Exodo 4:1-31

4  Pero sumagot si Moises: “Paano kung hindi sila maniwala at makinig sa akin,+ at sabihin nilang ‘Hindi nagpakita sa iyo si Jehova’?” 2  Sinabi ni Jehova: “Ano ang nasa kamay mo?” Sumagot siya: “Tungkod.” 3  Sinabi ng Diyos: “Ihagis mo iyan sa lupa.” Kaya inihagis niya ito sa lupa at naging ahas ito;+ at napaurong si Moises. 4  Sinabi ngayon ni Jehova kay Moises: “Iunat mo ang kamay mo at hawakan mo iyon sa buntot.” Kaya iniunat niya ang kamay niya at hinawakan iyon, at naging tungkod ulit iyon. 5  At sinabi ng Diyos: “Gawin mo ito para maniwala sila na nagpakita sa iyo si Jehova na Diyos ng kanilang mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob.”+ 6  Sinabi pa ni Jehova: “Pakisuyo, ipasok mo ang kamay mo sa tupi sa bandang itaas ng damit mo.” Kaya ipinasok niya ang kamay niya sa tupi ng damit niya. Nang ilabas niya iyon, nagkaketong iyon na kasimputi ng niyebe!+ 7  Sinabi Niya: “Ipasok mo ulit ang kamay mo sa tupi sa bandang itaas ng damit mo.” Kaya ipinasok niya ulit ang kaniyang kamay sa damit niya. Nang ilabas niya iyon, bumalik ito sa dati! 8  Sinabi Niya: “Kung hindi sila maniwala sa iyo o magbigay-pansin sa unang tanda, tiyak na maniniwala sila sa pangalawang tanda.+ 9  Pero kung hindi pa rin sila maniwala sa dalawang tandang ito at ayaw pa rin nilang makinig sa tinig mo, kumuha ka ng tubig sa Ilog Nilo at ibuhos mo iyon sa tuyong lupa, at ang tubig na kinuha mo sa Nilo ay magiging dugo sa tuyong lupa.”+ 10  Sinabi ngayon ni Moises kay Jehova: “Ipagpaumanhin mo, Jehova, pero hindi talaga ako magaling magsalita, mula noon at kahit pagkatapos mong kausapin ang iyong lingkod, dahil mabagal akong magsalita at pilipit ang dila ko.”+ 11  Sinabi ni Jehova: “Sino ang gumawa ng bibig para sa mga tao, o sino ang may kakayahang gawin silang pipi, bingi, malinaw ang paningin, o bulag? Hindi ba akong si Jehova? 12  Kaya kumilos ka na, at ako ay sasaiyo habang nagsasalita ka,* at ituturo ko sa iyo ang dapat mong sabihin.”+ 13  Pero sinabi niya: “Pagpaumanhinan mo ako, Jehova. Pakisuyo, pumili ka ng iba na gusto mong isugo.” 14  Kaya galit na galit si Jehova kay Moises, at sinabi Niya: “Hindi ba kapatid mo si Aaron+ na Levita? Alam kong napakahusay niyang magsalita. At paparating na siya para makita ka. Kapag nakita ka niya, tiyak na magsasaya siya.*+ 15  Kausapin mo siya at sabihin mo sa kaniya ang mga sinabi ko,+ at ako ay sasainyo habang nagsasalita kayo,+ at ituturo ko sa inyo ang dapat ninyong gawin. 16  Siya ang makikipag-usap sa bayan para sa iyo, at siya ang magiging tagapagsalita mo, at ikaw ay magiging parang Diyos* sa kaniya.+ 17  At hahawakan mo ang tungkod na ito at gagawin mo ang mga tanda sa pamamagitan nito.”+ 18  Kaya umuwi si Moises at nagpaalam sa biyenan niyang si Jetro:+ “Pakisuyo, payagan mo akong umalis para mabalikan ko ang mga kapatid ko sa Ehipto at makita ko kung buháy pa sila.” Sinabi ni Jetro kay Moises: “Sige, mag-ingat ka.”* 19  Pagkatapos, sinabi ni Jehova kay Moises sa Midian: “Bumalik ka na sa Ehipto, dahil patay na ang lahat ng taong gustong pumatay sa iyo.”*+ 20  Kaya isinakay ni Moises sa asno ang kaniyang asawa at mga anak at naglakbay pabalik sa Ehipto. Hawak ni Moises ang tungkod ng tunay na Diyos. 21  At sinabi ni Jehova kay Moises: “Binigyan kita ng kapangyarihang gawin ang mga himala. Kaya pagdating mo sa Ehipto, tiyakin mong maipakita sa Paraon ang lahat ng iyon.+ Pero hahayaan kong magmatigas ang puso niya,+ at hindi niya papayagang umalis ang bayan.+ 22  At sasabihin mo sa Paraon, ‘Ito ang sinabi ni Jehova: “Ang Israel ay anak ko, ang aking panganay.+ 23  Sinasabi ko sa iyo, Payagan mong umalis ang anak ko para makapaglingkod siya sa akin. Pero kung hindi mo siya papayagang umalis, papatayin ko ang anak mo, ang iyong panganay.”’”+ 24  Nang huminto sila sa isang lugar para magpahinga sa paglalakbay, sinalubong siya ni Jehova+ at naghanap ng paraan para patayin siya.*+ 25  Kaya kumuha si Zipora+ ng matalas na bato,* tinuli ang anak niya, idinikit sa mga paa nito ang dulong-balat, at sinabi: “Dahil ikaw ay isang kasintahang lalaki ng dugo sa akin.” 26  Kaya hinayaan na Niya ito. Sinabi niya nang pagkakataong iyon, “isang kasintahang lalaki ng dugo,” dahil sa pagtutuli. 27  At sinabi ni Jehova kay Aaron: “Pumunta ka sa ilang para salubungin si Moises.”+ Kaya pumunta siya roon, at sinalubong niya ito sa bundok ng tunay na Diyos+ at hinalikan ito. 28  At sinabi ni Moises kay Aaron ang lahat ng sinabi ni Jehova, na nagsugo sa kaniya,+ at ang lahat ng tanda na iniutos Niyang gawin niya.+ 29  Pagkatapos, umalis sina Moises at Aaron at tinipon ang lahat ng matatandang lalaki ng mga Israelita.+ 30  Sinabi sa kanila ni Aaron ang lahat ng sinabi ni Jehova kay Moises, at ginawa niya ang mga tanda+ sa harap ng bayan. 31  Kaya naniwala ang bayan.+ Nang marinig nila na binigyang-pansin ni Jehova ang mga Israelita+ at na nakita niya ang paghihirap nila,+ yumuko sila at sumubsob.

Talababa

Lit., “sasaiyong bibig.”
Lit., “ang puso niya.”
O “magiging kinatawan ng Diyos.”
O “Umalis kang payapa.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
Posibleng tumutukoy sa anak ni Moises.
O “ng kutsilyong bato.”

Study Notes

Media