Deuteronomio 11:1-32

11  “Ibigin ninyo ang Diyos ninyong si Jehova+ at laging tuparin ang obligasyon ninyo sa kaniya at laging sundin ang kaniyang mga batas, hudisyal na pasiya, at utos. 2  Alam ninyo na kayo ang kinakausap ko ngayon; hindi ang mga anak ninyo ang kinakausap ko dahil hindi nila alam o nakita ang pagdidisiplina ng Diyos ninyong si Jehova,+ ang kaniyang kadakilaan,+ makapangyarihang kamay,+ at unat na bisig. 3  Hindi nila nakita ang mga tanda at iba pang ginawa niya sa Ehipto, sa Paraon na hari ng Ehipto at sa buong lupain nito,+ 4  o ang ginawa niya sa mga hukbo ng Ehipto, sa mga kabayo at karwaheng* pandigma ng Paraon, na nilamon ng tubig ng Dagat na Pula noong hinahabol nila kayo; lubusan silang pinuksa ni Jehova.+ 5  Hindi nila nakita ang ginawa niya para sa inyo* sa ilang hanggang sa makarating kayo sa lugar na ito, 6  o ang ginawa niya kina Datan at Abiram, na mga anak ni Eliab na anak ni Ruben, noong bumuka ang lupa at lamunin sila nito sa harap ng buong Israel, pati ang mga sambahayan at tolda nila at bawat nabubuhay na nilikha na sumunod sa kanila.+ 7  Kayo ang nakakita sa lahat ng kamangha-manghang bagay na ginawa ni Jehova. 8  “Sundin ninyo ang buong kautusan na ibinibigay ko sa inyo ngayon para lumakas kayo at makuha ang lupaing pupuntahan ninyo, 9  at para mabuhay kayo nang mahaba+ sa lupaing ipinangako ni Jehova na ibibigay niya sa inyong mga ninuno at supling* nila,+ isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.+ 10  “Ang lupaing magiging pag-aari ninyo ay hindi gaya ng Ehipto na pinanggalingan ninyo, kung saan kayo naghahasik ng binhi at nagpapakahirap na diligan ang lupain,* na gaya ng taniman ng mga gulay. 11  Ang lupaing pupuntahan ninyo at magiging pag-aari ay isang lupain na maraming bundok at kapatagan.+ Ang ulan mula sa langit ang dumidilig doon;+ 12  pinangangalagaan iyon ng Diyos ninyong si Jehova. Binabantayan iyon ng Diyos ninyong si Jehova, mula sa pasimula ng taon hanggang sa pagtatapos nito. 13  “Kung masikap ninyong susundin ang mga utos ko na ibinibigay ko sa inyo ngayon at iibigin ninyo ang Diyos ninyong si Jehova at paglilingkuran siya nang inyong buong puso at kaluluwa,*+ 14  magpapaulan ako sa lupain ninyo sa takdang panahon nito, sa taglagas at sa tagsibol, at magtitipon kayo ng mga butil, bagong alak, at langis.+ 15  At magpapatubo ako ng pananim sa mga bukid ninyo para sa mga alaga ninyong hayop, at kakain kayo at mabubusog.+ 16  Bantayan ninyo ang inyong sarili para hindi matuksong lumihis ang puso ninyo at sa gayon ay sumamba kayo at yumukod sa ibang mga diyos.+ 17  Dahil kung hindi, lalagablab ang galit ni Jehova, at sasarhan niya ang langit para hindi umulan+ at hindi mamunga ang lupa, at agad kayong malilipol sa magandang lupain na ibinibigay sa inyo ni Jehova.+ 18  “Ang mga sinabi ko ay itanim ninyo sa inyong puso at kaluluwa,* at lagi ninyo itong alalahanin na para bang nakatali ito sa inyong kamay at sa inyong noo.*+ 19  Ituro ninyo ito sa mga anak ninyo; kausapin ninyo sila tungkol dito kapag nakaupo kayo sa inyong bahay, kapag naglalakad sa daan, kapag nakahiga, at kapag bumabangon.+ 20  Isulat ninyo ito sa mga poste ng pinto ng inyong bahay at sa mga pintuang-daan, 21  para kayo at ang mga anak ninyo ay mabuhay nang mahaba+ sa lupaing ipinangako ni Jehova sa mga ninuno ninyo,+ hangga’t ang langit ay nasa ibabaw ng lupa. 22  “Kung masikap ninyong tutuparin at susundin ang utos na ito na ibinibigay ko sa inyo, na ibigin ang Diyos ninyong si Jehova+ at lumakad sa lahat ng daan niya at mangunyapit sa kaniya,+ 23  palalayasin ni Jehova ang lahat ng bansang ito sa harap ninyo,+ at itataboy ninyo ang mga bansang mas malalakas at mas malalaki kaysa sa inyo.+ 24  Magiging inyo ang lahat ng lupaing lalakaran ninyo.+ Ang magiging hangganan ninyo ay mula sa ilang hanggang sa Lebanon, mula sa Ilog, ang Eufrates, hanggang sa kanluraning dagat.*+ 25  Walang makakatalo sa inyo.+ Manghihilakbot at matatakot sa inyo ang mga tao sa lahat ng lupaing lalakaran ninyo dahil sa Diyos ninyong si Jehova,+ gaya ng ipinangako niya sa inyo. 26  “Ngayon, binibigyan ko kayo ng pagpipilian—pagpapala o sumpa:+ 27  pagpapala, kung susundin ninyo ang mga utos ng Diyos ninyong si Jehova na ibinibigay ko sa inyo ngayon,+ 28  at sumpa, kung hindi ninyo susundin ang mga utos ng Diyos ninyong si Jehova+ at lilihis kayo mula sa daan na iniuutos kong lakaran ninyo at susunod kayo sa mga diyos na hindi ninyo kilala. 29  “Kapag dinala na kayo ng Diyos ninyong si Jehova sa lupaing magiging pag-aari ninyo, bigkasin ninyo ang pagpapala sa Bundok Gerizim at ang sumpa sa Bundok Ebal.+ 30  Hindi ba ang mga ito ay nasa kabilang panig ng Jordan sa kanluran,* sa lupain ng mga Canaanita na nakatira sa Araba, sa tapat ng Gilgal, sa tabi ng malalaking puno ng More?+ 31  Dahil tatawirin ninyo ang Jordan para pasukin at kunin ang lupaing ibinibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova.+ Kapag nakuha na ninyo ito at nakatira na kayo rito, 32  tiyakin ninyo na masusunod ninyo ang lahat ng tuntunin at hudisyal na pasiya na inihaharap ko sa inyo ngayon.+

Talababa

O “karong.”
O “ginawa niya sa inyo.”
Lit., “binhi.”
O “at nagpapatubig sa lupain gamit ang paa” o paggamit ng paa para mapaandar ang gulong na panalok ng tubig (waterwheel) o para gumawa o magbukas ng mga kanal ng tubig.
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
Lit., “at sa pagitan ng inyong mga mata.”
Malaking Dagat, ang Mediteraneo.
O “lubugan ng araw.”

Study Notes

Media