Mga Bilang 6:1-27

6  Sinabi pa ni Jehova kay Moises: 2  “Sabihin mo sa mga Israelita, ‘Kung ang isang lalaki o babae ay gumawa ng isang pantanging panata na mamuhay bilang Nazareo*+ para kay Jehova, 3  dapat siyang umiwas sa alak at iba pang inuming de-alkohol. Huwag siyang iinom ng sukà ng alak o ng sukà ng inuming de-alkohol.+ Huwag siyang iinom ng anumang likidong galing sa ubas o kakain ng ubas, sariwa man o pinatuyo. 4  Sa lahat ng araw ng kaniyang pagiging Nazareo, hindi siya puwedeng kumain ng anumang mula sa punong ubas, hilaw na ubas man o kahit balat nito. 5  “‘Sa lahat ng araw ng panata niya bilang Nazareo, hindi siya puwedeng putulan ng buhok sa ulo.+ Para maging banal at maipakitang nakabukod siya para kay Jehova, magpapahaba siya ng buhok sa ulo hanggang sa matapos ang panahong iyon. 6  Hindi siya puwedeng lumapit sa isang patay na tao* sa lahat ng araw na nakabukod siya para kay Jehova. 7  Kahit pa ang kaniyang ama, ina, o kapatid na lalaki o babae ang mamatay, hindi niya puwedeng dungisan ang sarili niya,+ dahil ang tanda ng pagiging Nazareo niya para sa kaniyang Diyos ay nasa ulo niya. 8  “‘Banal siya para kay Jehova sa lahat ng araw ng kaniyang pagiging Nazareo. 9  Pero kung may biglang mamatay sa tabi niya+ kaya nadungisan niya ang buhok na sumasagisag sa pagiging nakabukod niya para sa Diyos,* dapat niyang ahitan ang ulo niya+ sa araw na ipahahayag siyang malinis. Aahitan niya ito sa ikapitong araw. 10  Sa ikawalong araw, magdadala siya ng dalawang batubato o dalawang inakáy ng kalapati sa saserdote sa pasukan ng tolda ng pagpupulong. 11  Gagamitin ng saserdote ang isa bilang handog para sa kasalanan at ang isa naman bilang handog na sinusunog, at magbabayad-sala ito para sa kaniya dahil sa kasalanan niya+ may kaugnayan sa taong patay. Pababanalin niya ang sarili* niya sa araw na iyon. 12  At ibubukod niya ulit ang sarili niya para simulang muli ang mga araw ng kaniyang pagiging Nazareo para kay Jehova, at magdadala siya ng isang batang lalaking tupa na hindi lalampas ng isang taóng gulang bilang handog para sa pagkakasala. Pero hindi ibibilang ang nagdaang mga araw ng kaniyang pagiging Nazareo dahil nadungisan niya ito. 13  “‘At ito ang kautusan tungkol sa Nazareo: Kapag natapos na ang mga araw ng kaniyang pagiging Nazareo,+ dadalhin siya sa pasukan ng tolda ng pagpupulong. 14  Dadalhin niya roon ang handog niya kay Jehova: isang malusog na batang lalaking tupa na hindi lalampas ng isang taóng gulang bilang handog na sinusunog,+ isang malusog na babaeng kordero* na hindi lalampas ng isang taóng gulang bilang handog para sa kasalanan,+ isang malusog na lalaking tupa bilang haing pansalo-salo,+ 15  isang basket ng hugis-singsing na mga tinapay na walang pampaalsa at gawa sa magandang klase ng harina na hinaluan ng langis, maninipis na tinapay na walang pampaalsa na pinahiran ng langis, at ang handog na mga butil+ at mga handog na inumin na kasama ng mga ito.+ 16  Ang mga iyon ay ihaharap ng saserdote kay Jehova, at iaalay nito ang kaniyang handog para sa kasalanan at handog na sinusunog. 17  Ihahandog niya ang lalaking tupa bilang haing pansalo-salo para kay Jehova kasama ang basket ng tinapay na walang pampaalsa, at ihaharap ng saserdote ang handog na mga butil+ at handog na inumin na kasama nito. 18  “‘At aahitin ng Nazareo sa pasukan ng tolda ng pagpupulong ang buhok sa kaniyang ulo,*+ at kukunin niya ang buhok sa kaniyang ulo na tumubo noong Nazareo pa siya at ilalagay iyon sa apoy na nasa ilalim ng haing pansalo-salo. 19  At kukuha ang saserdote ng isang pinakuluang+ paypay* ng lalaking tupa, isang hugis-singsing na tinapay na walang pampaalsa mula sa basket, at isang manipis na tinapay na walang pampaalsa, at ilalagay niya ang mga iyon sa mga palad ng Nazareo pagkatapos nitong ipaahit ang tanda ng pagiging Nazareo nito. 20  Ang mga iyon ay igagalaw ng saserdote nang pabalik-balik bilang handog na iginagalaw* sa harap ni Jehova.+ Ito ay banal para sa saserdote, kasama ang dibdib ng handog na iginagalaw* at ang binti ng abuloy.+ Pagkatapos, makaiinom na ng alak ang Nazareo. 21  “‘Ito ang kautusan tungkol sa Nazareo+ na gumawa ng panata: Kung kaya niya at nanata siyang magbigay ng handog kay Jehova na higit sa kahilingan ng pagiging Nazareo, dapat niyang tuparin ang panata niya. Ito ang kautusan para sa mga Nazareo.’” 22  At sinabi ni Jehova kay Moises: 23  “Sabihin mo kay Aaron at sa mga anak niya, ‘Ganito ninyo pagpapalain+ ang bayang Israel. Sasabihin ninyo sa kanila: 24  “Pagpalain ka nawa ni Jehova+ at ingatan ka. 25  Pasinagin nawa ni Jehova sa iyo ang kaniyang mukha,+ at pagpakitaan ka nawa niya ng pabor. 26  Iharap nawa ni Jehova sa iyo ang kaniyang mukha at bigyan ka ng kapayapaan.”’+ 27  At gagamitin nila ang pangalan ko para pagpalain ang bayang Israel,+ nang sa gayon ay pagpalain ko ito.”+

Talababa

Sa Hebreo, na·zirʹ, na ang ibig sabihin ay “Isa na Pinili; Isa na Nakaalay; Isa na Nakabukod.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
O “nadungisan ang ulo ng kaniyang pagiging Nazareo.”
Lit., “ulo,” malamang na tumutukoy sa muling pagpapahaba niya ng buhok.
O “batang tupa.”
O “ulo ng kaniyang pagiging Nazareo.”
O “balikat.”
Tingnan sa Glosari.
Tingnan sa Glosari.

Study Notes

Media