SEKSIYON 17
Nagturo si Jesus Tungkol sa Kaharian ng Diyos
Maraming itinuro si Jesus sa kaniyang mga alagad, pero isang paksa ang idiniin niya—ang Kaharian ng Diyos
ANO ba ang naging misyon ni Jesus sa lupa? Sinabi niya mismo: “Dapat kong ipahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat sa dahilang ito ako isinugo.” (Lucas 4:43) Tingnan natin ang apat na bagay na itinuro ni Jesus tungkol sa Kaharian, ang pangunahing paksa ng kaniyang pangangaral.
1. Si Jesus ang itinalagang Hari. Tuwirang sinabi ni Jesus na siya ang ipinangakong Mesiyas. (Juan 4:25, 26) Ipinakita rin niyang siya ang Haring nakita ni propeta Daniel sa pangitain. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol na balang-araw, siya ay uupo sa “maluwalhating trono” at na sila man ay uupo rin sa mga trono. (Mateo 19:28) Tinukoy niya ang grupong ito ng mga tagapamahala bilang kaniyang “munting kawan,” at sinabi rin niyang mayroon siyang “ibang mga tupa” na hindi bahagi ng grupong iyon.—Lucas 12:32; Juan 10:16.
2. Magtataguyod ng tunay na katarungan ang Kaharian ng Diyos. Ipinahiwatig ni Jesus na aalisin ng Kaharian ang pinakagrabeng kawalang-katarungan na ginawa ni Satanas—ang paglapastangan sa pangalan ng Diyos na Jehova. Pababanalin ng Kaharian ang pangalan ng Diyos sa pamamagitan ng paglilinis dito mula sa lahat ng paninirang ginawa ni Satanas mula pa noong magrebelde sina Adan at Eva. (Mateo 6:9, 10) Ipinakita ni Jesus na pantay-pantay ang tingin niya sa mga tao, anupat tinuturuan niya ang lahat—lalaki man o babae, mayaman man o mahirap. Bagaman ang pangunahing misyon niya ay ang magturo sa mga Israelita, sinikap din niyang tulungan ang mga Samaritano at mga Gentil, o mga di-Judio. Di-gaya ng mga lider ng relihiyon noong panahon niya, hindi siya kumampi ni nagpakita man ng paboritismo kaninuman.
3. Hindi magiging bahagi ng sanlibutan ang Kaharian ng Diyos. Si Jesus ay nabuhay sa panahon ng malaking kaguluhan sa pulitika. Ang kaniyang bayang sinilangan ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng ibang bansa. Gayunman, nang tangkain ng mga tao na isangkot siya sa pulitika, umiwas siya. (Juan 6:14, 15) Sinabi niya sa isang pulitiko: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.” (Juan 18:36) Sa kaniyang mga tagasunod naman ay sinabi niya: “Hindi kayo bahagi ng sanlibutan.” (Juan 15:19) Hindi niya sila pinayagang gumamit ng mga sandatang pandigma, kahit na para ipagtanggol siya.—Mateo 26:51, 52.
“Naglakbay siya . . . sa bawat nayon, na ipinangangaral at ipinahahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos.”—Lucas 8:1
4. Ang pamamahala ni Kristo ay nakasalig sa pag-ibig. Ipinangako ni Jesus na pagiginhawahin niya ang mga tao at pagagaanin ang kanilang mga pasanin. (Mateo 11:28-30) Tinupad niya ang kaniyang sinabi. Nagbigay siya ng maibigin at praktikal na mga payo para maharap ang kabalisahan, mapabuti ang mga ugnayan, malabanan ang materyalismo, at maging maligaya. (Mateo, kabanata 5-7) Dahil maibigin siya, madali siyang lapitan. Naging malapít sa kaniya ang mga tao dahil alam nilang anuman ang kanilang kalagayan sa buhay, pakikitunguhan niya sila nang may kabaitan at dangal. Kitang-kita na magiging isang napakabuting Tagapamahala si Jesus!
Isa pang napakabisang paraan ang ginamit ni Jesus sa kaniyang pagtuturo tungkol sa Kaharian ng Diyos. Gumawa siya ng maraming himala. Bakit? Tingnan natin.