Ayon kay Marcos 3:1-35
Talababa
Study Notes
Tiningnan niya sila nang may galit. Lungkot na lungkot siya: Si Marcos lang ang nag-ulat ng reaksiyon ni Jesus nang makita niyang manhid ang puso ng mga relihiyosong lider. (Mat 12:13; Luc 6:10) Posibleng si Pedro ang pinagmulan ng ulat na ito tungkol sa naramdaman ni Jesus dahil nakadarama rin siya ng matitinding emosyon.—Tingnan ang “Introduksiyon sa Marcos.”
nakipagsabuwatan: Ito ang una sa dalawang pagkakataon na espesipikong binanggit ng Bibliya na nagsabuwatan ang dalawang magkalabang partido, ang mga Pariseo at mga tagasuporta ni Herodes, para maipapatay si Jesus. Ang ikalawang pagkakataon ay pagkalipas pa ng halos dalawang taon, tatlong araw bago patayin si Jesus. Ipinapakita nito na matagal na nagplano ang mga grupong ito laban kay Jesus.—Mat 22:15-22.
mga tagasuporta ni Herodes: Tingnan sa Glosari.
lawa: Ang Lawa ng Galilea.—Tingnan ang study note sa Mat 4:18.
Idumea: Noong panahon ng ministeryo ni Jesus, ang Idumea ang pinakatimog na rehiyon ng Romanong lalawigan ng Judea. (Tingnan ang Ap. B10.) Sa Griego, ang “Idumea” ay nangangahulugang “[Lupain] ng mga Edomita.” Noong una, ang mga Edomita ay nakatira sa timog ng Dagat na Patay. (Tingnan ang Ap. B3 at B4.) Nasakop sila ni Haring Nabonido ng Babilonya noong ikaanim na siglo B.C.E. Noong mga ikaapat na siglo B.C.E., ang mga Nabataean Arab na ang naninirahan sa lupain ng mga Edomita, kaya lumipat ang mga Edomita sa Negeb sa hilaga, hanggang sa rehiyong malapit sa Hebron, at tinawag nila ang lupain na Idumea. Sinakop sila ng mga Hasmoneano (mga Macabeo) at pinagbantaang palalayasin kung hindi sila magpapatuli at mamumuhay kaayon ng kautusang Judio. Kabilang sa sumunod sa kautusan at kaugaliang Judio ang mga ninuno ng mga Herodes.
mula sa kabila ng Jordan: Maliwanag na tumutukoy sa rehiyon na nasa silangan ng Jordan, na tinatawag ding Perea (mula sa salitang Griego na peʹran, na nangangahulugang “sa kabilang panig”).
pinagbawalang sabihin sa iba ang tungkol sa kaniya: Sa ibang salita, pinagbawalan niya silang sabihin sa iba kung sino siya. Alam ng masasamang espiritu na si Jesus ang “Anak ng Diyos,” at iyan ang tawag nila sa kaniya (tal. 11), pero ayaw ni Jesus na magpatotoo ang mga demonyo tungkol sa kaniya. Sila ay mga itinakwil, rebelde, napopoot sa kabanalan, at mga kaaway ng Diyos. (Tingnan ang study note sa Mar 1:25.) Gayundin, nang may “isang demonyo ng panghuhula” na kumontrol sa isang babae para tukuyin sina Pablo at Silas bilang “mga alipin ng Kataas-taasang Diyos” at tagapaghayag ng “daan ng kaligtasan,” pinalayas ni Pablo ang espiritung iyon mula sa babae.—Gaw 16:16-18.
mga apostol: O “mga isinugo.” Ang salitang Griego na a·poʹsto·los ay mula sa pandiwang a·po·stelʹlo, na ginamit sa huling bahagi ng talata at isinaling “isusugo.”—Tingnan ang study note sa Mat 10:2.
na binigyan din niya ng pangalang Pedro: Ang pangalang ibinigay ni Jesus kay Simon ay nangangahulugang “Isang Bato.” (Ju 1:42) Kung nakita ni Jesus na si Natanael ay isang lalaki na “walang anumang pagkukunwari” (Ju 1:47), nakita rin niya ang pagkatao ni Pedro. Nakapagpakita si Pedro ng mga katangiang gaya ng sa bato, lalo na nang mamatay si Jesus at buhaying muli.—Tingnan ang study note sa Mat 10:2.
Boanerges: Semitikong ekspresyon na makikita lang sa ulat ni Marcos. Ibinigay ni Jesus kina Santiago at Juan ang pangalang ito, na malamang na nagpapakita ng nag-aalab nilang sigasig.—Luc 9:54.
na nangangahulugang: Ang mga terminong ipinapaliwanag o isinasalin ni Marcos ay pamilyar na sa mga mambabasang Judio. Ipinapakita lang nito na ang ulat niya ay para sa mga di-Judio.
Mga Anak ng Kulog: Sa Hebreo, Aramaiko, at Griego, ang pananalitang “(mga) anak ng” ay ginagamit para tukuyin ang isang tao na kilala sa isang partikular na katangian o para ilarawan ang isang grupo ng tao.—Tingnan ang study note sa Boanerges sa talatang ito at ang study note sa Gaw 4:36.
Bartolome: Nangangahulugang “Anak ni Tolmai.” Ipinapalagay na siya si Natanael na binanggit ni Juan. (Ju 1:45, 46) Sa mga Ebanghelyo, makikitang pinag-uugnay nina Mateo at Lucas sina Bartolome at Felipe kung paanong pinag-uugnay ni Juan sina Natanael at Felipe.—Mat 10:3; Luc 6:14.
Santiago na anak ni Alfeo: Maliwanag na siya rin ang alagad na tinatawag na “Santiago na Nakabababa” sa Mar 15:40. Ipinapalagay na si Alfeo at si Clopas ay iisa (Ju 19:25), kaya masasabing siya rin ang asawa ng “isa pang Maria” (Mat 27:56; 28:1; Mar 15:40; 16:1; Luc 24:10). Ang Alfeo na binanggit dito ay maliwanag na iba sa Alfeo na binanggit sa Mar 2:14, na ama ni Levi.
Tadeo: Sa listahan ng mga apostol sa Luc 6:16 at Gaw 1:13, hindi kasama ang pangalang Tadeo; ang mababasa doon ay “Hudas na anak ni Santiago,” kaya masasabing ang Tadeo ay isa pang pangalan ng apostol na tinawag ni Juan na “Hudas, hindi si Hudas Iscariote.” (Ju 14:22) Posibleng ginagamit minsan ang pangalang Tadeo dahil baka mapagkamalan siyang si Hudas Iscariote, ang Hudas na nagtraidor.
Cananeo: Itinatawag kay apostol Simon para ipakitang iba siya sa apostol na si Simon Pedro. (Mat 10:4) Ipinapalagay na ang terminong ito ay mula sa salitang Hebreo o Aramaiko, na nangangahulugang “Panatiko; Masigasig.” Tinukoy ni Lucas ang Simon na ito bilang “masigasig,” gamit ang salitang Griego na ze·lo·tesʹ, na nangangahulugan ding “panatiko; masigasig.” (Luc 6:15; Gaw 1:13) Posibleng si Simon ay dating kasama sa Mga Panatiko, isang partidong Judio na kontra sa mga Romano, pero posible ring tinawag siyang Cananeo dahil sa kaniyang sigasig.
Iscariote: Tingnan ang study note sa Mat 10:4.
mga kamag-anak niya: Posibleng kasama rito ang mga kapatid ni Jesus sa ina na sina Santiago at Hudas (Judas), na parehong sumulat ng isang aklat ng Bibliya. Ang pangalan ng apat na kapatid ni Jesus sa ina ay binanggit sa Mat 13:55 at Mar 6:3.—Tingnan ang study note sa Mat 13:55.
Beelzebub: Tumutukoy kay Satanas.—Tingnan ang study note sa Mat 10:25.
ilustrasyon: Tingnan ang study note sa Mat 13:3.
pamilya: O “sambahayan.” Ang terminong Griego para sa “pamilya” ay puwedeng tumukoy sa isang pamilya o sa isang buong sambahayan; halimbawa, kasama sa sambahayan ng isang hari ang iba pang nasa palasyo niya. (Gaw 7:10; Fil 4:22) Ginamit ang terminong ito para tumukoy sa mga namamahalang dinastiya, gaya ng mga Herodes at mga Cesar, na ang mga pamilya ay karaniwan nang di-nagkakasundo at naglalabanan.
mawawasak: O “hindi makakatayo.”—Tingnan ang study note sa pamilya sa talatang ito.
namumusong laban sa banal na espiritu: Ang pamumusong ay tumutukoy sa mapanghamak, mapaminsala, o mapang-abusong pananalita laban sa Diyos o sa sagradong mga bagay. Dahil ang banal na espiritu ay nanggagaling mismo sa Diyos, ang sadyang pagkontra at hindi pagkilala sa pagkilos nito ay katumbas ng pamumusong sa Diyos. Gaya ng ipinapakita sa Mat 12:24, 28 at Mar 3:22, nakita ng mga Judiong lider ng relihiyon ang pagkilos ng espiritu ng Diyos kay Jesus nang gumawa siya ng mga himala, pero sinasabi nilang nagmula ang kapangyarihang ito kay Satanas na Diyablo.
nagkasala siya ng walang-hanggang kasalanan: Lumilitaw na tumutukoy sa sinasadyang kasalanan na walang kapatawaran kahit kailan; walang handog na makapagtatakip sa kasalanang ito.—Tingnan ang study note sa namumusong laban sa banal na espiritu sa talatang ito at ang study note sa Mat 12:31, na kaparehong ulat nito.
mga kapatid: Mga kapatid ni Jesus sa ina. Binanggit ang mga pangalan nila sa Mat 13:55 at Mar 6:3.—Tingnan ang study note sa Mat 13:55 para sa ibig sabihin ng terminong “kapatid.”
Tingnan ninyo, ang aking ina at mga kapatid!: Ipinapakita dito ni Jesus ang kaibahan ng mga kapatid niya sa espirituwal, ang kaniyang mga alagad, sa mga kapatid niya sa dugo, na ang ilan ay lumilitaw na hindi nananampalataya sa kaniya. (Ju 7:5) Ipinapakita niyang gaanuman kalapít ang ugnayan niya sa kaniyang mga kapamilya, mas malapít ang kaugnayan niya sa mga gumagawa ng “kalooban ng Diyos.”—Mar 3:35.