SEKSIYON 19
Ang Hula ni Jesus na Makaaapekto sa Buong Daigdig
Inihula ni Jesus ang mga pangyayaring bahagi ng tanda ng pagsisimula ng kaniyang paghahari at ng katapusan ng sistemang ito ng mga bagay
SA Bundok ng mga Olibo, kung saan natatanaw ang kagandahan ng Jerusalem at ng templo nito, apat sa mga apostol ni Jesus ang nagtanong sa kaniya nang sarilinan tungkol sa ilang sinabi niya. Kasasabi lang ni Jesus na mawawasak ang templo sa Jerusalem. At minsan ay binanggit din niya sa kanila ang tungkol sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 13:40, 49) Kaya nagtanong ang mga apostol: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?”—Mateo 24:3.
Sa sagot ni Jesus, sinabi niya kung ano ang mangyayari bago mawasak ang Jerusalem. Pero ang hulang ito ay may katuparan din sa ngayon at apektado nito ang buong daigdig. Inihula ni Jesus ang tungkol sa maraming pangyayari at kalagayan sa daigdig na bubuo ng isang tanda. Sa pamamagitan ng tandang iyan, makikita ng mga tao sa lupa na nagsimula nang maghari si Jesus sa langit. Magpapahiwatig ito na iniluklok na ng Diyos na Jehova si Jesus bilang Hari ng pinakahihintay na Mesiyanikong Kaharian. Ang tandang ito ay mangangahulugang malapit nang alisin ng Kaharian ang masasama at magkakaroon na ng tunay na kapayapaan sa buong sangkatauhan. Kung gayon, ang mga inihula ni Jesus ay magiging tanda ng mga huling araw ng lumang sistemang ito ng mga bagay—ng relihiyon, pulitika, at lipunan sa ngayon—at ng pagsisimula naman ng isang bagong sanlibutan.
Sa kaniyang paliwanag tungkol sa mangyayari sa lupa sa panahon ng kaniyang paghahari sa langit, sinabi ni Jesus na magkakaroon ng digmaan, kakapusan sa pagkain, malalakas na lindol, at iba’t ibang sakit sa buong daigdig. Lalaganap ang kasamaan. Ipangangaral ng tunay na mga alagad ni Jesus ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa buong lupa. Ang lahat ng ito ay magwawakas sa “malaking kapighatian” na hindi pa nangyayari kahit kailan.—Mateo 24:21.
Paano malalaman ng mga tagasunod ni Jesus na malapit na ang kapighatiang iyon? “Matuto kayo . . . mula sa puno ng igos,” ang sabi ni Jesus. (Mateo 24:32) Kapag nagkakadahon na ang mga sanga ng puno ng igos, ibig sabihin, malapit na ang tag-init. Sa gayunding paraan, kapag nangyayari na ang lahat ng inihula ni Jesus sa loob ng isang yugto ng panahon, ibig sabihin, malapit na ang wakas. Walang nakaaalam ng eksaktong araw at oras ng pagsisimula ng malaking kapighatian kundi ang Ama lamang. Kaya naman pinayuhan ni Jesus ang kaniyang mga alagad: “Manatiling gising, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang panahon.”—Marcos 13:33.
—Batay sa Mateo kabanata 24 at 25; Marcos kabanata 13; Lucas kabanata 21.
^ par. 14 Para sa higit pang pagtalakay sa hula ni Jesus, tingnan ang kabanata 9 ng aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.