Ayon kay Lucas 14:1-35
Talababa
Study Notes
minamanas: O “edema,” sobrang likido sa katawan na nagdudulot ng pamamaga. Ang terminong ito ay ginagamit ng mga doktor noon; si Hippocrates ang unang gumamit nito, isang Griegong doktor noong ikalima at ikaapat na siglo B.C.E. Kinatatakutan ang pamamanas dahil posibleng sintomas ito na malala ang kondisyon ng mahahalagang sangkap ng katawan at kadalasan nang bigla na lang namamatay ang isang taong minamanas. Naniniwala ang ilan na pakana ng mga Pariseo na dalhin ang lalaking ito kay Jesus sa araw ng Sabbath, dahil sinasabi sa talata 1: “Binabantayan nila siyang mabuti.” Isa ito sa di-bababa sa anim na himala na sa Ebanghelyo lang ni Lucas binanggit.—Tingnan ang “Introduksiyon sa Lucas.”
mga upuan para sa importanteng mga bisita: Sa mga handaan noong panahon ni Jesus, ang mga bisita ay nakahilig sa malalambot na upuan na nasa tatlong panig ng isang mesa. Ang ikaapat na panig ay para sa paghahain ng pagkain. Ang bilang ng upuan ay depende sa laki ng mesa. Apat o lima ang kasya sa isang upuan, pero karaniwan nang tatlo lang ang umuupo roon. Ang mga bisita ay nakaharap sa mesa, nakapatong sa kutson ang kaliwang siko nila, at kanang kamay ang ginagamit nila sa pagkuha ng pagkain. Ang puwesto ng tatlong bisitang nakahilig sa isang upuan ay depende sa importansiya nila.
ilustrasyon: O “talinghaga.”—Tingnan ang study note sa Mat 13:3.
kumakain: O “nasa handaan.” Lit., “kumakain ng tinapay.” Noong panahon ng Bibliya, karaniwan nang may tinapay kapag kumakain ang mga Hebreo at Griego, kaya ang ekspresyong “kumain ng tinapay” ay nangangahulugang “kumain (ng anumang pagkain).” Ang terminong Hebreo na “kumain ng tinapay” ay kadalasan nang isinasaling “kumain.” (Gen 37:25; 2Sa 9:7; 2Ha 4:8; Ec 9:7) Sa Luc 14:1, ang ekspresyong Griego na literal na nangangahulugang “kumain ng tinapay” ay isinalin ding “kumain.”
napopoot: Sa Bibliya, ang terminong “poot” ay may iba’t ibang kahulugan. Puwede itong tumukoy sa matinding galit, na nagtutulak sa isang tao na saktan ang iba. Puwede rin itong mangahulugan na ayaw na ayaw ng isa sa isang tao o bagay kaya iniiwasan niya ito. Pero puwede rin itong tumukoy sa mas kaunting pagmamahal. Halimbawa, nang sabihing “kinapopootan” ni Jacob si Lea at mahal niya si Raquel, nangangahulugan lang ito na mas mahal niya si Raquel kaysa kay Lea (Gen 29:31, tlb.; Deu 21:15, tlb.), at ginagamit din ang terminong ito sa ganitong diwa sa iba pang akdang Judio noon. Kaya hindi sinasabi dito ni Jesus na dapat kamuhian ng mga tagasunod niya ang sarili nila o ang pamilya nila, dahil salungat ito sa sinasabi ng iba pang bahagi ng Kasulatan. (Ihambing ang Mar 12:29-31; Efe 5:28, 29, 33.) Sa kontekstong ito, sinasabi lang ni Jesus na dapat na mas mahal nila siya kaysa sa pamilya nila.
buhay: Ang kahulugan ng salitang Griego na psy·kheʹ, na isinasalin kung minsan na “kaluluwa,” ay depende sa konteksto. Dito, tumutukoy ito sa buhay ng isang tao. Kaya sinasabi dito ni Jesus na para maging tunay na alagad, dapat na mas mahal ng isang tao si Jesus kaysa sa sarili niyang buhay at handa pa nga siyang mamatay kung kinakailangan.—Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
pahirapang tulos: O “tulos na pambitay.” Sa klasikal na Griego, ang salitang stau·rosʹ ay pangunahing tumutukoy sa isang patayong tulos o poste. Kapag ginagamit sa makasagisag na paraan sa Kasulatan, tumutukoy ito kung minsan sa pagdurusa, kahihiyan, kalupitan, at kamatayan pa nga na nararanasan ng mga tao dahil sa pagiging tagasunod ni Jesus. Ito ang ikatlong pagkakataon na sinabi ni Jesus sa mga alagad niya na dapat silang magpasan ng pahirapang tulos; ang naunang dalawang pagkakataon ay nakaulat sa (1) Mat 10:38; (2) Mat 16:24; Mar 8:34; Luc 9:23.—Tingnan sa Glosari.
asin: Isang mineral na ginagamit na preserbatibo at pampalasa ng pagkain.—Tingnan ang study note sa Mat 5:13.
mawala ang alat: Tingnan ang study note sa Mat 5:13.