Apocalipsis kay Juan 10:1-11

10  At nakakita ako ng isa pang malakas na anghel na bumababa mula sa langit; nadaramtan* siya ng ulap, ang ulo niya ay may bahaghari, ang mukha niya ay gaya ng araw,+ at ang mga binti* niya ay gaya ng mga haliging apoy, 2  at may hawak siyang isang maliit na balumbon na nakabukas. At itinapak niya ang kanang paa niya sa dagat, pero ang kaliwang paa niya ay sa lupa, 3  at sumigaw siya nang malakas na gaya ng pag-ungal ng leon.+ At nang sumigaw siya, narinig ko ang mga tinig ng pitong kulog.+ 4  Nang magsalita ang pitong kulog, magsusulat na sana ako, pero narinig ko ang isang tinig mula sa langit+ na nagsabi: “Tatakan mo ang mga bagay na sinabi ng pitong kulog, at huwag mong isulat ang mga iyon.” 5  Ang anghel na nakita kong nakatayo sa dagat at sa lupa ay nagtaas ng kanang kamay niya sa langit, 6  at sumumpa siya sa pamamagitan ng Isa na nabubuhay nang walang hanggan,+ na lumalang ng langit at ng mga bagay na naroon at ng lupa at ng mga bagay na naroon at ng dagat at ng mga bagay na naroon:+ “Tapos na ang panahon ng paghihintay. 7  Dahil sa panahon na malapit nang hipan ng ikapitong anghel+ ang trumpeta niya,+ ang sagradong lihim+ na inihayag ng Diyos bilang mabuting balita sa sarili niyang mga alipin na mga propeta+ ay matutupad na.” 8  At ang tinig na narinig ko mula sa langit+ ay muling nagsalita sa akin; sinabi nito: “Kunin mo ang nakabukas na balumbon na hawak ng anghel na nakatayo sa dagat at sa lupa.”+ 9  Pinuntahan ko ang anghel at sinabi ko sa kaniya na ibigay sa akin ang maliit na balumbon. Sinabi niya sa akin: “Kunin mo ito at kainin,+ at papapaitin nito ang tiyan mo, pero sa bibig mo ay magiging matamis itong gaya ng pulot-pukyutan.” 10  Kinuha ko ang maliit na balumbon na hawak ng anghel at kinain ito,+ at sa bibig ko ay matamis ito na gaya ng pulot-pukyutan,+ pero matapos ko itong kainin, pumait ang tiyan ko. 11  At sinabi nila sa akin: “Dapat kang manghulang muli tungkol sa mga bayan at mga bansa at mga wika at sa maraming hari.”

Talababa

O “nababalutan.”
Lit., “paa.”

Study Notes

Media