Jeremias 20:1-18
20 Ang anak ni Imer na si Pasur, na isang saserdote at nangungunang opisyal sa bahay ni Jehova, ay nakikinig habang inihuhula ni Jeremias ang mga bagay na ito.
2 At hinampas ni Pasur ang propetang si Jeremias at inilagay sa pangawan+ na nasa Mataas na Pintuang-Daan ng Benjamin, sa bahay ni Jehova.
3 Pero kinabukasan, nang pakawalan ni Pasur si Jeremias mula sa pangawan, sinabi sa kaniya ni Jeremias:
“Hindi na Pasur ang tawag sa iyo ni Jehova, kundi Matinding Takot sa Buong Palibot.+
4 Dahil ito ang sinabi ni Jehova, ‘Masisindak ka sa iyong sarili pati ang lahat ng kaibigan mo, at mamamatay sila sa espada ng mga kaaway nila habang nakatingin ka;+ at ibibigay ko ang buong Juda sa kamay ng hari ng Babilonya, at ipatatapon niya sila sa Babilonya at papatayin sa pamamagitan ng espada.+
5 At ang lahat ng kayamanan ng lunsod na ito, ang lahat ng pag-aari nito, ang lahat ng mahahalagang bagay rito, at ang lahat ng kayamanan ng mga hari ng Juda ay ibibigay ko sa kamay ng mga kaaway nila.+ Sasamsamin nila ang mga iyon at dadalhin sa Babilonya.+
6 At ikaw, Pasur, at ang lahat ng nakatira sa bahay mo, ay bibihagin. Dadalhin ka sa Babilonya at doon ka mamamatay, at ililibing ka roon kasama ng lahat ng kaibigan mo, dahil nanghula ka sa kanila ng mga kasinungalingan.’”+
7 Nilinlang mo ako, O Jehova, at nalinlang ako.
Ginamit mo ang lakas mo laban sa akin, at nagtagumpay ka.+
Naging katatawanan ako buong araw;Hinahamak ako ng lahat.+
8 Dahil sa tuwing magsasalita ako, kailangan kong ihayag,“Karahasan at pagkawasak!”
Iniinsulto ako at inaalipusta buong araw dahil sa salita ni Jehova.+
9 Kaya sinabi ko: “Hindi ko na siya babanggitin,At hindi na ako magsasalita sa pangalan niya.”+
Pero sa puso ko ay naging gaya ito ng nagniningas na apoy na nakakulong sa mga buto ko,At pagod na ako sa kapipigil;Hindi ko na ito matiis.+
10 Dahil marami akong naririnig na masamang usap-usapan;Nakakatakot sa buong palibot.+
“Tuligsain siya; tuligsain natin siya!”
Ang lahat ng nagsasabing magkaroon nawa ako ng kapayapaan ay naghihintay na bumagsak ako:+
“Baka sakaling malinlang siya at makagawa ng mali,At magtatagumpay tayo at makagaganti sa kaniya.”
11 Pero kasama ko si Jehova na gaya ng nakakatakot na mandirigma.+
Kaya ang mga umuusig sa akin ay mabubuwal at hindi mananaig.+
Malalagay sila sa malaking kahihiyan, dahil hindi sila magtatagumpay.
Ang kahihiyan nila ay hindi malilimutan kailanman.+
12 Pero ikaw, O Jehova ng mga hukbo, ang sumusuri sa matuwid;Nakikita mo ang kaloob-looban ng isip* at ang puso.+
Ipakita mo sa akin ang paghihiganti mo sa kanila,+Dahil sa iyo ko ipinagkatiwala ang kaso ko.+
13 Umawit kayo kay Jehova! Purihin ninyo si Jehova!
Dahil iniligtas niya ang dukha mula sa kamay ng mga gumagawa ng masama.
14 Sumpain ang araw na ipinanganak ako!
Huwag nawang pagpalain ang araw na ipinanganak ako ng aking ina!+
15 Sumpain ang tao na nagdala ng magandang balita sa ama ko:
“Nanganak na ang asawa mo, lalaki!”
Na labis na nagpasaya sa kaniya.
16 Ang taong iyon ay maging gaya nawa ng mga lunsod na giniba ni Jehova nang walang pagkalungkot.
Makarinig nawa siya ng hiyaw sa umaga at ng babalang hudyat sa katanghaliang-tapat.
17 Bakit hindi na lang niya ako pinatay sa sinapupunan,Para ang aking ina ang naging libingan koAt nanatili na lang siyang nagdadalang-tao?+
18 Bakit ipinanganak pa akoPara makakita ng hirap at pamimighatiAt magwakas ang buhay ko sa kahihiyan?+
Talababa
^ O “ang kaibuturan ng damdamin.” Lit., “ang mga bato.”