Mga Gawa ng mga Apostol 11:1-30

11  At nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid na nasa Judea na tinanggap din ng mga tao ng ibang mga bansa ang salita ng Diyos. 2  Kaya nang pumunta si Pedro sa Jerusalem, pinuna siya ng* mga tagapagtaguyod ng pagtutuli+ 3  at sinabi: “Pumasok ka sa bahay ng mga taong di-tuli at kumaing kasama nila.” 4  Kaya ipinaliwanag ito sa kanila ni Pedro nang detalyado: 5  “Nasa lunsod ako noon ng Jope at nananalangin. Nakita ko sa isang pangitain ang isang tulad ng malaking telang lino na nakabitin sa apat na dulo nito; bumaba ito mula sa langit papunta sa akin.+ 6  Tiningnan ko iyon nang mabuti, at may nakita akong mga hayop sa lupa na apat ang paa, mababangis na hayop, mga reptilya,* at mga ibon sa langit. 7  May narinig din akong tinig na nagsabi: ‘Tumayo ka, Pedro, magkatay ka at kumain!’ 8  Pero sinabi ko: ‘Hindi puwede, Panginoon! Dahil kahit kailan, wala pang anumang marumi o ipinagbabawal ang pumasok sa bibig ko.’ 9  Nagsalita ulit ang tinig mula sa langit: ‘Huwag mo nang tawaging marumi ang mga bagay na nilinis na ng Diyos.’ 10  Nagsalita ito sa ikatlong pagkakataon, at ang lahat ng iyon ay iniakyat pabalik sa langit. 11  At nang pagkakataon ding iyon, may tatlong lalaking dumating sa bahay na tinutuluyan namin. Isinugo sila mula sa Cesarea para hanapin ako.+ 12  Sinabihan ako ng espiritu na huwag magdalawang-isip na sumama sa kanila. Sumama rin sa akin ang anim na kapatid na ito, at pumasok kami sa bahay ng lalaki. 13  “Sinabi niya sa amin na may nakita siyang anghel sa bahay niya na nagsabi: ‘Magsugo ka ng mga lalaki sa Jope at ipatawag mo si Simon, na tinatawag na Pedro,+ 14  at sasabihin niya sa iyo kung paano ka maliligtas at ang buong sambahayan mo.’ 15  Pero nang magsimula akong magsalita, tumanggap sila ng banal na espiritu gaya rin ng nangyari noon sa atin.+ 16  At naalaala ko ang sinasabi noon ng Panginoon: ‘Si Juan ay nagbautismo sa tubig,+ pero kayo ay babautismuhan sa banal na espiritu.’+ 17  Kaya kung ibinigay rin ng Diyos sa kanila ang walang-bayad na regalo na ibinigay niya sa atin na naniniwala sa Panginoong Jesu-Kristo, sino ako para mahadlangan* ang Diyos?”+ 18  Pagkarinig nito, hindi na sila tumutol,* at niluwalhati nila ang Diyos at sinabi: “Kung gayon, ang mga tao ng ibang mga bansa ay binigyan din ng Diyos ng pagkakataong magsisi para tumanggap ng buhay.”+ 19  Ang mga nangalat+ dahil sa pag-uusig na nagsimula nang patayin si Esteban ay nakarating hanggang sa Fenicia,+ Ciprus, at Antioquia, pero sa mga Judio lang nila ibinahagi ang mensahe.+ 20  Pero ang ilan na mula sa Ciprus at Cirene ay pumunta sa Antioquia at inihayag sa mga taong nagsasalita ng Griego ang mabuting balita tungkol sa Panginoong Jesus. 21  At sumakanila ang kamay ni Jehova; napakaraming naging mananampalataya at sumunod sa Panginoon.+ 22  Nang mabalitaan ito ng kongregasyon sa Jerusalem, isinugo nila si Bernabe+ sa Antioquia. 23  Nang makarating siya roon at makita niya ang walang-kapantay na kabaitan ng Diyos, nagsaya siya at pinatibay niya ang lahat na patuloy na sumunod sa Panginoon nang buong puso;+ 24  si Bernabe ay isang mabuting tao, na puspos ng banal na espiritu at may matibay na pananampalataya. Dahil dito, marami ang naniwala sa Panginoon.+ 25  Kaya pumunta siya sa Tarso para hanapin si Saul.+ 26  Pagkakita rito, isinama niya ito sa Antioquia. Kaya isang buong taon silang nakipagtipon sa kongregasyon at nagturo sa maraming tao, at sa Antioquia unang tinawag na mga Kristiyano+ ang mga alagad sa pamamagitan ng patnubay ng Diyos. 27  Nang mga panahong iyon, may mga propeta+ mula sa Jerusalem na pumunta sa Antioquia. 28  Isa sa kanila si Agabo;+ inihula niya sa pamamagitan ng espiritu na malapit nang magkaroon ng malaking taggutom sa buong lupa,+ na talagang nangyari noong panahon ni Claudio.+ 29  Kaya nagbigay ng tulong+ ang mga alagad, ayon sa kakayahan ng bawat isa,+ sa mga kapatid na nakatira sa Judea; 30  ipinadala nila ang mga ito sa matatandang lalaki sa pamamagitan nina Bernabe at Saul.+

Talababa

O “nakipagtalo sa kaniya ang.”
O “gumagapang na hayop.”
O “harangan.”
Lit., “natahimik sila.”

Study Notes

Antioquia: Ang lunsod na ito ay nasa Sirya, sa may ilog ng Orontes, mga 32 km (20 mi) mula sa daungan ng Seleucia sa Mediteraneo, pasalungat sa agos ng ilog. Noong unang siglo C.E., ang Antioquia ng Sirya ang ikatlong pinakamalaki at pinakamayamang lunsod sa Imperyo ng Roma, sumunod sa lunsod ng Roma at Alejandria. Nang panahong iyon, may malaking komunidad dito ng mga Judio at hindi ganoon kalala ang alitan sa pagitan ng mga Judio at mga Gentil. Lumilitaw na ang Antioquia ng Sirya ay magandang lugar noon para pasimulan ang pangangaral ng mga alagad sa di-tuling mga Gentil, hindi lang sa mga Judio. (Tingnan ang study note sa mga taong nagsasalita ng Griego sa talatang ito.) Ang Antioquia na ito ay iba sa Antioquia ng Pisidia sa Asia Minor.—Tingnan ang study note sa Gaw 6:5; 13:14 at Ap. B13.

mga taong nagsasalita ng Griego: Lit., “mga Helenista.” Ang kahulugan ng terminong Griego na ginamit dito (Hel·le·ni·stesʹ) ay makikita sa konteksto. Sa Gaw 6:1, maliwanag na tumutukoy ito sa “mga Judiong nagsasalita ng Griego.” (Tingnan ang study note sa Gaw 6:1.) Kaya naisip ng ilang iskolar na ang pinangaralan ng mga alagad sa Antioquia ng Sirya ay mga tuling Judio o proselita na nagsasalita ng Griego. Pero maliwanag na isang bagong bagay ang nangyayari noon sa Antioquia. Gaya ng binabanggit sa Gaw 11:19, sa mga Judio lang muna sa Antioquia unang ipinangaral ang salita ng Diyos, pero lumilitaw na sa panahong ito, ipinangangaral na rin ang mensahe sa mga di-Judiong nakatira doon. Malamang na ipinadala si Bernabe sa Antioquia para patibayin ang mga bagong alagad doon na nagsasalita ng Griego. (Gaw 11:22, 23) Sa ilang sinaunang manuskrito, ginamit sa talatang ito ang salitang Helʹle·nas (nangangahulugang “mga Griego”; tingnan ang Gaw 16:3) sa halip na Hel·le·ni·stesʹ. Kaya sa maraming salin, ginamit ang terminong “mga Griego” o “mga Gentil.” Ipinapakita ng mga terminong ito na hindi miyembro ng Judiong relihiyon ang mga pinangaralan sa Antioquia. Pero puwede rin na parehong tinutukoy dito ang mga Judio at mga Gentil na pamilyar sa wikang Griego, kaya ginamit sa saling ito ang terminong “mga taong nagsasalita ng Griego.” Posibleng ang mga taong ito na nagsasalita ng Griego ay mula sa iba’t ibang bansa, pero natutuhan nila ang wika at posibleng pati na rin ang mga kaugalian ng mga Griego.

kamay ni Jehova: Ang pariralang ito ay madalas lumitaw sa Hebreong Kasulatan. Kombinasyon ito ng salitang Hebreo para sa “kamay” at ng Tetragrammaton. (Ang ilang halimbawa ay makikita sa Exo 9:3, tlb.; Bil 11:23; Huk 2:15; Ru 1:13; 1Sa 5:6; 7:13; Job 12:9; Isa 19:16; 40:2; Eze 1:3, tlb.) Sa Bibliya, ang terminong ito ay madalas gamitin para tumukoy sa “kapangyarihan.” Makikita sa ginagawa ng kamay ang lakas ng braso, kaya ang “kamay” ay maaari ding tumukoy sa “aktibong kapangyarihan.” Ang ekspresyong Griego na isinaling “kamay ni Jehova” ay lumitaw rin sa Luc 1:66 at Gaw 13:11.—Tingnan ang study note sa Luc 1:6, 66 at introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 11:21.

tinawag . . . sa pamamagitan ng patnubay ng Diyos: Sa karamihan ng salin, ang mababasa lang dito ay “tinawag.” Pero hindi ginamit dito ang mga salitang Griego na karaniwang isinasaling “tinawag.” (Mat 1:16; 2:23; Mar 11:17; Luc 1:32, 60; Gaw 1:12, 19) Ang salitang ginamit sa talatang ito ay khre·ma·tiʹzo, at siyam na beses itong lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sa karamihan ng paglitaw nito, maliwanag na tumutukoy ito sa mga bagay na mula sa Diyos. (Mat 2:12, 22; Luc 2:26; Gaw 10:22; 11:26; Ro 7:3; Heb 8:5; 11:7; 12:25) Halimbawa, sa Gaw 10:22, ang pandiwang ito ay ginamit kasama ng ekspresyong “sa pamamagitan ng isang banal na anghel.” Sa Mat 2:12, 22, iniugnay naman ito sa mga panaginip na mula sa Diyos. Ang kaugnay na pangngalan nito na khre·ma·ti·smosʹ ay lumitaw sa Ro 11:4, at sa karamihan ng mga diksyunaryo at salin ng Bibliya, tinumbasan ito ng “kapahayagan mula sa Diyos; sagot ng Diyos.” Posibleng ginabayan ni Jehova sina Saul at Bernabe para gamitin ang katawagang Kristiyano. Sinasabi ng ilan na ginagamit ng mga Gentil sa Antioquia ang katawagang Kristiyano para gawing katawa-tawa o laitin ang isa, pero maliwanag sa pagkakagamit ng terminong Griego na khre·ma·tiʹzo na sa Diyos nanggaling ang katawagang ito. Isa pa, malayong tawagin ng mga Judio ang mga tagasunod ni Jesus na “Kristiyano” (mula sa Griego) o “Mesiyanista” (mula sa Hebreo). Hindi nila kinilala si Jesus bilang Mesiyas, o Kristo, kaya hindi nila tatawaging “Kristiyano” ang mga tagasunod niya dahil magmumukhang tinatanggap nila siya bilang ang Pinahiran, o Kristo.

Kristiyano: Ang terminong Griego na Khri·sti·a·nosʹ, na nangangahulugang “tagasunod ni Kristo,” ay tatlong beses lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. (Gaw 11:26; 26:28; 1Pe 4:16) Galing ito sa Khri·stosʹ, na nangangahulugang Kristo, o Pinahiran. Sinusunod ng mga Kristiyano ang mga turo at halimbawa ni Jesus, “ang Kristo,” o ang pinahiran ni Jehova. (Luc 2:26; 4:18) Sinimulang tawaging mga “Kristiyano” ang mga alagad “sa pamamagitan ng patnubay ng Diyos” posibleng noong 44 C.E., kung kailan naganap ang mga pangyayaring nakaulat sa talatang ito. Lumilitaw na naging popular ang katawagang iyon, kaya noong humarap si Pablo kay Haring Herodes Agripa II noong mga 58 C.E., kilala na ni Agripa kung sino ang mga Kristiyano. (Gaw 26:28) Ipinahiwatig ng istoryador na si Tacitus na noong mga 64 C.E., ang terminong “Kristiyano” ay gamit na gamit na ng mga tao sa Roma. Isa pa, noong mga 62 hanggang 64 C.E., nang isulat ni Pedro ang unang liham niya sa mga Kristiyanong nakapangalat sa buong Imperyo ng Roma, lumilitaw na kilala na ng mga tao ang mga Kristiyano at ginagamit na nila ang katawagang ito. (1Pe 1:1, 2; 4:16) Dahil sa katawagang ito mula sa Diyos, ang mga alagad ni Jesus ay hindi na mapagkakamalang isang sekta ng Judaismo.

malaking taggutom: Ang ulat tungkol sa taggutom na ito, na nangyari noong mga 46 C.E., ay pinatunayan ni Josephus, na may binanggit ding “malaking taggutom” na naganap noong namamahala ang Romanong emperador na si Claudio. Ang mahihirap ang pinakanaapektuhan sa taggutom na ito, dahil wala silang naitabing pera o pagkain. Kaya ang mga Kristiyano sa Antioquia ay napakilos na magpadala ng tulong sa mahihirap na kapatid sa Judea.

noong panahon ni Claudio: Namahala ang Romanong emperador na si Claudio noong 41 hanggang 54 C.E. Sa simula, mabait siya sa mga Judio. Pero sa pagtatapos ng pamamahala niya, nasira ang kaugnayan niya sa mga Judio at pinalayas niya silang lahat sa Roma. (Gaw 18:2) Sinasabing pinakain si Claudio ng ikaapat na asawa niya ng nakakalasong mga kabute. Si Nero ang pumalit sa kaniya.

nagbigay ng tulong: O “nagpadala ng tulong bilang paglilingkod.” Ito ang unang nakaulat na pagkakataon na nagpadala ng tulong ang mga Kristiyano sa kapuwa nila mga Kristiyano sa ibang bahagi ng mundo. Ang salitang Griego na di·a·ko·niʹa, na karaniwang isinasaling “ministeryo,” ay puwede ring isaling ‘maibigay ang kinakailangang tulong’ (Gaw 12:25) at “magpadala ng tulong bilang paglilingkod” (2Co 8:4, tlb.). Ang pagkakagamit ng salitang Griego na di·a·ko·niʹa sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay nagpapakita na may dalawang bahagi ang ministeryong Kristiyano. Ang isang bahagi ay ang “ministeryo [isang anyo ng di·a·ko·niʹa] ng pakikipagkasundo,” ang gawaing pangangaral at pagtuturo. (2Co 5:18-20; 1Ti 2:3-6) Ang isa pa ay ang paglilingkod sa mga kapananampalataya, gaya ng binabanggit dito. Sinabi ni Pablo: “May iba’t ibang klase ng paglilingkod [anyong pangmaramihan ng di·a·ko·niʹa], pero may iisang Panginoon.” (1Co 12:4-6, 11) Ipinakita niya na ang mga gawaing ito sa ministeryong Kristiyano ay bahagi ng “sagradong paglilingkod.”—Ro 12:1, tlb.; Ro 12:6-8.

matatandang lalaki: Sa Bibliya, ang terminong Griego na pre·sbyʹte·ros ay pangunahing tumutukoy sa mga may malaking awtoridad at pananagutan sa isang komunidad o bansa. Minsan, tumutukoy ang termino sa edad ng isang tao. (Tingnan ang study note sa Mat 16:21.) Sa bayang Israel noon, ang matatandang lalaki ay kasama sa mga nangunguna at nangangasiwa sa mga komunidad (Deu 25:7-9; Jos 20:4; Ru 4:1-12) at sa buong bansa (Huk 21:16; 1Sa 4:3; 8:4; 1Ha 20:7). Dito unang ginamit ang terminong ito may kaugnayan sa kongregasyong Kristiyano. Gaya ng ginagawa ng matatandang lalaki sa bansang Israel noon, ang matatandang lalaki sa espirituwal na Israel ay nangangasiwa rin sa kongregasyon. Sa kontekstong ito, ang matatandang lalaki ang tumanggap ng ipinadalang tulong at nangasiwa sa pamamahagi nito sa mga kongregasyon sa Judea.

Media