Ayon kay Mateo 27:1-66

27  Nang mag-umaga na, pinag-usapan ng lahat ng punong saserdote at matatandang lalaki ng bayan kung paano maipapapatay si Jesus.+ 2  Matapos siyang gapusin, dinala nila siya kay Pilato, ang gobernador.+ 3  Nang makita ng nagtraidor na si Hudas na nahatulan na si Jesus, nabagabag siya at ibinalik niya ang 30 pirasong pilak sa mga punong saserdote at matatandang lalaki+ 4  at sinabi: “Nagkasala ako. Nagtraidor ako sa isang taong matuwid.” Sinabi nila: “Ano ngayon sa amin? Problema mo na iyan!” 5  Kaya inihagis niya sa templo ang mga piraso ng pilak. Pagkatapos, umalis siya at nagbigti.+ 6  Pero kinuha ng mga punong saserdote ang mga piraso ng pilak at sinabi: “Hindi tamang ihulog ang mga iyon sa sagradong kabang-yaman, dahil ang mga iyon ay halaga ng dugo.” 7  Matapos mag-usap-usap, ang pera ay ipinambili nila ng bukid ng magpapalayok para gawing libingan ng mga tagaibang bayan. 8  Kaya ang bukid na iyon ay tinatawag na Bukid ng Dugo+ hanggang ngayon. 9  Kaya natupad ang sinabi ng propetang si Jeremias: “At kinuha nila ang 30 pirasong pilak,+ ang halagang itinakda sa isang tao, ang isa na tinakdaan ng halaga ng ilan sa mga anak ni Israel, 10  at ipinambili nila ang mga iyon ng bukid ng magpapalayok, ayon sa iniutos ni Jehova sa akin.”+ 11  Nang humarap si Jesus sa gobernador, tinanong siya nito: “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” Sumagot si Jesus: “Ikaw na mismo ang nagsasabi.”+ 12  Pero nang inaakusahan siya ng mga punong saserdote at matatandang lalaki, hindi siya kumibo.+ 13  Pagkatapos, sinabi ni Pilato: “Hindi mo ba naririnig kung gaano karami ang ipinaparatang nila sa iyo?” 14  Pero wala siyang isinagot sa kaniya, wala, kahit isang salita, kaya takang-taka ang gobernador. 15  Sa bawat kapistahan, naging kaugalian ng gobernador na magpalaya ng isang bilanggo na hihilingin ng mga tao.+ 16  Noon ay may isang kilalang bilanggo na tinatawag na Barabas.+ 17  Kaya nang magkatipon ang mga tao, sinabi ni Pilato sa kanila: “Sino ang gusto ninyong palayain ko, si Barabas o si Jesus na tinatawag na Kristo?” 18  Ginawa ito ni Pilato dahil alam niyang naiinggit lang sila kaya ibinigay nila si Jesus sa kaniya. 19  Bukod diyan, habang nakaupo si Pilato sa luklukan ng paghatol, ipinasabi ng asawa niya: “Huwag kang makialam sa taong iyan na walang kasalanan, dahil labis akong pinahirapan ngayon ng isang panaginip dahil sa kaniya.” 20  Pero hinikayat ng mga punong saserdote at matatandang lalaki ang mga tao na ang hilingin ay si Barabas+ at ipapatay si Jesus.+ 21  Tinanong sila ulit ng gobernador: “Sino sa dalawa ang gusto ninyong palayain ko?” Sinabi nila: “Si Barabas.” 22  Sinabi sa kanila ni Pilato: “Ano naman ang gagawin ko kay Jesus na tinatawag na Kristo?” Sinabi nilang lahat: “Ibayubay siya sa tulos!”+ 23  Sinabi niya: “Bakit? Ano ba ang ginawa niyang masama?” Pero lalo nilang inilakas ang sigaw: “Ibayubay siya sa tulos!”+ 24  Nang makita ni Pilato na hindi nakabuti ang ginawa niya kundi nagkagulo pa nga ang mga tao, kumuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harap ng mga tao. Sinabi niya: “Wala akong kasalanan sa dugo ng taong ito.* Kayo na ang may pananagutan diyan.” 25  Kaya sumagot ang buong bayan: “Kami at ang mga anak namin ang may pananagutan sa dugo niya.”+ 26  Pagkatapos, pinalaya niya si Barabas, pero ipinahagupit niya si Jesus+ at ibinigay sa mga sundalo para ibayubay sa tulos.+ 27  Pagkatapos, dinala si Jesus ng mga sundalo ng gobernador sa bahay ng gobernador, at tinipon nila ang buong pangkat ng mga sundalo sa palibot niya.+ 28  At pagkahubad sa kaniya, sinuotan nila siya ng matingkad-na-pulang balabal,+ 29  at gumawa sila ng koronang tinik at inilagay iyon sa ulo niya at pinahawakan sa kanang kamay niya ang isang tambo. Lumuhod sila sa harap niya at ginawa siyang katatawanan. Sinasabi nila: “Magandang araw, Hari ng mga Judio!” 30  At dinuraan nila siya+ at kinuha ang tambo at pinaghahampas siya sa ulo. 31  Matapos nila siyang gawing katatawanan, hinubad nila sa kaniya ang balabal at isinuot sa kaniya ang damit niya at inilabas siya para ipako sa tulos.+ 32  Habang palabas sila, nakita nila ang isang lalaking nagngangalang Simon na taga-Cirene. Pinilit nila itong buhatin ang pahirapang tulos ni Jesus.+ 33  At nang makarating sila sa isang lugar na tinatawag na Golgota, na ang ibig sabihin ay Bungo,+ 34  binigyan nila si Jesus ng alak na hinaluan ng mapait na likido para inumin;+ pero nang matikman niya ito, tumanggi siyang uminom. 35  Nang maipako na nila siya sa tulos, pinaghati-hatian nila ang damit niya sa pamamagitan ng palabunutan,+ 36  at naupo sila habang binabantayan siya. 37  Gumawa rin sila ng paskil at inilagay ito sa ulunan niya. Nakasulat doon ang akusasyon sa kaniya: “Ito si Jesus, ang Hari ng mga Judio.”+ 38  Pagkatapos, dalawang magnanakaw ang ipinako rin sa tulos, isa sa kanan niya at isa sa kaliwa.+ 39  At ang mga dumadaan ay pailing-iling+ at iniinsulto siya:+ 40  “Hindi ba ibabagsak mo ang templo at itatayo ito sa loob ng tatlong araw?+ Iligtas mo ang sarili mo! Kung anak ka ng Diyos, bumaba ka sa pahirapang tulos!”+ 41  Ininsulto rin siya ng mga punong saserdote pati ng mga eskriba at matatandang lalaki:+ 42  “Iniligtas niya ang iba; ang sarili niya, hindi niya mailigtas! Siya ay Hari ng Israel;+ bumaba siya ngayon sa pahirapang tulos at maniniwala kami sa kaniya. 43  Nagtitiwala siya sa Diyos; iligtas Niya siya ngayon kung mahal Niya siya.+ Hindi ba sinabi niya, ‘Ako ang Anak ng Diyos’”?+ 44  Ininsulto rin siya pati ng mga magnanakaw na nakapako sa mga tulos sa tabi niya.+ 45  Mula nang ikaanim na oras hanggang sa ikasiyam na oras, nagdilim sa buong lupain.*+ 46  Nang bandang ikasiyam na oras na ay sumigaw si Jesus nang malakas: “Eli, Eli, lama sabaktani?” na ang ibig sabihin ay “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”+ 47  Nang marinig ito, sinabi ng ilan sa mga nakatayo roon: “Tinatawag ng taong ito si Elias.”+ 48  At agad na tumakbo ang isa sa kanila at kumuha ng espongha at isinawsaw ito sa maasim na alak. Inilagay niya ito sa isang tambo at ibinigay kay Jesus para inumin.+ 49  Pero sinabi ng iba: “Pabayaan mo siya! Tingnan natin kung darating si Elias para iligtas siya.” 50  Muling sumigaw si Jesus at nalagutan ng hininga.+ 51  At ang kurtina ng templo+ ay nahati sa dalawa,+ mula sa itaas hanggang sa ibaba,+ at nayanig ang lupa, at nabiyak ang mga bato. 52  At ang mga libingan ay nabuksan at maraming bangkay ng mga banal* ang napahagis 53  (matapos siyang buhaying muli, ang mga taong nagpunta sa libingan ay pumasok sa banal na lunsod), at nakita ito ng maraming tao. 54  Takot na takot ang opisyal ng hukbo at ang mga kasama niya na nagbabantay kay Jesus nang masaksihan nila ang paglindol at ang mga bagay na nangyayari. Sinabi nila: “Tiyak na ito ang Anak ng Diyos.”*+ 55  At maraming babae ang naroon at nagmamasid mula sa malayo. Sumama sila noon kay Jesus mula sa Galilea para maglingkod sa kaniya.+ 56  Kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Maria na ina ni Santiago at ni Joses, at ang ina ng mga anak ni Zebedeo.+ 57  Nang dapit-hapon na, may dumating na isang taong mayaman mula sa Arimatea, na nagngangalang Jose at naging alagad din ni Jesus.+ 58  Ang taong ito ay pumunta kay Pilato at hiningi ang katawan ni Jesus.+ Kaya iniutos ni Pilato na ibigay iyon sa kaniya.+ 59  Kinuha ni Jose ang katawan, binalot iyon ng malinis at magandang klase ng lino,+ 60  at inilagay sa kaniyang bagong libingan,+ na inuka niya sa bato. At matapos igulong ang isang malaking bato sa pasukan ng libingan, umalis siya. 61  Pero si Maria Magdalena at ang isa pang Maria ay nanatili roon; nakaupo sila sa harap ng libingan.+ 62  Kinabukasan, pagkatapos ng araw ng Paghahanda,+ ang mga punong saserdote at ang mga Pariseo ay sama-samang nagpunta kay Pilato. 63  Sinabi nila: “Ginoo, naalaala namin ang sinabi ng impostor na iyon noong buháy pa siya, ‘Pagkatapos ng tatlong araw ay bubuhayin akong muli.’+ 64  Kaya iutos mo na bantayang mabuti ang libingan hanggang sa ikatlong araw para hindi pumunta roon ang mga alagad niya at nakawin siya+ at sabihin sa mga tao, ‘Binuhay siyang muli!’ At ang huling pandarayang ito ay magiging mas masama pa kaysa sa una.” 65  Sinabi ni Pilato sa kanila: “Puwede kayong maglagay ng mga bantay. Pabantayan ninyo iyon nang mabuti.” 66  Kaya pumunta sila sa libingan at isinara itong mabuti,* at naglagay sila ng mga bantay.

Talababa

O “dugong ito.”
Lit., “lupa.”
O “maraming katawan ng mga banal na natulog na sa kamatayan.”
O posibleng “ay anak ng Diyos; ay anak ng isang diyos.”
Sa orihinal na wikang Griego, ipinapakitang may ginawa sa batong pansara sa libingan para malaman kung may nagbukas nito.

Study Notes

matatandang lalaki: Tingnan ang study note sa Mat 16:21.

Pilato, ang gobernador: Ang Romanong gobernador (prepekto) ng Judea na iniluklok ni Emperador Tiberio noong 26 C.E. Namahala siya nang mga 10 taon. Si Pilato ay binanggit ng sekular na mga manunulat, gaya ng Romanong istoryador na si Tacitus. Isinulat nitong ipinag-utos ni Pilato ang pagpatay kay Kristo sa panahon ng pamamahala ni Tiberio. Isang inskripsiyong Latin na may pananalitang “Poncio Pilato, Prepekto ng Judea” ang natagpuan sa sinaunang teatrong Romano sa Cesarea, Israel.​—Tingnan ang Ap. B10 para sa teritoryong sakop ni Poncio Pilato.

nabagabag: Ang salitang Griego na me·ta·meʹlo·mai na ginamit dito ay may positibong kahulugan (isinaling “nakonsensiya” o “nagsisi” sa Mat 21:29, 32; 2Co 7:8), pero walang indikasyon na tunay ang pagsisisi ni Hudas. Kapag tumutukoy sa pagsisisi sa harap ng Diyos, gumagamit ang Bibliya ng ibang termino, me·ta·no·eʹo (isinaling “magsisi” sa Mat 3:2; 4:17; Luc 15:7; Gaw 3:19), na nangangahulugan ng malaking pagbabago sa pag-iisip, saloobin, at layunin. Ipinapakita lang ng pagbalik ni Hudas sa mismong mga taong nakasabuwat niya at ng pagpapakamatay niya na nanatiling baluktot ang isip niya at hindi siya nagbago.

matuwid: Sa ilang manuskrito, ang mababasa ay “walang-sala.”

templo: Ang salitang Griego na na·osʹ na ginamit dito ay puwedeng tumukoy sa buong bakuran ng templo, kasama na ang mga looban nito, at hindi lang sa mismong templo.

nagbigti: Sa ulat ni Lucas tungkol sa kamatayan ni Hudas na nakaulat sa Gaw 1:18, sinabi niyang bumagsak si Hudas at nabiyak ang katawan nito. Lumilitaw na ang iniulat ni Mateo ay kung paano nagpakamatay si Hudas, samantalang inilarawan naman ni Lucas ang resulta ng pagpapakamatay niya. Kung titingnan ang dalawang ulat na ito, lumilitaw na nagbigti si Hudas sa isang bangin, pero napatid ang lubid o nabali ang sanga ng puno na pinagtalian niya, kaya bumagsak siya at nabiyak ang katawan niya sa batuhan. Ang ganiyang konklusyon ay sinusuportahan ng topograpiya sa palibot ng Jerusalem.

sagradong kabang-yaman: Ang terminong ito ay puwedeng tumukoy sa bahagi ng templo na tinatawag na “ingatang-yaman” sa Ju 8:20, na lumilitaw na nasa Looban ng mga Babae, kung saan may 13 kabang-yaman. (Tingnan ang Ap. B11.) Sinasabing ang templo ay mayroong pangunahing kabang-yaman at doon dinadala ang perang nakukuha sa iba pang kabang-yaman.

halaga ng dugo: Halagang ibinayad sa pagpatay.

ang pera ay ipinambili nila: Si Mateo lang ang nag-ulat na ginamit ng mga punong saserdote ang 30 pirasong pilak para bumili ng bukid. Sinasabi sa Gaw 1:18, 19 na si Hudas ang bumili ng bukid. Pero maliwanag na sinabi ito dahil ang ginamit ng mga punong saserdote na pambili ng bukid ay ang perang nagmula kay Hudas.

bukid ng magpapalayok: Mula pa noong ikaapat na siglo C.E., ang bukid na ito ay sinasabing nasa timugang dalisdis ng Lambak ng Hinom, bago ito dumugtong sa Lambak ng Kidron. Posibleng isa itong lugar kung saan nagtatrabaho ang mga magpapalayok. Gaya ng mababasa sa Mat 27:8 at Gaw 1:19, ang bukid ay tinatawag na “Bukid ng Dugo,” o Akeldama.​—Tingnan ang Ap. B12.

tagaibang bayan: Mga Judiong tagaibang lupain o mga Gentil.

hanggang ngayon: Ipinapakita ng pananalitang ito na lumipas pa ang ilang panahon bago naisulat ang mga pangyayaring ito. Posibleng isinulat ang Ebanghelyo ni Mateo noong mga 41 C.E.

natupad ang sinabi ng propetang si Jeremias: Ang pananalitang ito ay lumilitaw na kinuha ni Mateo sa Zac 11:12, 13, at sa ilalim ng patnubay ng espiritu, ipinakita niyang ang pangyayaring ito ay katuparan ng hulang iyon. Noong panahon ni Mateo, ang Jeremias ang una sa mga aklat ng hula, at ang pangalang ito ay posibleng tumutukoy sa lahat ng aklat na iyon, kasama na ang aklat ng Zacarias.​—Tingnan ang study note sa Mat 1:22.

Jehova: Sa pagsiping ito sa Hebreong Kasulatan (tingnan ang study note sa Mat 27:9), ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.​—Tingnan ang Ap. C.

Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?: Sa Imperyo ng Roma, walang haring makakapamahala nang walang pahintulot ni Cesar. Kaya makikitang ang mga tanong ni Pilato ay nakasentro sa isyu ng pagiging hari ni Jesus.

Ikaw na mismo ang nagsasabi: Maliwanag na ang sagot na ito ni Jesus ay kumpirmasyon na ang sinabi ni Pilato ay totoo. (Ihambing ang study note sa Mat 26:25, 64.) Bagaman inamin ni Jesus kay Pilato na siya nga ay isang hari, iba ito sa iniisip ni Pilato, dahil ang Kaharian ni Jesus ay “hindi bahagi ng sanlibutang ito” at hindi magiging banta sa Roma.​—Ju 18:33-37.

kaugalian . . . na magpalaya ng isang bilanggo: Iniulat ito ng lahat ng apat na manunulat ng Ebanghelyo. (Mar 15:6-15; Luc 23:16-25; Ju 18:39, 40) Hindi ito iniutos sa Hebreong Kasulatan, at wala ring ganitong pangyayari na nakaulat doon. Pero lumilitaw na noong panahon ni Jesus, may ganito nang tradisyon ang mga Judio. Hindi bago ang ganitong kaugalian sa mga Romano, dahil may mga ebidensiya na nagpapakitang nagpapalaya talaga sila ng mga bilanggo para mapasaya ang mga tao.

luklukan ng paghatol: Kadalasang isang mataas na plataporma na nasa labas at may mga baytang kung saan umuupo ang mga opisyal para sabihin sa mga tao ang hatol nila.

panaginip: Maliwanag na mula sa Diyos. Si Mateo lang ang manunulat ng Ebanghelyo na nag-ulat ng pangyayaring ito.

naghugas ng kamay: Ginagawa ito para ipakitang inosente ang isa o walang pananagutan sa isang bagay. Ang ganitong kaugalian ng mga Judio ay binabanggit sa Deu 21:6, 7 at Aw 26:6.

Kami at ang mga anak namin ang may pananagutan sa dugo niya: Lit., “Ang kaniyang dugo ay mapasaamin at sa aming mga anak.”

ipinahagupit: Ang panghagupit na ginagamit ng mga Romano ay isang nakakapangilabot na instrumento na tinatawag sa Latin na flagellum, kung saan kinuha ang pandiwang Griego na ginamit dito (phra·gel·loʹo, “hagupitin”). Ang panghagupit ay may hawakan na kinakabitan ng ilang kurdon o nakatirintas na mahahabang piraso ng katad. Kung minsan, ang mga pirasong ito ng katad ay nilalagyan ng matatalim na piraso ng buto o metal para lalong maging masakit ang mga hampas. Ang hinahampas ng ganitong instrumento ay nagkakapasa-pasa, nawawakwak ang laman, at puwede pa ngang mamatay.

bahay ng gobernador: Ang terminong Griego na prai·toʹri·on (mula sa salitang Latin na praetorium) ang ginagamit para sa opisyal na tirahan ng mga Romanong gobernador. Sa Jerusalem, ang bahay na ito ay posibleng ang palasyo na itinayo ni Herodes na Dakila sa hilagang-kanluran ng mataas na bahagi ng lunsod, sa timog ng Jerusalem. (Tingnan ang Ap. B12 para sa lokasyon.) Tumitira lang si Pilato sa Jerusalem sa ilang okasyon, gaya ng kapag may kapistahan, dahil puwedeng magkagulo sa ganitong mga panahon. Karaniwan nang sa Cesarea siya nakatira.

matingkad-na-pulang balabal: Klase ng balabal o mahabang damit na pampatong na isinusuot ng mga hari, mahistrado, o mga opisyal ng hukbo. Ayon sa Mar 15:17 at Ju 19:2, purpurang damit ang isinuot sa kaniya, pero noon, “purpura” ang tawag sa anumang kulay na may pinaghalong pula at asul. Gayundin, naiiba ang tingin ng isa sa kulay depende sa anggulo, repleksiyon ng ilaw, at kulay sa paligid. Ipinapakita lang ng ganitong pagkakaiba-iba ng kulay sa ulat ng mga Ebanghelyo na hindi nagkopyahan ang mga manunulat nito.

koronang tinik . . . tambo: Bukod sa matingkad-na-pulang balabal (na binanggit sa Mat 27:28), binigyan din si Jesus ng koronang tinik at tambong setro para gawing katatawanan ang pagiging hari niya.

Lumuhod sila sa harap niya: Karaniwan na, ang pagluhod ay pagpapakita ng paggalang sa isang nakatataas, pero ginawa ito ng mga sundalo para insultuhin si Jesus.​—Tingnan ang study note sa Mat 17:14.

Magandang araw: O “Mabuhay ka.” Lit., “Ipagbunyi ang.” Binati nila si Jesus gaya ng kung paano nila babatiin si Cesar, maliwanag na para tuyain siya dahil sinasabi niyang hari siya.

taga-Cirene: Ang Cirene ay isang lunsod malapit sa hilagang baybayin ng Africa, sa timog-kanluran ng isla ng Creta.​—Tingnan ang Ap. B13.

Pinilit: Tingnan ang study note sa Mat 5:41.

pahirapang tulos: O “tulos na pambitay.”​—Tingnan sa Glosari, “Tulos”; “Pahirapang tulos”; tingnan din ang study note sa Mat 10:38 at 16:24, kung saan ginamit ang terminong ito sa makasagisag na paraan.

Golgota: Mula sa salitang Hebreo na nangangahulugang “bungo.” (Tingnan ang Ju 19:17; ihambing ang Huk 9:53, kung saan ang salitang Hebreo na gul·goʹleth ay isinaling “bungo.”) Noong panahon ni Jesus, ang lugar na ito ay nasa labas ng pader ng Jerusalem. Pero hindi matukoy sa ngayon ang eksaktong lokasyon nito. (Tingnan ang Ap. B12.) Hindi sinasabi sa Bibliya na ang Golgota ay nasa burol, pero binabanggit dito na ang pagpatay kay Jesus ay nakita ng mga tao mula sa malayo.​—Mar 15:40; Luc 23:49.

Bungo: Tingnan ang study note sa Mar 15:22.

mapait na likido: Dito, ang salitang Griego na kho·leʹ ay tumutukoy sa mapait na likidong mula sa halaman o anumang mapait na substansiya. Para ipakitang ang pangyayaring ito ay katuparan ng hula, sinipi ni Mateo ang Aw 69:21, kung saan ginamit ng Septuagint ang salitang Griegong ito bilang katumbas ng salitang Hebreo para sa “lason.” Lumilitaw na ang alak ay hinaluan ng mga babae ng Jerusalem ng mapait na likido para mamanhid ang mga binibitay, at pinahintulutan ito ng mga Romano. Sinasabi sa kaparehong ulat sa Mar 15:23 na ang alak ay “hinaluan ng mira,” kaya maliwanag na ang alak na ibinigay kay Jesus ay may halong mira at mapait na likido.

tumanggi siyang uminom: Maliwanag na gusto ni Jesus na malinaw ang kaniyang isip at kontrolado niya ang lahat ng kaniyang pandamdam habang nasa ilalim ng pagsubok na iyon.

pinaghati-hatian nila ang damit: Ang salitang Griego dito na isinaling “damit” ay puwedeng tumukoy sa balabal o sa mahabang damit na pampatong. Sa Ju 19:23, 24, may mga detalyeng hindi binanggit sa ulat nina Mateo, Marcos, at Lucas. Kapag pinagsama-sama ang ulat sa apat na Ebanghelyo, ito ang eksenang mabubuo: Lumilitaw na nagpalabunutan ang mga sundalong Romano para sa balabal at panloob na damit ni Jesus; ang balabal ay “hinati sa apat, isa sa bawat sundalo”; ayaw nilang paghati-hatian ang panloob na damit kaya nagpalabunutan sila; at ang pagpapalabunutan sa kasuotan ng Mesiyas ay katuparan ng Aw 22:18. Lumilitaw na nakaugalian na ng mga tagabitay na kunin ang damit ng bibitayin nila. Kinukuha sa mga kriminal ang damit at iba pa nilang gamit bago sila patayin kaya nagiging mas kahiya-hiya ang kamatayan nila.

sa pamamagitan ng palabunutan: Tingnan sa Glosari, “Palabunutan.”

magnanakaw: O “bandido.” Ang salitang Griego na lei·stesʹ ay puwedeng tumukoy sa mga nagnanakaw nang may dahas at puwede ring sa mga rebelde. Ito rin ang salitang ginamit para kay Barabas (Ju 18:40), na nabilanggo dahil sa “pagpatay” at ‘sedisyon’ ayon sa Luc 23:19. Sa kaparehong ulat sa Luc 23:32, 33, 39, tinawag silang “mga kriminal,” mula sa salitang Griego na ka·kourʹgos, na literal na nangangahulugang “taong gumagawa ng masama.”

pailing-iling: Ginagawa ito para mang-alipusta, manghamak, o mang-insulto at karaniwan nang may kasamang salita. Hindi alam ng mga dumadaang iyon na tinutupad nila ang hula sa Aw 22:7.

pahirapang tulos: O “tulos na pambitay.”​—Tingnan ang study note sa Mat 27:32 at Glosari, “Tulos”; “Pahirapang tulos.”

pahirapang tulos: O “tulos na pambitay.”​—Tingnan ang study note sa Mat 27:32 at Glosari, “Tulos”; “Pahirapang tulos.”

ikaanim na oras: Mga 12:00 n.t.​—Tingnan ang study note sa Mat 20:3.

nagdilim: Tingnan ang study note sa Mar 15:33.

ikasiyam na oras: Mga 3:00 n.h.​—Tingnan ang study note sa Mat 20:3.

Eli, Eli, lama sabaktani?: Sinasabi ng ilan na Aramaiko ang pananalitang ito, pero malamang na ito ay nasa wikang Hebreo na ginagamit noon at naimpluwensiyahan ng Aramaiko. Hindi matutukoy ang orihinal na wikang pinanggalingan nito kung pagbabatayan lang ang transliterasyon sa Griego na ginamit nina Mateo at Marcos.

Diyos ko, Diyos ko: Nang tawagin ni Jesus ang kaniyang Ama sa langit bilang kaniyang Diyos, tinupad niya ang hula sa Aw 22:1. Posibleng naalala ng mga nakarinig sa paghiyaw ni Jesus ang iba pang hula tungkol sa kaniya sa Aw 22—na siya ay pagtatawanan, iinsultuhin, sasaktan sa kamay at paa, at na ang kasuotan niya ay paghahati-hatian sa pamamagitan ng palabunutan.​—Aw 22:6-8, 16, 18.

Elias: Mula sa pangalang Hebreo na nangangahulugang “Ang Diyos Ko ay si Jehova.”

maasim na alak: O “sukang alak.” Malamang na tumutukoy sa maasim na alak na hindi matapang pero gumuguhit. Tinatawag ito sa Latin na acetum (sukà) o posca kapag hinaluan ng tubig. Mura lang ito at karaniwang iniinom ng mahihirap, pati na ng mga sundalong Romano, bilang pamatid-uhaw. Ang salitang Griego na oʹxos ay ginamit din ng Septuagint sa Aw 69:21, kung saan inihula na ang Mesiyas ay bibigyan ng “sukà” para inumin.

tambo: O “patpat; tungkod.” Sa ulat ni Juan, tinatawag itong “tangkay ng isopo.”​—Ju 19:29; tingnan sa Glosari, “Isopo.”

para iligtas siya: Idinagdag ito sa ilang sinaunang manuskrito: “Sinaksak ng sibat ng isa sa mga lalaki ang tagiliran ni Jesus, at lumabas ang dugo at tubig.” Hindi ito mababasa sa ibang mahahalagang manuskrito. May ganiyang pananalita sa Ju 19:34, pero ayon sa Ju 19:33, patay na si Jesus nang mangyari ito. Naniniwala ang karamihan sa mga eksperto, kasama na ang mga editor ng tekstong Griego ng Nestle-Aland at United Bible Society, na ang pananalita sa Juan ay idinagdag lang ng mga tagakopya sa ulat ng Mateo. Kahit sina Westcott at Hort, na naglagay rin sa kanilang tekstong Griego ng pananalitang ito na nakabraket, ay nagsasabing “malamang na isiningit [ito] ng mga eskriba.” Dahil iba-iba ang makikita sa mga manuskrito ng ulat ni Mateo at walang kalituhan sa ulat ng Ebanghelyo ni Juan, lumilitaw na tama ang sunuran ng mga pangyayari sa ulat ng Ju 19:33, 34—patay na si Jesus nang saksakin siya ng sibat ng sundalong Romano. Kaya sa saling ito, ang pananalitang ito ay hindi isinama sa Mat 27:49.

nalagutan ng hininga: Lit., “isinuko niya ang kaniyang puwersa ng buhay.” O “namatay.” Ang salitang Griego para sa “puwersa ng buhay” (pneuʹma) ay puwedeng tumukoy sa “hininga,” at sinusuportahan ito ng pandiwang Griego na ek·pneʹo (lit., “bumuga ng hininga”) na ginamit sa kaparehong ulat sa Mar 15:37 (kung saan isinalin itong “namatay,” o ayon sa study note, “nalagutan ng hininga”). Sinasabi ng ilan na ang paggamit ng terminong Griego na puwedeng literal na isaling “isinuko” ay nangangahulugang hindi na nakipaglaban si Jesus para mabuhay, dahil nagawa na niya ang kailangan niyang gawin. (Ju 19:30) “Ibinuhos niya ang sarili niya hanggang sa kamatayan.”​—Isa 53:12; Ju 10:11.

kurtina: Ang kurtinang ito na napapalamutian ang naghihiwalay sa Banal at Kabanal-banalan sa templo. Ayon sa mga akdang Judio, ang mabigat na kurtinang ito ay mga 18 m (60 ft) ang haba, 9 m (30 ft) ang lapad, at 7.4 cm (2.9 in) ang kapal. Ipinapakita ng pagkakahati ng kurtina na galit na galit si Jehova sa mga pumatay sa kaniyang Anak at na posible na ang pagpasok sa langit.​—Heb 10:19, 20; tingnan sa Glosari.

templo: Dito, ang salitang Griego na na·osʹ ay tumutukoy sa mismong templo, kung nasaan ang Banal at ang Kabanal-banalan.

libingan: O “alaalang libingan.”​—Tingnan sa Glosari, “Alaalang libingan.”

napahagis: Ang pandiwang Griego na e·geiʹro, na nangangahulugang “ibangon,” ay puwedeng tumukoy sa pagkabuhay-muli, pero madalas itong gamitin sa ibang konteksto. Halimbawa, puwede itong mangahulugang “iahon” mula sa hukay o “tumayo” mula sa lupa. (Mat 12:11; 17:7; Gaw 3:7) Sa ulat ni Mateo, iniugnay niya ang pandiwang Griego sa “bangkay ng mga banal” at hindi sa mismong “mga banal.” Lumilitaw na sa lakas ng lindol, nabuksan ang mga libingan at napahagis ang mga bangkay.

mga taong nagpunta sa libingan: Lit., “mga taong lumabas mula sa libingan.” Ang pandiwang Griego rito ay ginagamit para sa pangmaramihang simuno na nasa kasariang panlalaki. Ang ganitong simuno ay tumutukoy sa mga tao at hindi sa mga bangkay (walang kasarian sa Griego) na binanggit sa talata 52. Maliwanag na tumutukoy ito sa mga taong nakakita sa mga bangkay na napahagis dahil sa lindol (tal. 51). Lumilitaw na napadaan sila sa libingan at pagkatapos ay pumasok sila sa lunsod para ibalita ang nakita nila.

matapos siyang buhaying muli: Tumutukoy sa pagkabuhay-muli ni Jesus. Ang impormasyong nasa panaklong ay naganap pagkalipas pa ng ilang panahon.

banal na lunsod: Tumutukoy sa Jerusalem.​—Tingnan ang study note sa Mat 4:5.

nakita ito: Maliwanag na tumutukoy sa mga bangkay na binanggit sa talata 52.​—Tingnan ang study note sa Mat 27:52.

opisyal ng hukbo: O “senturyon,” pinuno ng mga 100 sundalo sa hukbong Romano. Ang opisyal na ito ay posibleng nasa paglilitis ni Pilato kay Jesus at posibleng narinig niya mula sa mga Judio na sinasabi ni Jesus na Anak siya ng Diyos.​—Mat 27:27; Ju 19:7.

Maria Magdalena: Ang pangalan niyang Magdalena (nangangahulugang “Ng, o Mula sa, Magdala”) ay malamang na kinuha sa bayan ng Magdala sa kanlurang baybayin ng Lawa ng Galilea at nasa pagitan ng Capernaum at Tiberias. Sinasabing sa Magdala lumaki si Maria o doon siya nakatira.​—Tingnan ang study note sa Mat 15:39; Luc 8:2.

Santiago: Tinatawag ding “Santiago na Nakabababa.”​—Mar 15:40.

Joses: Sa ilang sinaunang manuskrito, ang mababasa ay “Jose” sa halip na “Joses.” Sa kaparehong ulat sa Mar 15:40, “Joses” ang mababasa sa karamihan ng sinaunang manuskrito.

ina ng mga anak ni Zebedeo: Tumutukoy sa ina ng mga apostol na sina Santiago at Juan.​—Tingnan ang study note sa Mat 4:21; 20:20.

Arimatea: Ang pangalan ng lunsod na ito ay mula sa salitang Hebreo na nangangahulugang “kaitaasan.” Sa Luc 23:51, tinatawag itong “lunsod ng mga Judeano.”​—Tingnan ang Ap. B10.

Jose: Makikita ang personalidad ng mga manunulat ng Ebanghelyo sa magkakaibang detalye na iniulat nila tungkol kay Jose. Sinabi ni Mateo, isang maniningil ng buwis, na mayaman si Jose; sinabi naman ni Marcos, na sumulat para sa mga Romano, na siya ay “iginagalang na miyembro ng Sanggunian” at naghihintay sa Kaharian ng Diyos; sinabi ni Lucas, isang mapagmalasakit na doktor, na “isa siyang mabuti at matuwid na tao” na hindi sumuporta sa pakana ng Sanggunian laban kay Jesus; si Juan lang ang nag-ulat na “alagad siya ni Jesus, pero inilihim niya ito dahil sa takot sa mga Judio.”​—Mar 15:43-46; Luc 23:50-53; Ju 19:38-42.

libingan: O “alaalang libingan.” Hindi talaga ito kuweba, kundi isang libingang inuka sa malambot na batong-apog. Ang ganitong libingan ay may mga uka sa loob o mahahabang patungan ng bangkay.​—Tingnan sa Glosari, “Alaalang libingan.”

isang malaking bato: Lumilitaw na isa itong bilog na bato, dahil sinasabi sa talatang ito na iginulong ang bato, at sinasabi naman sa Mar 16:4 na “naigulong na ang bato” noong buhaying muli si Jesus. Malamang na may bigat itong isang tonelada o higit pa.

ang isa pang Maria: Tumutukoy kay “Maria na ina ni Santiago at ni Joses” na binanggit sa Mat 27:56. Binanggit din siya sa Mat 28:1; Mar 15:40, 47; 16:1; Luc 24:10; Ju 19:25.​—Tingnan ang study note sa Mar 3:18; Ju 19:25.

Kinabukasan: Tumutukoy sa Nisan 15. Ang araw pagkatapos ng Nisan 14 ay laging Sabbath, o banal na araw ng kapahingahan, anumang araw ito ng linggo matapat. Pero noong 33 C.E., ang Nisan 15 ay tumapat din sa lingguhang Sabbath, kaya “espesyal,” o doble, ang araw ng Sabbath na iyon.​—Ju 19:31; tingnan ang Ap. B12.

Paghahanda: Tawag sa araw bago ang lingguhang Sabbath. Sa araw na ito, naghahanda ang mga Judio para sa Sabbath sa pamamagitan ng paghahanda ng mas maraming pagkain at pagtapos sa anumang trabahong hindi na makakapaghintay hanggang sa matapos ang Sabbath. Sa pagkakataong ito, ang araw ng Paghahanda ay tumapat sa Nisan 14.​—Mar 15:42; tingnan sa Glosari.

tatlong araw: Hindi naman ito nangangahulugang buong tatlong araw, dahil sinasabi sa ulat na ang kahilingan ay “bantayang mabuti ang libingan hanggang sa ikatlong araw,” hindi hanggang sa ikaapat.​—Mat 27:64; tingnan ang study note sa Mat 12:40.

At ang huling pandarayang ito ay magiging mas masama pa kaysa sa una: Maliwanag na nangangahulugang ang diumano’y “pandarayang ito,” ang pagkabuhay-muli ni Jesus, ay magiging mas masama pa kaysa sa una, ang pagpapakilala niya bilang Mesiyas. Lumilitaw na alam ng mga kalaban ni Jesus na kung mabubuhay siyang muli, mapapatunayang totoo ang sinasabi niyang siya ang Mesiyas.

bantay: Lumilitaw na nagpadala si Pilato ng isang grupo ng mga sundalong Romano. (Mat 28:4, 11) Kung ang mga bantay na iyon ay mga Judiong bantay sa templo, hindi na sana lumapit ang mga Judio kay Pilato. Isa pa, ipinangako ng mga saserdote sa mga bantay na iyon na sila na ang bahalang magpaliwanag sa gobernador sakaling mabalitaan nitong nawala ang katawan ni Jesus.​—Mat 28:14.

Media