Unang Liham sa mga Taga-Corinto 8:1-13

8  Ngayon may kinalaman sa pagkaing inihandog sa mga idolo:+ Totoo, may kaalaman tayong lahat tungkol dito.+ Ang kaalaman ay nagpapalaki ng ulo, pero ang pag-ibig ay nagpapatibay.+ 2  Kung iniisip ng sinuman na alam na niya ang lahat tungkol sa isang bagay, akala lang niya iyon. 3  Pero kung iniibig ng sinuman ang Diyos, kilala niya siya. 4  Kung tungkol sa pagkain ng mga pagkaing inihandog sa mga idolo, alam natin na walang halaga ang idolo+ at na iisa lang ang Diyos.+ 5  Dahil kahit may tinatawag na mga diyos, sa langit man o sa lupa,+ at maraming “diyos” at “panginoon” ang mga tao, 6  alam natin na iisa lang ang Diyos,+ ang Ama,+ na pinagmulan ng lahat ng bagay, at nabubuhay tayo para sa kaniya;+ at iisa lang ang Panginoon,+ si Jesu-Kristo, na sa pamamagitan niya ay umiral ang lahat ng bagay,+ at nabuhay tayo sa pamamagitan niya. 7  Pero hindi lahat ng tao ay nakaaalam nito.+ At kapag kumakain ang ilan, na dating sumasamba sa idolo, naiisip pa rin nila na ang kinakain nila ay inihain sa idolo,+ at dahil mahina ang konsensiya nila, nababagabag sila.*+ 8  Pero hindi tayo magiging mas malapít sa Diyos dahil sa pagkain;+ hindi tayo napapasamâ kung hindi tayo kumain, at hindi rin tayo napapabuti kung kumain tayo.+ 9  Pero lagi kayong mag-ingat para hindi maging katitisuran sa mahihina ang karapatan ninyong pumili.+ 10  Dahil kung ikaw na may kaalaman ay kumain sa templo ng idolo at makita ka ng isang mahina ang konsensiya, hindi ba lalakas ang loob niya hanggang sa puntong kumain na siya ng pagkaing inihandog sa mga idolo? 11  Kaya dahil sa kaalaman mo, napapahamak ang taong mahina, ang iyong kapatid na alang-alang sa kaniya ay namatay si Kristo.+ 12  Kapag nagkasala kayo sa inyong mga kapatid sa ganitong paraan at nasugatan ang kanilang mahinang konsensiya,+ nagkakasala kayo kay Kristo. 13  Kaya kung natitisod ang kapatid ko dahil sa pagkain, hinding-hindi na ako kakain ng karne para hindi ko matisod ang kapatid ko.+

Talababa

Lit., “nagiging marumi ito.”

Study Notes

Ngayon may kinalaman sa pagkaing inihandog sa mga idolo: Noong unang siglo C.E., naghahandog ng hayop sa mga idolo ang mga Griego at Romano. May mga parte ng hayop na inilalagay sa altar. May parte na napupunta sa mga saserdote, at may parte na kinakain o pinagsasalo-saluhan ng mga mananamba. Pero ang natira ay ibinebenta sa “pamilihan ng karne.” (1Co 10:25) Sumulat kay Pablo ang mga Kristiyano sa Corinto para itanong kung puwedeng kumain ng ganoong karne. (1Co 7:1a) Sa patnubay ng banal na espiritu, tinulungan sila ni Pablo na maintindihan na “walang halaga ang idolo” sa mga may-gulang na Kristiyano. (1Co 8:4) Pero sinabihan din niya ang mga Kristiyano na huwag magpunta sa templo ng mga idolo para kumain ng karne. Kapag kumain ang isang Kristiyano sa isang paganong templo, baka makita siya ng mga kapananampalataya niyang mahina sa espirituwal at isiping sumasamba siya sa idolo. Ang ilan sa kanila ay puwedeng matisod o kaya ay kumain pa nga ng karne sa mga relihiyosong seremonya ng mga pagano. (1Co 5:9, 10; 8:9, 10) Kapag ginawa nila iyon, malalabag nila ang utos ng lupong tagapamahala sa Gaw 15:28, 29.—Tingnan ang study note sa 1Co 8:4; 10:25.

Kung tungkol sa pagkain ng mga pagkaing inihandog sa mga idolo: Ang ekspresyong Griego na isinaling “mga pagkaing inihandog sa mga idolo” sa talatang ito ay lumitaw rin sa Gaw 15:29, kung saan isinalin itong “mga bagay na inihain sa mga idolo.” Malawak ang kahulugan ng terminong Griego na ito; puwede itong tumukoy sa mismong karneng ginamit sa isang relihiyosong seremonya, pero puwede ring sa natirang karne mula sa handog. Dito, ang tinutukoy ni Pablo ay ang natirang karne na ibinebenta sa pamilihan. (1Co 10:25) Sa 1 Corinto 8 at 10 at Roma 14, hindi sinasabi ni Pablo na puwedeng makibahagi ang mga Kristiyano sa mga idolatrosong gawain o sa mga handaang nagpaparangal sa mga idolo. Gusto lang niyang ipakita na walang masama sa pagkain ng karneng ibinebenta sa pamilihan; hindi naman naging marumi ang karneng iyon dahil lang sa galing iyon sa templo ng mga idolo.—Tingnan ang study note sa 1Co 8:1; 10:25.

maraming “diyos”: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, iisang terminong Griego lang ang ginagamit para sa Diyos, the·osʹ (sa anyong pang-isahan, pangmaramihan, panlalaki, at pambabae), tumutukoy man ito sa paganong mga diyos at diyosa o sa tunay na Diyos. (Gaw 7:40; 14:11; 19:27, 37; Fil 3:19) Pero si Jehova ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. “Iisa lang ang Diyos, ang Ama, na pinagmulan ng lahat ng bagay, at nabubuhay tayo para sa kaniya.” (1Co 8:6) Isiniwalat ni Jehova ang kaniyang personal na pangalan para ipakita ang kaibahan niya sa huwad na mga diyos. Tama lang na hilingin niya ang ating bukod-tanging debosyon.—Exo 20:4, 5.

iisa lang ang Diyos: Ang ekspresyong ito ay kahawig ng maraming ekspresyon sa Hebreong Kasulatan na nagpapakitang naiiba si Jehova at siya lang ang nag-iisang tunay na Diyos. Halimbawa, sa Deu 6:4, sinabi ni Moises: “Si Jehova na Diyos natin ay nag-iisang Jehova”; at sa Deu 32:39, binigkas ni Moises ang pananalitang ito ni Jehova: “Walang ibang diyos maliban sa akin.”—Isa 43:10, 11; 44:6; 45:6; tingnan ang study note sa Mar 12:29.

konsensiya: Tingnan ang study note sa Ro 2:15.

Media