Ayon kay Mateo 15:1-39

15  Pagkatapos, may lumapit kay Jesus na mga Pariseo at mga eskriba mula sa Jerusalem.+ Sinabi nila: 2  “Bakit nilalabag ng mga alagad mo ang tradisyon ng mga ninuno natin? Halimbawa, hindi sila naghuhugas ng kamay+ bago kumain.”+ 3  Sinabi ni Jesus sa kanila: “Bakit ninyo nilalabag ang utos ng Diyos dahil sa tradisyon ninyo?+ 4  Halimbawa, sinabi ng Diyos, ‘Parangalan* mo ang iyong ama at ina,’+ at, ‘Ang nagsasalita ng masama* sa kaniyang ama o ina ay papatayin.’*+ 5  Pero sinasabi ninyo, ‘Sinumang nagsasabi sa kaniyang ama o ina: “Anumang mayroon ako na makatutulong sa inyo ay naialay ko na sa Diyos,”+ 6  hindi na niya kailangang parangalan pa ang kaniyang ama.’ Kaya winawalang-halaga ninyo ang salita ng Diyos dahil sa inyong tradisyon.+ 7  Kayong mga mapagkunwari, tama ang inihula ni Isaias tungkol sa inyo:+ 8  ‘Pinararangalan ako ng bayang ito sa pamamagitan ng mga labi nila, pero malayong-malayo ang puso nila sa akin. 9  Walang saysay ang patuloy na pagsamba nila sa akin, dahil mga utos ng tao ang itinuturo nila bilang doktrina.’”+ 10  Pagkatapos, pinalapit niya ang mga tao at sinabi sa kanila: “Makinig kayo at unawain ninyo ito:+ 11  Hindi ang pumapasok sa bibig ng isang tao ang nagpaparumi sa kaniya, kundi ang lumalabas sa bibig niya ang nagpaparumi sa kaniya.”+ 12  Pagkatapos, lumapit ang mga alagad at sinabi nila sa kaniya: “Alam mo bang hindi nagustuhan ng mga Pariseo ang sinabi mo?”+ 13  Sumagot siya: “Bawat pananim na hindi itinanim ng Ama kong nasa langit ay bubunutin. 14  Pabayaan ninyo sila. Sila ay bulag na mga tagaakay. At kung isang taong bulag ang umaakay sa taong bulag, pareho silang mahuhulog sa hukay.”+ 15  Sinabi ni Pedro sa kaniya: “Ipaliwanag mo sa amin ang ilustrasyon.”+ 16  Kaya sinabi ni Jesus: “Kayo rin ba ay hindi pa nakauunawa?+ 17  Hindi ba ninyo alam na anumang pumapasok sa bibig ay dumadaan sa tiyan at inilalabas ng katawan? 18  Pero anumang lumalabas sa bibig ay nanggagaling sa puso, at iyon ang nagpaparumi sa isang tao.+ 19  Halimbawa, nanggagaling sa puso ang masasamang kaisipan:+ pagpatay, pangangalunya, seksuwal na imoralidad, pagnanakaw, di-totoong testimonya, pamumusong.* 20  Ito ang mga bagay na nagpaparumi sa isang tao; pero ang kumain nang hindi muna naghuhugas ng kamay ay hindi nagpaparumi sa isang tao.” 21  Pag-alis doon, pumunta naman si Jesus sa rehiyon ng Tiro at Sidon.+ 22  Isang babae mula sa rehiyong iyon ng Fenicia ang lumapit sa kaniya at nakiusap: “Maawa ka sa akin, Panginoon, Anak ni David. Hirap na hirap ang anak kong babae dahil sinasaniban siya ng demonyo.”+ 23  Pero wala siyang sinabing anuman sa babae. Kaya lumapit ang mga alagad kay Jesus at sinabi sa kaniya: “Paalisin mo siya, dahil sigaw siya nang sigaw sa likuran natin.” 24  Sumagot siya: “Isinugo ako para lang sa nawawalang mga tupa ng sambahayan ng Israel.”+ 25  Pero lumapit sa kaniya ang babae at lumuhod. Sinabi nito: “Panginoon, tulungan mo ako!” 26  Sinabi ni Jesus: “Hindi tama na kunin ang tinapay ng mga anak at ihagis ito sa maliliit na aso.” 27  Sinabi ng babae: “Oo, Panginoon, pero kinakain ng maliliit na aso ang mga mumo na nalalaglag mula sa mesa ng mga amo nila.”+ 28  Sumagot si Jesus sa kaniya: “Malaki ang pananampalataya mo; mangyari nawa ang hinihiling mo.” At ang anak niyang babae ay gumaling nang oras na iyon. 29  Pag-alis doon, pumunta naman si Jesus malapit sa Lawa ng Galilea.+ Umakyat siya sa bundok at naupo. 30  At maraming tao ang lumapit sa kaniya, at may kasama silang mga lumpo, baldado, bulag, pipi, at maraming iba pang maysakit. Dinala nila ang mga ito sa kaniyang paanan, at pinagaling niya ang mga ito.+ 31  Namangha ang mga tao habang nakikita nilang nakapagsasalita ang mga pipi, gumagaling ang mga baldado, nakapaglalakad ang mga lumpo, at nakakakita ang mga bulag. At pinuri nila ang Diyos ng Israel.+ 32  Pero tinawag ni Jesus ang mga alagad niya at sinabi: “Naaawa ako sa mga tao.+ Tatlong araw ko na silang kasama at wala na silang makain. Ayokong pauwiin sila nang gutom* dahil baka manghina sila sa daan.”+ 33  Pero sinabi sa kaniya ng mga alagad: “Saan sa liblib na lugar na ito tayo kukuha ng sapat na tinapay para mapakain ang ganito karaming tao?”+ 34  Sinabi ni Jesus sa kanila: “Ilan ang tinapay ninyo?” Sumagot sila: “Pito, at ilang maliliit na isda.” 35  Kaya pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao, 36  at kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda. Pagkatapos magpasalamat sa Diyos, pinagpira-piraso niya ang mga ito at ibinigay sa mga alagad; ibinigay naman ito ng mga alagad sa mga tao.+ 37  At kumain silang lahat at nabusog, at nang tipunin nila ang natirang mga piraso, pitong malalaking basket ang napuno nila.+ 38  Ang kumain ay 4,000 lalaki, bukod pa sa mga babae at mga bata. 39  At matapos pauwiin ang mga tao, sumakay siya sa bangka at pumunta sa lupain ng Magadan.+

Talababa

O “tiyak na mamamatay.”
O “Ang nanlalait.”
O “Igalang.”
Tingnan sa Glosari.
O “walang pagkain; nag-aayuno.”

Study Notes

naghuhugas ng kamay: Tumutukoy sa paglilinis sa seremonyal na paraan bilang pagsunod sa tradisyon at hindi para sa kalinisan. Nang maglaon, sinabi sa Babilonyong Talmud (Sotah 4b) na ang hindi paghuhugas ng kamay bago kumain ay kasimbigat ng pakikipagtalik sa babaeng bayaran. Sinabi pa nito na ang mga nagwawalang-bahala sa paghuhugas ng kamay ay “bubunutin mula sa sanlibutan.”

naialay . . . na sa Diyos: Itinuturo ng mga eskriba at Pariseo na ang pera, pag-aari, o anumang bagay na inialay ng isa sa Diyos ay nakalaan na sa templo. Ayon sa tradisyong ito, anumang bagay na inialay ng isang anak ay puwede niyang itabi para sa sarili niyang kapakanan, at puwede niyang sabihing nakalaan na ito sa templo. Lumilitaw na may mga gustong tumakas sa pananagutan nilang pangalagaan ang mga magulang nila kaya iniaalay nila ang mga pag-aari nila sa ganitong paraan.—Mat 15:6.

mapagkunwari: Tingnan ang study note sa Mat 6:2.

ilustrasyon: O “talinghaga.”​—Tingnan ang study note sa Mat 13:3.

pangangalunya: Ginamit dito ang anyong pangmaramihan ng salitang Griego para sa “pangangalunya” (moi·kheiʹa), at puwede itong isaling “mga kaso ng pangangalunya.”—Tingnan sa Glosari.

seksuwal na imoralidad: Ginamit dito ang anyong pangmaramihan ng salitang Griego na por·neiʹa, at puwede itong isaling “mga imoral na gawain.”—Tingnan ang study note sa Mat 5:32 at Glosari.

babae mula sa . . . Fenicia: O “Canaanita.” Sa Griego, Kha·na·naiʹa. Ang mga nakatira noon sa Fenicia ay nagmula kay Canaan, apo ni Noe. (Gen 9:18; 10:6) Nang maglaon, ang “Canaan” ay pangunahin nang tumutukoy sa Fenicia.—Tingnan ang study note sa Mar 7:26, kung saan tinawag ang babae na “Sirofenisa.”

Anak ni David: Tingnan ang study note sa Mat 1:1; 15:25.

lumuhod: O “yumukod; nagbigay-galang.” Sa pagtawag kay Jesus na “Anak ni David” (Mat 15:22), maliwanag na kinilala ng di-Judiong babaeng ito na siya ang ipinangakong Mesiyas. Lumuhod ang babae sa harap ni Jesus, hindi dahil isa siyang diyos o bathala, kundi dahil kinatawan siya ng Diyos.—Tingnan ang study note sa Mat 2:2; 8:2; 14:33; 18:26.

mga anak . . . maliliit na aso: Dahil ang mga aso ay itinuturing na marumi sa Kautusang Mosaiko, madalas gamitin ang terminong ito sa Kasulatan sa negatibong paraan. (Lev 11:27; Mat 7:6; Fil 3:2; Apo 22:15) Pero sa ulat nina Marcos (7:27) at Mateo tungkol sa pakikipag-usap na ito ni Jesus, pareho silang gumamit ng pangmaliit na anyo ng termino para sa aso na nangangahulugang “maliit na aso” o “alagang aso sa bahay,” kaya hindi ito nakakainsulto. Ipinapahiwatig nito na ang ginamit ni Jesus ay isang malambing na termino para sa mga alagang aso sa tahanan ng mga di-Judio. Dahil itinulad ni Jesus ang mga Israelita sa “mga anak” at ang mga di-Judio sa “maliliit na aso,” maliwanag na gusto lang sabihin ni Jesus kung sino ang dapat unahin. Sa isang bahay na may mga anak at aso, ang mga anak muna ang pakakainin.

gumagaling ang mga baldado: Wala ang pananalitang ito sa ilang manuskrito, pero mababasa ito sa karamihan ng lumang manuskrito at sa maraming bagong manuskrito.

Naaawa: O “Nahahabag.”​—Tingnan ang study note sa Mat 9:36.

malalaking basket: Ang salitang Griego na ginamit dito, sphy·risʹ, ay posibleng tumutukoy sa basket na mas malaki kaysa sa mga basket na binanggit sa ulat tungkol sa pagpapakain ni Jesus sa mga 5,000 lalaki. (Tingnan ang study note sa Mat 14:20.) Ito rin ang salitang Griego para sa “malaking basket” na ginamit nang idaan si Pablo sa isang butas sa pader ng Damasco para makababa.—Tingnan ang study note sa Gaw 9:25.

bukod pa sa mga babae at mga bata: Si Mateo lang ang nag-ulat na may mga babae at bata nang mangyari ang himalang ito. Kaya posibleng mahigit 12,000 ang lahat ng makahimalang pinakain.

Magadan: Walang lugar sa ngayon sa rehiyon sa palibot ng Lawa ng Galilea na tinatawag na Magadan, pero ang ilang iskolar ay naniniwala na ito rin ang Magdala, na sinasabing ang Khirbet Majdal (Migdal), mga 6 km (3.5 mi) sa hilagang-kanluran ng Tiberias. Sa kaparehong ulat (Mar 8:10), ang lugar na ito ay tinatawag na Dalmanuta.—Tingnan ang Ap. B10.

Media