Levitico 20:1-27
20 Sinabi pa ni Jehova kay Moises:
2 “Sabihin mo sa mga Israelita, ‘Sinumang Israelita at sinumang dayuhang naninirahan sa Israel na magbigay ng supling niya kay Molec ay dapat patayin.+ Babatuhin siya ng mga tao sa lupain hanggang sa mamatay siya.
3 Itatakwil ko ang* taong iyon, at papatayin ko siya, dahil ibinigay niya kay Molec ang ilan sa supling niya at pinarumi ang aking banal na lugar+ at nilapastangan ang aking banal na pangalan.
4 Kung magbulag-bulagan ang mga tao sa lupain sa ginawa ng taong iyon nang ibigay niya kay Molec ang supling niya at hindi nila siya patayin,+
5 ako mismo ang kikilos laban sa* taong iyon at sa pamilya niya.+ Papatayin ko siya at ang lahat ng sumama sa kaniya sa pagsamba* kay Molec.
6 “‘Kung maging di-tapat* sa akin ang isang tao dahil humingi siya ng tulong sa mga espiritista+ at sa mga manghuhula,+ itatakwil ko ang* taong iyon at papatayin.+
7 “‘Dapat kayong manatiling malinis at maging banal,+ dahil ako ang Diyos ninyong si Jehova.
8 Dapat ninyong sundin ang mga batas ko at tuparin ang mga iyon.+ Akong si Jehova ang nagpapabanal sa inyo.+
9 “‘Kung may sinuman na sumumpa sa kaniyang ama o ina, dapat siyang patayin.+ Dahil isinumpa niya ang kaniyang ama o ina, siya ang dahilan ng sarili niyang kamatayan.*
10 “‘Ito naman ang dapat gawin sa lalaking nangalunya sa asawa ng ibang lalaki: Ang lalaking nangalunya sa asawa ng kapuwa niya ay dapat patayin, ang lalaki at babaeng nangalunya.+
11 Ang isang lalaking sumiping sa asawa ng kaniyang ama ay naglagay sa ama niya sa kahihiyan.*+ Silang dalawa ay dapat patayin. Sila ang dahilan ng sarili nilang kamatayan.*
12 Kung sumiping ang isang lalaki sa manugang niyang babae, silang dalawa ay dapat patayin. Lumabag sila sa kung ano ang likas. Sila ang dahilan ng sarili nilang kamatayan.*+
13 “‘Kung ang isang lalaki ay sumiping sa isang lalaki kung paanong sumisiping ang isa sa isang babae, silang dalawa ay nakagawa ng kasuklam-suklam na bagay.+ Dapat silang patayin. Sila ang dahilan ng sarili nilang kamatayan.*
14 “‘Kung maging asawa ng isang lalaki ang isang babae at sipingan din niya ang ina nito, iyon ay mahalay na paggawi.*+ Dapat nila siyang sunugin pati ang mag-ina,+ para hindi magpatuloy ang mahalay na paggawi sa gitna ninyo.
15 “‘Kung makipagtalik ang isang lalaki sa isang hayop, dapat siyang patayin, at dapat ninyong patayin ang hayop.+
16 Kung lumapit ang isang babae sa anumang hayop para makipagtalik dito,+ papatayin mo ang babae at ang hayop. Dapat silang patayin. Sila ang dahilan ng sarili nilang kamatayan.*
17 “‘Kung makipagtalik ang isang lalaki sa kapatid niyang babae, na anak ng kaniyang ama o ina, at makita niya ang kahubaran nito at makita nito ang kahubaran niya, iyon ay kahiya-hiya.+ Dapat silang patayin sa harap ng bayan. Inilagay niya sa kahihiyan ang* kapatid niyang babae. Mananagot siya dahil sa kasalanan niya.
18 “‘Kung makipagtalik ang isang lalaki sa isang babaeng nireregla, inihantad nila ang pagdurugo ng babae.+ Silang dalawa ay dapat patayin.
19 “‘Huwag kang makikipagtalik sa kapatid na babae ng iyong ina o ama, dahil sa paggawa nito ay inilalagay mo sa kahihiyan ang isang kadugo.+ Mananagot sila dahil sa kasalanan nila.
20 Ang isang lalaking sumiping sa asawa ng tiyo niya ay naglagay sa tiyo niya sa kahihiyan.*+ Mananagot sila dahil sa kasalanan nila. Mamamatay silang walang anak.
21 Kung kunin ng isang lalaki ang asawa ng kapatid niyang lalaki, iyon ay kasuklam-suklam.+ Inilagay niya sa kahihiyan ang* kapatid niyang lalaki. Hindi sila magkakaanak.
22 “‘Dapat ninyong sundin ang lahat ng aking batas at hudisyal na pasiya+ at tuparin ang mga iyon,+ para hindi kayo isuka ng lupain kung saan ko kayo dadalhin para manirahan.+
23 Huwag kayong susunod sa mga batas ng mga bansang palalayasin ko sa harap ninyo;+ dahil ginawa nila ang lahat ng ito at kinamumuhian ko sila.+
24 Kaya sinabi ko sa inyo: “Kukunin ninyo ang lupain nila, at ibibigay ko iyon sa inyo bilang pag-aari, isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.+ Ako ang Diyos ninyong si Jehova, na nagbukod sa inyo mula sa mga bayan.”+
25 Dapat na alam ninyo ang pagkakaiba ng malinis at maruming hayop at ng marumi at malinis na ibon;+ huwag ninyong gagawing kasuklam-suklam ang inyong sarili dahil sa hayop o ibon o anumang gumagapang sa lupa na ibinukod ko para ituring ninyong marumi.+
26 Dapat kayong maging banal sa harap ko, dahil akong si Jehova ay banal,+ at ibinubukod ko kayo mula sa mga bayan para maging akin.+
27 “‘Sinumang lalaki o babae na isang espiritista o manghuhula ay dapat patayin.+ Babatuhin sila ng bayan hanggang sa mamatay sila. Sila ang dahilan ng sarili nilang kamatayan.’”*
Talababa
^ Lit., “Ang mukha ko ay magiging laban sa.”
^ Lit., “ang mukha ko ay magiging laban sa.”
^ O “pagsasagawa ng prostitusyon.”
^ O “Kung magkasala ng espirituwal na prostitusyon.”
^ Lit., “ang mukha ko ay magiging laban sa.”
^ Lit., “ang sarili niyang dugo ay nasa kaniya.”
^ Lit., “naghantad sa kahubaran ng ama niya.”
^ Lit., “Ang sarili nilang dugo ay nasa kanila.”
^ Lit., “Ang sarili nilang dugo ay nasa kanila.”
^ Lit., “Ang sarili nilang dugo ay nasa kanila.”
^ O “kahiya-hiyang paggawi; kalaswaan.”
^ Lit., “Ang sarili nilang dugo ay nasa kanila.”
^ Lit., “Inihantad niya ang kahubaran ng.”
^ Lit., “naghantad sa kahubaran ng tiyo niya.”
^ Lit., “Inihantad niya ang kahubaran ng.”
^ Lit., “Ang sarili nilang dugo ay nasa kanila.”