Liham Mula sa Lupong Tagapamahala
Mahal Naming mga Kapatid:
Sa unang labas ng edisyong pampubliko ng Ang Bantayan, isyu ng Enero 1, 2008, sinimulan ang kawili-wiling serye ng mga artikulo na pinamagatang “Tularan ang Kanilang Pananampalataya.” Mula noon, isang bagong artikulo sa seryeng iyon ang inilalathala tuwing ikatlong buwan, na ikinatuwa naman natin!
Ano ang naging pagtugon sa seryeng ito? Matapos mabasa ang artikulo tungkol kay Marta, isang babae ang sumulat: “Natawa ako nang mabasa ko ito dahil parehung-pareho kami—laging gustong mag-istima ng mga bisita at maraming ginagawa, pero kung minsan ay nakakalimutan ko na kailangan ko ring huminto at masiyahan sa pakikisama sa mga kaibigan.” Isang tin-edyer ang nagsabi tungkol sa kuwento ni Esther: “Naiintindihan ko na kung minsan, baka puro damit at uso na lang ang iniisip natin. Dapat tayong manamit nang maayos; pero ayaw naman nating mapasobra.” Sinabi pa niya: “Ang panloob na pagkatao natin ang tinitingnan ni Jehova.” At may-pananabik namang sinabi ng isang sister ang reaksiyon niya sa artikulo tungkol kay apostol Pedro: “Damang-dama ko ang mensahe ng kuwento. Parang nandoon din ako! Sinikap kong damhin ang ipinahihiwatig ng mga ulat.”
Pinatutunayan ng mga mambabasang ito—at ng marami pang iba na sumulat para sabihing pinahahalagahan nila ang serye—ang isinulat ni apostol Pablo: “Ang lahat ng bagay na isinulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo.” (Roma 15:4) Oo, ang mga kuwentong ito ay ipinasulat ni Jehova sa Bibliya para turuan tayo ng mahahalagang aral. Lahat tayo ay may matututuhan sa mga ito, gaano man tayo katagal sa katotohanan.
Pinasisigla namin kayong basahin agad ang aklat na ito. Isama ito sa inyong programa ng Pampamilyang Pagsamba—magugustuhan ito ng mga bata! Kapag pinag-aralan ito ng kongregasyon sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya, tiyaking makadalo linggu-linggo! Huwag madaliin ang pagbabasa, at unawain itong mabuti. Gamitin ang inyong imahinasyon; damhin ang sinasabi sa kuwento. Sikaping damhin ang nadarama ng mga tauhan sa Bibliya at tingnan ang nakikita nila. Ihambing ang reaksiyon nila sa sitwasyon sa malamang na magiging reaksiyon ninyo roon.
Nagagalak kaming ilaan sa inyo ang publikasyong ito. Maging pagpapala nawa ito sa iyo at sa iyong pamilya. Mahal na mahal namin kayo at tanggapin ninyo ang aming mainit na pagbati,
Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova