Mga Gawa ng mga Apostol 3:1-26
Talababa
Study Notes
oras ng panalangin: Lumilitaw na nananalangin ang mga tao sa templo sa panahong inihahain ang pang-umaga at panggabing handog. (Exo 29:38-42; 30:7, 8) Ipinakita ni Lucas na ang “oras . . . ng paghahandog ng insenso” ay kasabay ng ‘pananalangin ng mga tao.’ (Luc 1:10) Noong ibinibigay ni Jehova ang mga tagubilin para sa pang-araw-araw na hain, inutusan niya si Haring David na organisahin ang mga saserdote at Levita para luwalhatiin, pasalamatan, at purihin Siya, at tiyak na kasama diyan ang pananalangin. (1Cr 16:4; 23:30; 2Cr 29:25, 26) Kaya talagang magkaugnay ang insenso at panalangin. (Aw 141:2; Apo 5:8; 8:3, 4) Sa oras ng panalangin, karaniwan nang nagtitipon sa mga looban ng templo ang mga tao. Malamang na ang ilan ay pumupunta doon para mapabanal ng mga saserdote sa araw na iyon, pero ang marami ay makikibahagi sa panalangin at pagsamba. (Luc 2:22-38) Ayon sa akda ng mga rabbi, nagpapalabunutan ang mga saserdote para makita kung sino sa mga hindi pa nakapaghandog ng insenso sa gintong altar ang mabibigyan ng karangalang ito na minsan lang nila tatanggapin sa buong buhay nila. Habang nagkakatipon ang lahat ng saserdote at Levita, papasok sa Banal ang napiling saserdote at kasabay nito ay mananalangin ang mga saserdote at ang bayan na nasa mga looban. Habang pumapailanlang ang mabangong usok ng insenso, patuloy na mananalangin nang tahimik ang bayan sa loob ng mga kalahating oras. (Luc 1:9, 10) Masayang magtatapos ang “oras ng panalangin,” dahil pagpapalain ang bayan (Bil 6:22-27) at isang grupo ng mga Levita ang kakanta ng awit para sa araw na iyon ng linggo.
ikasiyam na oras: Mga 3:00 n.h.—Tingnan ang study note sa Gaw 2:15.
Nazareno: Tingnan ang study note sa Mar 10:47.
Punong Kinatawan: Ang terminong Griego na ginamit dito (ar·khe·gosʹ) ay pangunahin nang nangangahulugang “punong lider; nangunguna.” Apat na beses itong ginamit sa Bibliya, at lagi itong tumutukoy kay Jesus. (Gaw 3:15; 5:31; Heb 2:10; 12:2) Ang salitang Griegong ito ay puwede ring tumukoy sa isa na nangunguna sa paghanap ng madadaanan o sa paggawa ng isang bagong bagay, at inihahanda niya ang mga bagay-bagay para sa iba. Dahil si Jesus ang Tagapamagitan ng Diyos at mga tao at ipinakita niya ang daan tungo sa buhay na walang hanggan, angkop lang na tawagin si Jesus na ang Punong Kinatawan para sa buhay. Ang ekspresyong isinaling “Punong Kinatawan” ay nagpapakitang opisyal siyang itinalaga bilang lider o pinuno. (Isang kaugnay na salita ang ginamit sa Gaw 7:27, 35 para tumukoy kay Moises bilang “tagapamahala” ng Israel.) Makikita sa pagkakagamit ng terminong ito dito na gagamitin siya ng Diyos para isakatuparan ang layunin Niya. Si Jesus ay naging “pantubos” kapalit ng marami. (1Ti 2:5, 6; Mat 20:28; Gaw 4:12) Pagkabuhay-muli kay Jesus, magagamit na niya ang bisa ng pantubos bilang Mataas na Saserdote at Hukom. Dahil sa sakripisyo niya, puwedeng mapalaya sa kasalanan at kamatayan ang mga taong nananampalataya dito. Kaya magaganap ang pagkabuhay-muli ng mga patay sa pamamagitan ni Jesus. (Ju 5:28, 29; 6:39, 40) Sa ganitong paraan niya binuksan ang daan tungo sa buhay na walang hanggan. (Ju 11:25; 14:6; Heb 5:9; 10:19, 20) Sa ilang Bibliya, isinalin ang ekspresyong ito na “Awtor” o “Tagapagpasimula” ng buhay, pero malinaw na ipinapakita ng Bibliya na hindi para kay Jesus ang mga titulong ito dahil galing sa Diyos ang kaniyang buhay at awtoridad at ginagamit lang siya ng Diyos.—Aw 36:9; Ju 6:57; Gaw 17:26-28; Col 1:15; Apo 3:14.
magsisi kayo at manumbalik: Ang salitang Griego na me·ta·no·eʹo, “magsisi,” ay puwedeng literal na isaling “magbago ng isip” at nangangahulugang pagbabago ng kaisipan, saloobin, o layunin. Sa kontekstong ito, kasama sa pagsisisi ang kagustuhan ng isang tao na maibalik o maayos ang kaugnayan niya sa Diyos. Kapag tunay ang pagsisisi ng isang makasalanan, talagang ikinalulungkot niya ang nagawa niya at determinado siyang hindi na ito maulit. (2Co 7:10, 11; tingnan ang study note sa Mat 3:2, 8.) Ang isang makasalanan na talagang nagsisisi ay mapapakilos na “manumbalik,” o tumalikod sa kaniyang maling landasin at gawin ang mga bagay na makapagpapasaya sa Diyos. Ang pandiwang Hebreo at Griego para sa “manumbalik” (sa Hebreo, shuv; sa Griego, streʹpho; e·pi·streʹpho) ay parehong nangangahulugang “bumalik; tumalikod” sa literal na paraan. (Gen 18:10; 50:14; Gaw 15:36) Pero kapag ginagamit ito sa espirituwal na diwa, puwede itong tumukoy sa pagtalikod sa maling landasin at panunumbalik sa Diyos.—1Ha 8:33; Eze 33:11; tingnan ang study note sa Gaw 15:3; 26:20.
mapatawad: O “mapawi.” Ang pandiwang Griego na ginamit dito ay nangangahulugang “burahin sa pamamagitan ng pagpunas.” Sa Bibliya, ginagamit ito para tumukoy sa pagpunas ng luha (Apo 7:17; 21:4) at sa pagbura ng mga pangalan sa aklat ng buhay (Apo 3:5). Sa kontekstong ito, nangangahulugan itong “alisin ang isang bagay nang walang maiiwang bakas.” Ayon sa ilang iskolar, ang ideyang ipinapakita dito ay gaya ng sa pagbubura ng sulat-kamay.—Ihambing ang Col 2:14, kung saan ang pandiwang Griego na ginamit din dito ay isinaling “binura.”
mga panahon: O “mga itinakdang panahon.” Ang salitang Griego na kai·rosʹ (ang anyong pangmaramihan ay isinalin ditong “mga panahon”) ay puwedeng tumukoy sa isang bahagi ng panahon o isang itinakda o espesipikong yugto ng “panahon” na makikilala dahil sa ilang partikular na tanda. (Mat 13:30; 21:34; Mar 11:13) Ginamit ang terminong Griegong ito para sa “takdang panahon” ng pagsisimula ng ministeryo ni Jesus (Mar 1:15) at sa “takdang panahon” ng kamatayan niya (Mat 26:18). Ginagamit din ito para tumukoy sa panahon sa hinaharap, na nasa talaorasan o kaayusan ng Diyos, partikular na ang may kaugnayan sa presensiya ni Kristo at sa kaniyang Kaharian.—Gaw 1:7; 1Te 5:1.
mula mismo kay Jehova: Ang mababasa sa natitirang mga manuskritong Griego sa ngayon ay “mula sa mukha ng Panginoon.” (Tingnan ang Ap. C.) Makikita sa konteksto ng Gaw 3:17-22 na ang “Panginoon” na tinutukoy dito ay hindi si Jesus, kundi ang Diyos na Jehova, na ‘magsusugo sa Kristo.’ (Gaw 3:20) Ang salitang Griego para sa “Panginoon” (Kyʹri·os) ay ginamit din sa Gaw 3:22 na sumipi mula sa Deu 18:15, kung saan lumitaw ang Tetragrammaton sa orihinal na tekstong Hebreo. (Tingnan ang study note sa Gaw 3:22.) Sa Hebreong Kasulatan, ang pariralang “mukha ni Jehova” ay kombinasyon ng salitang Hebreo para sa “mukha” at ng Tetragrammaton.—Exo 34:24, tlb.; Aw 34:16, tlb.; tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 3:19.
manatili ang isang ito: O “tanggapin ang isang ito.” Lumilitaw na tumutukoy ito sa panahong maghihintay si Jesus sa kanan ng Diyos sa langit hanggang sa magsimula ang panahong ibabalik sa dati ang lahat ng bagay.—Aw 110:1, 2; Luc 21:24; Heb 10:12, 13.
panahong ibalik sa dati ang lahat ng bagay: Ang salitang Griego para sa “ibalik sa dati” (a·po·ka·taʹsta·sis), na isinaling “pagsasauli” sa ilang Bibliya, ay galing sa a·poʹ, na nangangahulugang “ibalik” o “muli,” at ka·thiʹste·mi, na literal na nangangahulugang “ilatag.” Ang anyong pandiwa nito ay isinaling “ibabalik” sa Gaw 1:6. Ginamit ni Josephus ang salitang Griego para sa “ibalik sa dati” nang tukuyin niya ang pagbabalik ng mga Judio mula sa pagkakatapon nila sa Babilonya. Sa mga dokumentong papiro, ang salitang ito ay ginagamit may kaugnayan sa pagkukumpuni ng ilang gusali, pagbabalik ng mga ari-arian sa totoong may-ari nito, at pagbabalanse ng kuwenta. Hindi espesipikong sinasabi sa Gaw 3:21 kung anong mga bagay ang ibabalik sa dati, kaya matutukoy lang kung ano ang mga ito kapag pinag-aralan ang mensahe ng Diyos na ibinigay niya sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta noon. Ang pagbabalik sa dati ng mga bagay-bagay ay isang paulit-ulit na tema sa mga akda ng mga propetang Hebreo. Sa pamamagitan nila, nangako si Jehova ng isang lupain na ibinalik sa dating kalagayan, punô ng mga tao, mabunga, at ligtas mula sa mababangis na hayop at mga kaaway. Gaya ng paraiso ang paglalarawan niya sa lupaing ito! (Isa 65:25; Eze 34:25; 36:35) Higit sa lahat, itatayong muli ang templo at ibabalik ang dalisay na pagsamba. (Isa 2:1-5; Mik 4:1-5) Ang pagbabalik sa dati ng lahat ng bagay ay may espirituwal at literal na katuparan.
Jehova: Sa pagsiping ito sa Deu 18:15, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo. Kapansin-pansin na nang lumitaw ang pagsiping ito sa isang lumang piraso ng Griegong Septuagint (sa koleksiyong Papyrus Fouad Inv. 266), nakasulat ang pangalan ng Diyos sa kuwadradong mga letrang Hebreo (). Ang pirasong ito ay mula noong unang siglo B.C.E. (Tingnan ang Ap. A5.) Marami ring Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (may code na J7, 8, 10-12, 14-18, 20, 22-24, 28 sa Ap. C4) ang gumamit dito ng Tetragrammaton. Kaya kahit Kyʹri·os (Panginoon) ang mababasa sa natitirang mga manuskrito ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, may makatuwirang mga dahilan para gamitin ang pangalan ng Diyos sa mismong teksto.—Tingnan ang Ap. C.
sinumang: Dito, ang salitang Griego na psy·kheʹ, na isinasaling “kaluluwa” sa ibang konteksto, ay tumutukoy sa isang indibidwal o tao. (Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”) Isa ito sa ilang talata sa Kristiyanong Griegong Kasulatan na nagpapakitang ang psy·kheʹ ay namamatay at puwedeng mapuksa.—Tingnan ang study note sa Mat 2:20; tingnan din ang Heb 10:39; San 5:20.
supling: Lit., “binhi.”—Tingnan ang Ap. A2.