Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SEKSIYON 16

Dumating ang Mesiyas

Dumating ang Mesiyas

Ipinakilala ni Jehova si Jesus ng Nazaret bilang ang pinakahihintay na Mesiyas

TUTULUNGAN kaya ni Jehova ang mga tao na makilala ang ipinangakong Mesiyas? Oo. Tingnan natin kung ano ang ginawa ng Diyos. Mga apat na siglo na ang nakalilipas mula nang makumpleto ang pagsulat sa Hebreong Kasulatan. Sa lunsod ng Nazaret, sa hilagang rehiyon ng Galilea, nasorpresa ang dalagang si Maria nang magpakita sa kaniya ang isang anghel, si Gabriel. Sinabi nito sa kaniya na sa pamamagitan ng aktibong puwersa, o banal na espiritu ng Diyos, siya ay magdadalang-tao at magsisilang ng isang sanggol na lalaki, bagaman isa siyang birhen. Ang sanggol na ito ang pinakahihintay na Hari, ang isa na mamamahala magpakailanman! Ang batang ito ang mismong Anak ng Diyos, na ililipat Niya mula sa langit patungo sa sinapupunan ni Maria.

Mapagpakumbabang tinanggap ni Maria ang napakalaking karangalang ito. Pinakasalan siya ni Jose, ang kaniyang kasintahang karpintero, matapos isugo ng Diyos ang isang anghel para ipaliwanag dito kung bakit nagdadalang-tao si Maria. Pero paano matutupad ang hula na sa Betlehem isisilang ang Mesiyas? (Mikas 5:2) Aba, mga 140 kilometro rin ang layo ng maliit na bayang iyon mula sa Nazaret!

Nag-utos ang isang tagapamahalang Romano na kunin ang sensus ng populasyon. Kaya ang mga tao ay pinabalik sa sarili nilang bayan para magparehistro. Lumilitaw na taga-Betlehem ang pamilya nina Jose at Maria, kaya dinala roon ni Jose ang kaniyang asawang kabuwanan na. (Lucas 2:3) Nanganak si Maria sa isang kuwadra, at inihiga ang sanggol sa isang sabsaban. Pagkatapos, samantalang nasa burol ang isang grupo ng mga pastol, isang anghel ang isinugo ng Diyos para ipaalám sa mga ito na ang bagong-silang na sanggol ay ang ipinangakong Mesiyas, o Kristo.

Nang maglaon, may iba pang nagpatunay na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas. Inihula ng propetang si Isaias na may isang lalaking maghahanda ng daan para sa napakahalagang gawain ng Mesiyas. (Isaias 40:3) Ang lalaking iyon ay si Juan Bautista. Nang makita niya si Jesus, sumigaw siya: “Tingnan ninyo, ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan!” Ang ilan sa mga alagad ni Juan ay agad na sumunod kay Jesus. Sinabi ng isa sa kanila: “Nasumpungan na namin ang Mesiyas.”​—Juan 1:29, 36, 41.

May iba pang mga katibayan. Nang bautismuhan ni Juan si Jesus, si Jehova mismo ay nagsalita mula sa langit. Sa pamamagitan ng banal na espiritu, pinahiran niya si Jesus bilang ang Mesiyas at sinabi: “Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.” (Mateo 3:16, 17) Dumating na ang pinakahihintay na Mesiyas!

Kailan ito nangyari? Noong 29 C.E., sa mismong pagtatapos ng 483 taon na inihula ni Daniel. Oo, isa ito sa napakaraming katibayan na si Jesus nga ang Mesiyas, o Kristo. Pero ano ba ang mensaheng inihayag ni Jesus noong siya’y nasa lupa?

​—Batay sa Mateo kabanata 1 hanggang 3; Marcos kabanata 1; Lucas kabanata 2; Juan kabanata 1.