila ay magiging isang laman.” (Genesis 2:24) Kahit may bagong miyembro sa inyong pamilya, tandaan na “isang laman” pa rin kayong mag-asawa. Gawin ang lahat para maging matibay ang inyong ugnayan.

Mga asawang babae, pahalagahan ang tulong at suporta ng inyong asawa. Ang pagpapasalamat ninyo ay puwedeng maging “kagalingan.” (Kawikaan 12:18) Mga asawang lalaki, sabihin sa asawa ninyo kung gaano ninyo sila kamahal. Pahalagahan ang pag-aasikaso nila sa pamilya.​—Kawikaan 31:10, 28.

“Patuloy na hanapin ng bawat isa, hindi ang kaniyang sariling kapakinabangan, kundi yaong sa ibang tao.” (1 Corinto 10:24) Laging gawin ang pinakamabuti para sa iyong kabiyak. Mag-usap kayo, magbigay ng komendasyon, at pakinggan ang isa’t isa. Huwag sarili lang ang isipin pagdating sa seksuwal na ugnayan. Isipin din ang pangangailangan ng asawa mo. Sinasabi ng Bibliya: ‘Huwag pagkaitan ang isa’t isa, malibang may pinagkasunduan kayo.’ (1 Corinto 7:3-5) Kaya huwag kayong mahiyang pag-usapan ang bagay na ito. Ang pagpapasensiya at pang-unawa ay magpapatibay sa inyong ugnayan.

ANG PUWEDE MONG GAWIN:

  • Maglaan ng panahon na para sa inyong dalawa lang

  • Ipadama sa iyong asawa na mahal mo siya sa pamamagitan ng maliliit na bagay, gaya ng pagte-text, pagbibigay ng card, o simpleng regalo

3 PAGSASANAY SA INYONG BABY

ANG SABI NG BIBLIYA: “Mula sa pagkasanggol ay alam mo na ang banal na mga kasulatan, na makapagpaparunong sa iyo ukol sa kaligtasan.” (2 Timoteo 3:15) Planuhin kung paano tuturuan ang inyong baby. Kahanga-hanga ang kakayahan niyang matuto. Kahit bago pa siya ipanganak, nakikilala na niya ang boses ninyo at naaapektuhan ng inyong mga damdamin. Basahan ninyo siya habang sanggol pa. Maaaring hindi pa niya naiintindihan ang binabasa ninyo, pero matutulungan siya nitong masiyahan sa pagbabasa paglaki niya.

Huwag isipin na napakabata pa niya para marinig ang sinasabi mo tungkol sa Diyos. Iparinig sa kaniya ang mga panalangin mo kay Jehova. (Deuteronomio 11:19) Kahit naglalaro kayo, magkuwento tungkol sa mga bagay na ginawa ng Diyos. (Awit 78:3, 4) Habang lumalaki ang inyong anak, madarama niya ang pag-ibig ninyo kay Jehova at matututuhan din niyang mahalin siya.

ANG PUWEDE MONG GAWIN:

  • Espesipikong hingin sa panalangin ang karunungan sa pagsasanay sa iyong anak

  • Ulit-ulitin ang mga salita at ideya na gusto mong matutuhan niya sa murang edad pa lang