Unang Liham sa mga Taga-Corinto 10:1-33

10  Ngayon, mga kapatid, gusto kong malaman ninyo na ang mga ninuno natin ay lumakad sa ilalim ng ulap+ at lahat ay tumawid sa dagat+ 2  at lahat ay nabautismuhan habang sumusunod kay Moises sa pamamagitan ng ulap at ng dagat, 3  at lahat ay kumain ng iisang espirituwal na pagkain*+ 4  at lahat ay uminom ng iisang espirituwal na inumin.*+ Dahil umiinom sila noon mula sa espirituwal na bato na malapit* sa kanila, at ang batong iyon ay kumakatawan sa Kristo.+ 5  Pero hindi nalugod ang Diyos sa karamihan sa kanila, at ang pagkamatay nila sa ilang ang nagpapatunay nito.+ 6  Nagsilbing halimbawa para sa atin ang mga iyon para hindi tayo magnasa ng nakapipinsalang mga bagay gaya nila.+ 7  Huwag tayong sumamba sa idolo, tulad ng ilan sa kanila; gaya ng nasusulat: “Umupo ang bayan para kumain at uminom. At tumayo sila para magsaya.”+ 8  Huwag tayong mamihasa sa seksuwal na imoralidad, gaya ng ilan sa kanila na nagkasala ng seksuwal na imoralidad, kung kaya 23,000 sa kanila ang namatay sa isang araw.+ 9  Huwag din nating susubukin si Jehova,+ gaya ng ilan sa kanila na sumubok sa kaniya, kung kaya nalipol sila sa pamamagitan ng mga ahas.+ 10  Huwag din tayong magbulong-bulungan,+ gaya ng ginawa ng ilan sa kanila,+ kung kaya nilipol sila ng tagapuksa.+ 11  Ngayon ang mga bagay na ito na nangyari sa kanila ay nagsisilbing halimbawa at isinulat para maging babala sa atin+ na nabubuhay sa wakas ng sistemang ito.+ 12  Kaya ang sinumang nag-iisip na nakatayo siya ay dapat mag-ingat para hindi siya mabuwal.+ 13  Anumang tuksong dumating sa inyo ay nararanasan din ng ibang tao.+ Pero ang Diyos ay tapat, at hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo,+ kundi gagawa siya ng daang malalabasan para matiis* ninyo ang tukso.+ 14  Kaya nga, mga minamahal ko, tumakas kayo mula sa idolatriya.+ 15  Kayo ay mga taong may unawa, kaya kayo ang magpasiya kung tama ang sinasabi ko. 16  Kapag umiinom tayo mula sa kopa ng pagpapala na ipinagpapasalamat natin, hindi ba nakikibahagi tayo sa dugo ng Kristo?+ Kapag kinakain natin ang tinapay na pinagpipira-piraso natin, hindi ba nakikibahagi tayo sa katawan ng Kristo?+ 17  Dahil iisa lang ang tinapay, tayo rin ay iisang katawan lang kahit marami tayo,+ dahil nakikibahagi tayong lahat sa iisang tinapay na iyon. 18  Alalahanin ninyo ang mga Israelita: Kapag kinakain nila ang mga inihandog sa altar, hindi ba parang kumakain silang kasama ng Diyos?+ 19  Kaya ano ang ibig kong sabihin? Na ang inihahandog sa idolo ay may kabuluhan, o na ang isang idolo ay may kabuluhan?+ 20  Hindi; ang ibig kong sabihin, ang inihahandog ng mga bansa ay inihahandog nila sa mga demonyo at hindi sa Diyos;+ at ayokong makisama kayo sa mga demonyo.+ 21  Hindi kayo puwedeng uminom sa kopa ni Jehova at sa kopa ng mga demonyo; hindi kayo puwedeng kumain sa “mesa ni Jehova”+ at sa mesa ng mga demonyo. 22  ‘Pinagseselos ba natin si Jehova’?+ Mas malakas ba tayo kaysa sa kaniya? 23  Lahat ng bagay ay ipinapahintulot ng kautusan, pero hindi lahat ay kapaki-pakinabang.+ Lahat ng bagay ay ipinapahintulot ng kautusan, pero hindi lahat ay nakapagpapatibay.+ 24  Patuloy na unahin ng bawat isa ang kapakanan ng ibang tao, hindi ang sarili niya.+ 25  Kainin ninyo ang anumang ibinebenta sa pamilihan ng karne nang hindi nagtatanong dahil sa inyong konsensiya, 26  dahil “kay Jehova ang lupa at ang lahat ng narito.”+ 27  Kung imbitahan kayo ng isang di-sumasampalataya at gusto ninyong pumunta, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo nang hindi nagtatanong dahil sa inyong konsensiya. 28  Pero kung may magsabi sa inyo, “Inihandog ito sa mga idolo,” huwag kayong kumain alang-alang sa nagsabi nito at dahil sa konsensiya.+ 29  Ang tinutukoy ko ay hindi ang konsensiya ninyo kundi ang sa ibang tao. Dahil bakit ko gagamitin ang kalayaan ko kung hahatulan naman ako ng konsensiya ng iba?+ 30  Kahit na ipinagpapasalamat ko ang kinakain ko, tama pa rin bang kumain ako kung may masasabing masama sa akin ang iba?+ 31  Kaya kumakain man kayo o umiinom o anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikaluluwalhati ng Diyos.+ 32  Iwasan ninyong maging katitisuran sa mga Judio, pati na sa mga Griego at sa kongregasyon ng Diyos,+ 33  kagaya ko rin na nagsisikap na palugdan sa lahat ng bagay ang lahat ng tao at inuuna ang kapakanan ng marami sa halip na ang sa akin,+ nang sa gayon ay maligtas sila.+

Talababa

O “iisang pagkain na mula sa Diyos.”
Lit., “sumusunod.”
O “iisang inumin na mula sa Diyos.”
O “mabata.”

Study Notes

lumakad sa ilalim ng ulap at lahat ay tumawid sa dagat: Ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang malaking himalang nangyari nang umalis ang mga Israelita sa Ehipto noong panahon ni Moises. Pinaurong ni Jehova ang tubig ng Dagat na Pula at ginawang gaya ng mga pader sa magkabilang panig ng mga Israelita para makalakad sila sa tuyong sahig ng dagat. (Exo 14:21, 22, 29) Pinrotektahan sila ni Jehova gamit ang isang haligi ng ulap, na pumupuwesto sa ibabaw at sa likuran nila. (Exo 14:19, 24) Kaya ang mga Israelita ay lumakad “sa ilalim ng ulap” at “tumawid sa dagat.”

nabautismuhan habang sumusunod kay Moises: O “inilubog habang sumusunod kay Moises.” Ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang makasagisag na pagbabautismo, o paglulubog, sa kongregasyon ng Israel. Dito, ipinapakita ng salitang Griego na ba·ptiʹzo na ang mga ninuno ng Israel ay ipinagkatiwala ng Diyos sa pinili niyang lider na si Moises. Si Jehova ang nagbautismo sa kanila sa pamamagitan ng anghel niya. Habang naglalakad pasilangan ang mga Israelita sa sahig ng Dagat na Pula, napapalibutan sila ng tubig at itinatago ng ulap mula sa hukbo ng Paraon na humahabol sa kanila. At makasagisag silang iniahon ng Diyos sa tubig nang makarating sila sa silangang baybayin bilang isang malayang bansa. (Exo 14:19, 22, 24, 25) Para maganap ang bautismong ito, kailangang makiisa ng mga Israelita kay Moises at sundan siya sa pagtawid sa dagat.

bato: Ang salitang Griego na peʹtra na nasa kasariang pambabae ay isinasaling “bato” at puwedeng tumukoy sa batong sahig o malaking bato. Lumitaw din ang salitang Griegong ito sa Mat 7:24, 25; 16:18; 27:60; Luc 6:48; 8:6; Ro 9:33; 1Pe 2:8. (Tingnan ang study note sa Mat 16:18.) Sa di-bababa sa dalawang pagkakataon at sa dalawang magkaibang lugar, makahimalang nakatanggap ang mga Israelita ng tubig mula sa bato. (Exo 17:5-7; Bil 20:1-11) Kaya para bang “sumusunod” (lit.) sa kanila ang bato, dahil lagi silang napaglalaanan nito ng tubig. Ang batong ito ay sumasagisag sa Kristo, na nagsabi sa mga Judio: “Kung ang sinuman ay nauuhaw, pumunta siya sa akin para uminom.”—Ju 7:37.

ay kumakatawan sa: O “ay ang.” Ang anyo ng pandiwang Griego na ginamit dito ay nangangahulugang “kumakatawan; nangangahulugan.”—Ihambing ang study note sa Mat 26:26.

halimbawa: Ang anyong pangmaramihan ng salitang Griego na tyʹpos sa kontekstong ito ay puwede ring isaling “babalang halimbawa” o “aral.” Dito at sa sumunod na mga talata, binanggit ni Pablo ang ilang pangyayari sa kasaysayan ng bayan noon ng Diyos na puwedeng magsilbing babalang halimbawa sa mga Kristiyano.

para hindi tayo magnasa ng nakapipinsalang mga bagay: Ang mga Israelita ay ‘nagnasa ng nakapipinsalang mga bagay,’ o “ng masasamang bagay,” gaya ng pagkakasalin dito ng ilang Bibliya, dahil hindi nila pinahalagahan ang mabubuting bagay na inilaan ni Jehova. Halimbawa, paulit-ulit na hinamak ng mga Israelita ang manna, na makahimalang inilaan sa kanila. (Bil 11:4-6; 21:5) At kitang-kita ang kawalan nila ng utang na loob nang magpadala si Jehova ng maraming pugo para makain nila; naging sakim sila at sobra-sobra ang kinuha nila. Wala naman talagang problema sa pugo, pati na sa puero, sibuyas, at pipino, na gustong-gusto ng mga Israelita. (Bil 11:19, 20, 31-34) Pero dahil sa kasakiman at pagkamakasarili nila, naging ‘nakapipinsala’ at ‘masama’ ang mga ito, gaya ng sinabi ni Pablo.

Huwag tayong sumamba sa idolo, tulad ng ilan sa kanila: Ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang pagkakataong sumamba ang mga Israelita sa gintong guya sa paanan ng Bundok Sinai. (Exo 32:1-6) Tuwiran silang sumuway sa utos ni Jehova laban sa masamang gawaing ito, kahit sumumpa silang susundin nila ito mga ilang linggo pa lang ang nakakalipas. (Exo 20:4-6; 24:3) Lumilitaw na hindi naman nila gustong itakwil si Jehova bilang Diyos; tinawag pa nga ni Aaron ang pagdiriwang na ito na “kapistahan para kay Jehova.” Pero pinaghalo ng mga Israelita ang pagsamba kay Jehova at ang idolatriya.

mamihasa sa seksuwal na imoralidad . . . nagkasala ng seksuwal na imoralidad: Noong malapit nang makapasok ang mga Israelita sa Lupang Pangako, inakit ng mga babaeng Moabita ang libo-libo sa kanila na gumawa ng seksuwal na imoralidad at makibahagi sa maruming pagsamba sa Baal ng Peor sa Sitim sa Kapatagan ng Moab.—Bil 25:1-3, 9; tingnan ang study note sa 1Co 5:1.

23,000 sa kanila ang namatay sa isang araw: Lumilitaw na ang tinutukoy ni Pablo ay ang pangyayari sa Bil 25:9, at ginamit niya ito bilang matinding babala laban sa seksuwal na imoralidad. (Tingnan ang study note sa 1Co 5:9.) Dahil binanggit sa Bil 25:9 na “ang namatay sa salot ay 24,000,” sinasabi ng ilan na hindi magkatugma ang ulat na ito at ang sinabi ni Pablo. Pero maliwanag na sinabi ni Pablo na ang binanggit niyang bilang ay namatay “sa isang araw” lang, kaya malamang na 23,000 ang direktang namatay sa salot. Ang mga “nanguna” sa kanila ay pinatay ng mga hukom pagkatapos ng salot. (Bil 25:4, 5) Posibleng ang ulat sa Bilang ay tumutukoy sa lahat ng namatay, kasama na ang mga taong nanguna, na pinanagot ng Diyos sa kasalanan ng bayan.

Huwag din nating susubukin si Jehova: Lumilitaw na nasa isip dito ni Pablo ang iba’t ibang pagkakataon na sinubok ng mga Israelita si Jehova sa ilang, gaya ng nakaulat sa Exo 16:2, 3; 17:2, 3, 7; at Bil 14:22. Sa ikalawang bahagi ng talatang ito, ipinapaalala ni Pablo ang isang partikular na pagkakataon nang sabihin niyang gaya ng ilan sa kanila na sumubok sa kaniya, kung kaya nalipol sila sa pamamagitan ng mga ahas. Ang ulat na ito ay nasa Bil 21:5, 6, kung saan mababasa na “ang bayan ay patuloy na nagsalita laban sa Diyos at kay Moises” at “nagpadala si Jehova sa bayan ng makamandag na mga ahas.” Posibleng naalala rin ni Pablo ang Aw 78:18, kung saan sinabi ng salmista na ‘hinamon [lit., “sinubok”] ng mga Israelita ang Diyos sa puso nila.’—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; 1Co 10:9.

Huwag din tayong magbulong-bulungan, gaya ng ginawa ng ilan sa kanila: Ang mga Israelita ay nagbulong-bulungan, o nagreklamo, laban kay Jehova sa maraming pagkakataon. Halimbawa, galit na galit sila kina Moises at Aaron nang mag-ulat ng negatibo ang 10 sa 12 espiya na isinugo para matyagan ang lupain ng Canaan. Gusto pa nga nilang palitan si Moises bilang lider at bumalik na lang sa Ehipto. (Bil 14:1-4) Pagkatapos, “nagsimulang magbulong-bulungan ang buong bayan” dahil sa pagpatay sa mga rebeldeng sina Kora, Datan, at Abiram at sa mga kumampi sa kanila. Lumilitaw na iniisip ng mga nagbubulong-bulungan na hindi makatarungan ang pagpatay sa mga taong iyon, at marami ang naapektuhan ng mapagreklamong saloobin nila. Kaya nagpadala si Jehova ng salot na pumatay sa 14,700 Israelita. (Bil 16:41, 49) Para kay Jehova, ang pagbubulong-bulungan nila laban sa mga kinatawan niya ay pagbubulong-bulungan laban mismo sa kaniya.—Bil 17:5.

halimbawa: O “babalang halimbawa.”—Tingnan ang study note sa 1Co 10:6.

nabubuhay sa wakas ng sistemang ito: Binanggit ni apostol Pablo ang maraming pangyayari sa kasaysayan ng Israel (1Co 10:1-10) hanggang sa wakas ng sistema, o kalakaran, noong panahon niya. (Tingnan sa Glosari, “Sistema.”) Ang “sistemang” iyon ay may kaugnayan sa tipang Kautusan at kasama rito ang sumusunod: pagkasaserdote, alituntunin sa paghahandog at pagkain, kaayusan sa pagsamba sa tabernakulo at templo na may kasamang mga kapistahan at sabbath, at kaayusan ng pamamahala sa bansa, na nang maglaon ay pinamunuan ng mga taong hari. Marami sa mga pagkakakilanlan ng sistema, o panahon, ng mga Israelita o Judio ay lubusan lang na nagwakas noong 70 C.E. Noong panahong iyon, winasak ang Jerusalem at ang templo nito, kaya permanente nang natapos ang pagkasaserdote, paghahandog, at pagsamba sa templo ng mga Judio, na nakasaad sa Kautusan. Nangalat din sa mga bansa ang mga Judio, ang dating piniling bayan ng Diyos, kaya natupad ang hula ni Jesus sa Luc 21:24 at ang sinabi ni Pablo tungkol sa ‘wakas ng [Judiong] sistema.’

ang inihahandog ng mga bansa ay inihahandog nila sa mga demonyo: Sa naunang talata, nilinaw ni Pablo na walang kabuluhan ang isang idolo. Pero mapanganib ang pagsamba sa idolo dahil sa isa na nasa likod nito. Lumilitaw na sinipi dito ni Pablo ang Deu 32:17, o ito ang nasa isip niya. Kahawig din nito ang sinasabi sa Aw 106:36, 37. Sinabi ni Jesus na ang nasa likod ng lahat ng pagsamba sa mga idolo ay si Satanas, “ang pinuno ng mga demonyo.” (Mat 12:24-26) Kaya kapag naghahandog ang mga bansa sa mga idolo o diyos-diyusan, mga demonyo talaga ang sinasamba nila. Bukod diyan, bilang bahagi ng seremonya, madalas na kinakain ng mga mananamba ang ilang parte ng inihandog nilang karne. Kaya para bang kasalo nila sa pagkain ang mga diyos nila, at nagkakaroon sila ng malapít na kaugnayan sa mga demonyo.

kopa ni Jehova: Sa talata 16, binanggit ni Pablo ang tungkol sa kopa ng alak na sumasagisag sa dugo ni Kristo sa Hapunan ng Panginoon. (1Co 10:16) Tinawag niya ang kopang ito na “kopa ng pagpapala na ipinagpapasalamat natin.” Nang pasimulan ni Jesus ang hapunang ito, bumigkas siya ng pagpapala, o nanalangin siya, bago ipasa ang kopa sa mga alagad niya. (Mat 26:27, 28; Luc 22:19, 20) Kaya ang mga nagdaraos ng hapunang ito ay bumibigkas ng pagpapala, o nananalangin, bago uminom sa kopang ito. Pero si Jehova ang pinagmumulan ng lahat ng mabubuting bagay na tinatanggap ng mga Kristiyano, kasama na ang haing pantubos ni Jesus; kay Jehova iniharap ni Jesus ang handog niya; si Jehova ang nagpasiya kung paano gagamitin ang pantubos; at si Jehova ang humula at nagtatag sa bagong tipan. (Jer 31:31-34) Kaya tama lang na tawagin itong “kopa ni Jehova.”—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; 1Co 10:21a.

kopa ng mga demonyo . . . mesa ng mga demonyo: Ang Hapunan ng Panginoon ay pinagsalo-saluhan ni Jesus at ng mga alagad niya, gaya ng haing pansalo-salo sa Israel noon na sa diwa ay pinagsasaluhan ng naghandog at ni Jehova. (Lev 3:1-16; 7:28-36; 1Co 10:16) Sa katulad na paraan, kapag kumain ang mga Kristiyano ng karneng inihandog sa idolo kasama ng mga mananamba nito, para bang kasalo rin nila ang mga demonyo. Ang isang Kristiyano ay hindi puwedeng makibahagi sa Hapunan ng Panginoon at kasabay nito, makisalo sa pagkaing inihandog sa diyos ng mga pagano.

mesa ni Jehova: Ang ekspresyong ito ay pinaniniwalaang sinipi o kinuha sa Mal 1:7, 12, kung saan tinawag na “mesa ni Jehova” ang altar sa templo niya. Tinatawag itong “mesa” dahil ang mga handog dito ay ikinukumpara sa “pagkain [lit., “tinapay”].” (Mal 1:7; tlb.; Eze 41:22) Kapag kumakain ang mga Israelita ng bahagi ng haing pansalo-salo sa Diyos, para nilang nakakasalo ang Diyos, dahil ang altar ay kumakatawan sa Diyos.—Tingnan ang study note sa kopa ni Jehova sa talatang ito at introduksiyon sa Ap. C3; 1Co 10:21b.

‘Pinagseselos ba natin si Jehova’?: Binababalaan ni Pablo ang mga Kristiyano na huwag galitin at pagselosin si Jehova sa pamamagitan ng pakikibahagi sa anumang anyo ng idolatriya. Kinuha ito ni Pablo sa Deu 32:21, pero hindi niya ito direktang sinipi. Makikita sa konteksto (Deu 32:19-21) na si Jehova ang nagsabi: “Ginalit [o “Pinagselos,” tlb.] nila ako dahil sa pagsamba sa hindi naman diyos.”—Para sa paliwanag kung bakit ginamit ang pangalan ng Diyos sa talatang ito, tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; 1Co 10:22.

ipinapahintulot ng kautusan: Tingnan ang study note sa 1Co 6:12.

Kainin ninyo ang anumang ibinebenta sa pamilihan ng karne: Hindi lang karne at isda ang ibinebenta sa “pamilihan ng karne” (sa Griego, maʹkel·lon), kundi ibang pagkain din. Minsan, ang sobrang karne sa templo ay ibinebenta sa mga negosyante na magbebenta naman nito sa mga tindahan nila. Wala nang kaugnayan sa pagsamba ang mga karneng ito na ibinebenta sa pamilihan; gaya na lang ito ng ibang karne. Hindi dapat ituring ng mga Kristiyano na masama o kontaminado ang mga karneng galing sa templo. Puwede nilang bilhin ito basta napatulo nang maayos ang dugo nito.—Tingnan ang study note sa 1Co 8:1, 4.

Jehova: Sa pagsiping ito sa Aw 24:1, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.—Tingnan ang Ap. C1 at C2.

dahil sa konsensiya: Sa ilang mas bagong manuskritong Griego at sinaunang salin, idinagdag ang sumusunod: “Dahil sa Panginoon ang lupa at ang lahat ng narito.” Mababasa ito sa ilang makabagong salin. Pero sa maraming maaasahan at sinaunang manuskrito, hindi mababasa ang pananalitang ito sa talata 28. Lumilitaw na hindi ito bahagi ng orihinal na teksto. Kahawig ito ng nasa 1Co 10:26, kung saan walang pag-aalinlangan na lumitaw ang pananalitang ito sa tekstong Griego.—Tingnan ang Ap. A3; tingnan ang study note sa 1Co 10:26.

kongregasyon ng Diyos: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, iba-iba ang pagkakagamit sa salitang Griego na ek·kle·siʹa, na madalas isaling “kongregasyon.” (Tingnan sa Glosari, “Kongregasyon.”) Minsan, tumutukoy ito sa lahat ng pinahirang Kristiyano. (Mat 16:18; Heb 2:12; 12:23) Pero sa kontekstong ito, mas espesipiko ang pagkakagamit ni Pablo sa terminong ito. Pinayuhan niya ang mga Kristiyano na ‘iwasang maging katitisuran’ sa mga miyembro ng “kongregasyon ng Diyos,” o sa mga kapuwa nila Kristiyano noong panahong iyon na posibleng matisod sa ginagawa nila.

Media