Ezekiel 42:1-20
42 Pagkatapos, inakay niya ako sa malaking looban, sa bandang hilaga.+ Dinala niya ako sa mga silid-kainan na nasa tabi ng bakanteng lugar,+ sa hilaga ng katabing gusali.+
2 Ang haba nito sa hilagang pasukan ay 100 siko,* at ang lapad nito ay 50 siko.
3 Ang mga silid-kainan ay nasa pagitan ng maliit na looban, na 20 siko ang lapad,+ at ng batong sahig ng malaking looban. Ang mga ito ay tatlong palapag na may mga balkonahe, at magkakaharap ang mga balkonahe.
4 Sa harap ng mga silid-kainan* ay may isang daanan+ na 10 siko ang lapad at 100 siko ang haba,* at nasa hilaga ang mga pasukan ng mga ito.
5 Ang mga silid-kainan sa ikatlong palapag ay mas maliliit kumpara sa mga nasa una at ikalawang palapag, dahil malaki ang kinuhang espasyo ng mga balkonahe.
6 May tatlong palapag ang mga iyon pero walang mga haligi na gaya ng mga haligi sa mga looban. Kaya mas niliitan ang espasyo sa ikatlong palapag kumpara sa una at ikalawang palapag.
7 Ang batong pader na nasa tabi ng mga silid-kainan na malapit sa malaking looban at katapat ng ibang silid-kainan ay may haba na 50 siko.
8 Ang haba ng mga silid-kainan na malapit sa malaking looban ay 50 siko pero ang mga malapit sa santuwaryo ay 100 siko.
9 Sa silangan ng mga hanay ng silid-kainan, may isang pasukan mula sa malaking looban.
10 May mga silid-kainan din sa loob ng batong pader na nakaharap sa silangan, malapit sa bakanteng lugar at sa gusali.+
11 May daanan sa harap ng mga ito na katulad ng nasa mga silid-kainan sa hilaga.+ Magkakapareho rin ang haba at lapad ng mga silid-kainan, pati ang labasan at ang disenyo. Ang mga pasukan ng mga silid-kainan sa hilaga ay
12 gaya ng mga pasukan ng mga silid-kainan sa timog. May pasukan sa bukana ng daanan, bago ang karugtong na batong pader na nakaharap sa silangan.+
13 At sinabi niya sa akin: “Ang mga silid-kainan sa hilaga at ang mga silid-kainan sa timog na katabi ng bakanteng lugar+ ay ang mga banal na silid-kainan, kung saan kinakain ng mga saserdoteng lumalapit kay Jehova ang mga kabanal-banalang handog.+ Doon nila inilalagay ang mga kabanal-banalang handog, handog na mga butil, handog para sa kasalanan, at handog para sa pagkakasala, dahil ang lugar na iyon ay banal.+
14 Kapag pumasok sa banal na lugar ang mga saserdote, hindi sila puwedeng lumabas papunta sa malaking looban nang hindi muna hinuhubad ang mga kasuotang ginamit nila sa paglilingkod,+ dahil banal ang mga iyon. Kailangan nilang magpalit ng kasuotan bago pumunta sa lugar na puwede ring puntahan ng bayan.”
15 Nang matapos niyang sukatin ang loob ng templo,* lumabas kami at dumaan sa pintuang-daan na nakaharap sa silangan,+ at sinukat niya ang buong palibot.
16 Sinukat niya ang silangang bahagi gamit ang panukat na tambo,* at ang haba nito ay 500 tambo mula sa isang panig hanggang sa kabila.
17 Sinukat niya ang hilagang bahagi gamit ang panukat na tambo, at ang haba nito ay 500 tambo.
18 Sinukat niya ang timugang bahagi gamit ang panukat na tambo, at ang haba nito ay 500 tambo.
19 Lumipat siya sa kanlurang bahagi. Sinukat niya ito gamit ang panukat na tambo, at ang haba nito ay 500 tambo.
20 Sinukat niya ang apat na bahagi nito. May pader ito sa buong palibot,+ na may haba na 500 tambo at lapad na 500 tambo,+ para paghiwalayin ang banal na lugar at di-banal na lugar.+
Talababa
^ O “silid.”
^ Ayon sa Griegong Septuagint, “100 siko ang haba.” Ito naman ang mababasa sa sinaunang mga kopya ng Hebreong Kasulatan: “Isang daanan na isang siko.” Tingnan ang Ap. B14.
^ Lit., “bahay.”